Monday, April 18, 2016

Isang Magandang Umaga sa Sining at Kultura (Talumpati)

Sisimulan ko ang aking pahayag tungkol sa sining mula sa isang akda na ganito ang isinasaad:

Bayan ko, kahit munti
Dayuha’t namalagi
Kastila’t Hapon pati Puti
Sa kultura’y nakihati.
Pati Intsik at iba pa
Sa sining ko’y nanghawa
Kayumangging Pinoy, ano na?
May batik na ng kulay niya.
Bayan ko kahit munti
Sining at kultura’y sari-sari
Anumang gawi’y isang pag-aari
Para sa lahat, di dapat isauli.

Oo, maraming ddugong nananalaytay sa ating ugat. Hindi maitatatwang ako, ikaw, tayong lahat ay produkto ng iba’t ibang lahi. Lahing nag-ambag ng sining at kultursng may iba’t ibang pananampalataya, paniniwala, pananamit at maging sa gawi at kaugalian.

Sino ang makapagsasabi kung ilang taon tayong sinakop ng mga dayuhan? Napakaraming taon na, di ba? Nailarawan sa sining ng awit, tula, dula at sayaw ang ganda at kariktan ng kultura. Kulturang naging lalong mayaman at makulay hindi lamang sa pakikipag-ugnayan natin sa ibang lupain kundi pati na rin sa mga tradisyon, kaugalian at paniniwalang kinamulatan nating lahat na siyang nagpatanyag at nagpaangat sa lahing kayumanggi.

Ngunit ilan na ng aba ang nagnais tumalikod sa kanyang kinagisnan. Marami na. Dahil bas a ito’y baduy, cheap o may kakornihan daw? Ilan na rin kaya sa atin ang kumutya dahil ito’y wala na sa kalakaran, wala na sa panahon?

Marahil ay di natin maitatangging ilang beses nan gang nasaksihan natin ang pagkupas ng kariktan at pagpapahalaga sa sining at kultura.

Isang madilim na umaga ba ang mababanaag sa yamang lahi ng pagka-Pilipino? Sino? Sino sa inyo ang naghahangad na maganap ito?

Ikaw ba’y masisiyahan kung sa tagdan ang watawat na iwinawagayway ay mag-iba ng kulay?

Matutuwa ka ba kung sa himpapawid ay sa halip na lamyos at tamis ng awiting “Lupang Hinirang” ang pumailanlang ay nakatutulig na ingay?

Masisiyahan k aba kung sa pananamit mo’y maging hubad na ang katauhan at dangal?

Magagalak k aba kung ang tinuhog na bulaklak ng lahi’y maging tuyot na’t wala ng kabanguhan?

Papayag ka bang ikaw, mismong Juan dela Cruz, na maginoo’t matapang ay maging isang manhid at walang pakialam? At ikaw, babaeng Pilipinang tanyag sa kayumiang di masaling ang kamay ay bigla na lamang magbago’t ang “cheap mo naman?”

Ah, ang panahon nga ba’y hadlang sa pagbabago ng lahat ng ito? Hindi, hindi tayo dapat pumayag. Panahon lamang ang lumilipas ngunit tayo mismong nabubuhay sa panahong ito ay di dapat magbago. Sa palad natin nakasalalay ang sining at kultura para sa lahat.

Kung di natin sisimulan ngayon, kalian pa? Kung di tayo kikilos, sino ang mag-uumpisa?

Sa kulturang inangkin ng lahi, niyapos at pinahalagahan ng mga ninuno’y muli itong mapayayabong para sa pagkakabuo at pagkakaroon ng isang bansang Malaya at maunlad. Kapit-bisig nating tunguhin ang bukas upang itong lahi’y muling umangat at ang santuldok na ito sa mapa’y maging isang malaking bilog na kapalolooban ng bango at dangal na papaimbulog sa kabansaan.

Bakit di natin hayaang simulant ngayon ang isang malikhaing pagsasagawa, pagpapanatili sa kaisipa’t kalooban na sa sining na naroon ang aliw-iw, ang yaman at ang buhay at sa kultura’y may kariktan, may karangalan at bukas na naghihintay.

Ngayo’y nakikini-kinita ko na ang isang “maayong bontag” para sa Cebuano; “maupay nga aga”, para sa Waray; “naimbag nga aldaw” para sa Ilokano; “mayap a abak” para sa Kapampangan.


Batid kong magkakaiba man tayo ng pananalita sa sining at kultura, tayo’y iisa-ito’y para sa lahat. Kaya’t nababanaag ko na ang isang MAGANDANG UMAGA. 

5 comments: