Halos tumigil ang paghinga ni Don Juan nang
matanawan ang ibong lumilipad na papalapit. Ito na marahil, naisaloob niya, ito
na ang ibong hinahanap niya.
Mula nang umalis siya sa sariling bayan
upang hanapin ang Ibong Adarna ilan na bang bundok ang nilakbay niya? Hindi na
halos mabilang ni Don Juan. Ang tanging alam niya, kailangang matagpuan niya at
maiuwi ang ibong ito.
Parang hapung-hapong dumapo ang ibong sa
isang malabay na sanga ng puno ng Piedras Platas. Sa pagkakaupo sa ilalim ng
punong ito, na tahanan ng Adarna, muling nagbalik sa isip ni Don Juan ang mga
pangyayaring naghatid sa kanya sa pook na iyon. Malubha ang kanyang amang hari
at ayon sa manggagamot ng kanilang kaharian, tanging ang awit ng Adarna ang
makapagpapagaling dito.
Unang naglakbay ang panganay niyang kapatid
na si Don Pedro. Pagkalipas ng ilang buwan, nang hindi bumabalik si Don Pedro,
si Don Diego naman ang naglakbay. Hindi
rin nakabalik si Don Diego, kaya’t siya, ang bunsong si Juan, ang lumisan upang
maghanap sa ibon, at sa dalawang kapatid na naunang umalis. Ilanga raw siyang
naglakbay hanggang sa nakatagpo siya ng matandang pulubi na pinakain niya at
pinainom ng kanyang baon. Bilang pabuya sa kanyang kagandahang loob, tinulungan
siya ng matanda-sinabi nito kung saan matatagpuan ang ibong hanap niya.
Di nagtagal, narinig ni Don Juan ang
malambing na awit ng ibon. Napakatamis ng awit ng ibon, parang hinihila siyang
matulog. Kinuha ng binata ang kutsilyo sa kanyang bulsa at sinugatan ang
sariling palad. Pagkatapos, gaya ng bilin sa kanya ng matandang ermitanyo,
pinatakan niya ng katas ng dayap ang sugat. Halos maiyak ang prinsipe sa tindi
ng kirot kaya’t biglang napalis ang kanyang antok.
Matapos umawit, nagbago ang kulay ng
balahibo ng ibon. Ang kanina’y parang perlas na balahibo ng ibon ay nagkaroon
ng iba’t ibang masisiglang kulay na higit na maganda kaysa una.
Tama ang sabi ng ermitanyo, naisaloob ni
Juan. Ayon sa matandang ermitanyo, pitong beses na await ang ibon, at pitong
beses ding mag-iiba ang kulay ng balahibo. Nakapagpapaantok ang matamis na awit
ng ibon, kaya’t upang di siya makatulog, sinunod ni Don Juan ang bilin ng
matanda. Ang kutsilyong ibinigay sa kanya ang ipinanghiwa niya sa sariling
palad at katas ng pitong dayap ang ipinatak niya sa sugat.
Magmamadaling-araw na nang makatapos ng
pitong awit ang Ibong Adarna. Gaya ng sinabi ng matandang ermitanyo, ugali ng
ibon na magbawas bago matulog. Alam na ni Don Juan ang kanyang gagawin. Umilag
siya nang makitang pabagsak na sa kanya ang dumi ng ibon-kung di siya nakaiwas,
tiyak na naging bato siya.
Naghintay-hintay pa ng ilang sandal ang
prinsipe at nang inaakalang mahimbing na ang ibon ay dahan-dahan niyang inakyat
ang puno at biglang sinunggaban sap aa ang ibon. Dali-dali niyang inilabas ang
gintong paneling kaloob ng ermitanyo at itinali ang ibon na tulog na tulog pa
rin-nakabuka ang mga pakpak at dilat na dilat ang mga mata na parang gising.
Tuwang-tuwa si Don Juan. Hawak ang
nakataling ibon ay masiglang nilandas ng prinsipe ang daang pabalik sa kubo ng
ermitanyo. Noon pa’y nakikini-kinita na ng binata ang muling paglusog ng
kanyang amang hari sa sandaling maiuwi niya ang Ibong Adarna.
No comments:
Post a Comment