Ang mga Ifugao ay may isang mahalagang
agimat na nagpapatapang sa kanila kung sila ay makikidigma, maglalakbay ng
malayo, mangangaso sa masinsing kagubatan o tatawid sa malalaking ilog.
Tinatawag itong kodla o kiwil. Ang agimat na ito ay maaaring sa anyo ng isang
maliit na bato, isang pirasong buto, isang maliit na bubuli, o tinipong mga
damo ngunit ang paniniwala sa kanyang kapangyarihan ay di kailanman
mapag-aalinlanganan ng mga matatandang Ifugao. Ang kodla ay isang pambihirang
ari-arian at mapalad ang isang Ifugao na nagmamay-ari ng isa nito, dahil
igagalang at katatakutan ng mga kapatid niyang di naging mapalad.
Ang kodla ay isang agimat na pinaghirapang
makamit ng unang nagmay-aring mga Ifugao. Isasalaysay ng kwentong ito kung
paano nakamit ni Cabigat ang unang kodla na isinalin mula sa nakaraang
henerasyon hanggang sa kasalukuyan.
Noong unang panahon ay may mag-asawang
nanirahan sa Lamut na nagngangalang Cabigat at Bugan. Sila ay masasaya dahil
marami silang panustos na pagkain at mga hayop. Isang araw, lumabas si Cabigat
para sa kanyang karaniwang pamamasyal sa mga kalapit na nayon. Habang siya’y
wala, inilabas ng kanyang asawang si Bugan ang kanyang panghabi upang humabi ng
isang tapis. Noong dakong hapon, isinampay niya ang dinatapos na tapis sa
silong ng bahay. Siya’y nagbayo ng palay para sa hapunan at agahan.
Sa Ambato, naisipan ni Puwek, ang bathala
ng bagyo, na mamasyal sa mga kabundukan, burol at lambak. Sinimulan niya ang
kanyang paglalakbay sa pamamagitan ng pagdaraan sa ilang nayon hanggang sa
makarating siya sa Lamut isa itong mapanirang paglalakbay dahilsa lahat ng
maraanang mga punong-kahoy at pananim ay walang-awang nasisira. ang panghabi
rin ni Bugan ay tinangay at nasira at ang palay na kanyang binabayo ay kumalat
sa lupa. Ang kaawa-awang si Bugan ay umiiyak na napaupo samantalang nagdaraan
ang nagngangalit na hangin. Pagkatapos ng bagyo, si Cabigat ay umuwi.
Subalit ano ang kanyang nakita? Nakita
niyang ang lahat ng kanyang mga punong namumunga ay nabuwal at ang panghabi at
palay ay nakakalat sa lupa. Namamaga rin ang mga mata ni Bugan dahil sap
ag-iyak. Walang kibo si Cabigat. Wala siyang masabi kahit isang salita dahil sa
kaloob-looban ng kanyang puso ay pulos pagkagalit. Minsan pang tinanaw ang
naging masamang kapalaran. “Bakit? Sino ang gumawa ng lahat ng ito?”
punung-puno ng damdaming nawika ni Cabigat.
Dahan-dahang itinaas ni Bugan ang kanyang
ang kanyang ulo at sumagot, “Dumating sa hapong ito si Puwek at walang awing
ibinuwal ang lahat ng ating namumungang puno, sinira ang aking panghabi at
ikinalat ang lusong. sumisigaw ako sa pagmamakaawa ngunit hindi niya ako
pinakinggan.”
Tulad sa isang ulol na leon, pumasok sa
bahay si Cabigat at kinuha ang kanyang sibat at palakol. Nagbalot siya ng ilang
pandikit at nanaog. At saka sinabi sa kanyang asawa, “Bugan dumito ka sa bahay
at alagaan ang naiwan nating ari-arian. Susundan ko si Puwek, ang bathala ng
bagyo. Nais kong ipaghiganti ang lahat ng paninirang kanyang dinala sa ating
masayang tahanan.” At pagkatapos ay di na naghintay ng kasagutan, si Cabigat ay
nagsimula sa kanyang mapanganib na paglalakbay.
Madali niyang nasundan ang kanyang kaaway
dahil sinundan lamang niya ang mga daang may palatandaan ng paninira. Mahaba
ang paglalakbay ngunit matapang niyang nilakbay ang mga kabundukan hanggang sa
wakas ay narrating niya ang Ambato. Sa kanyang labis na pagkamangha, natagpuan
niyang ang bahay ni Puwek na isang engkantadong lugar. Ito ay malaki at panay
bato. Sa ilalim ay may isang tunnel na siyang kinaroroonan ng kuwarto ni Puwek.
Walang nabubuhay na bagay sa paligid-ligid ng bato. Pagpapakamatay sa sinuman
ang lumapit sa engkantadong lugar, ngunit di natakot si Cabigat. Naroon siya
upang maghiganti.
“Ano’ng aking gagawin upang siya ay mapatay?”
tanong niya sa kanyang sarili. “A, siyanga pala, sasarhan ko ang kanyang
pintuan at hahayaan siyang mamatay sa gutom sa sarili niyang kuwarto.”
Sinimulang isagawa ni Cabigat ang kanyang
balak. Kinuha niya ang kanyang palakol at pinutol ang lahat ng malalaking puno
ng pino. Isinalansan niyang lahat ang mga pinutol na puno sa pintuan. “Ngayon,
Puwek, hipan mong mabuti at tingnan kung gaano ka kalakas,” sigaw ni Cabigat.
Nagmamadaling lumabas ang bathala ng bagyo
at hinipang lahat ang mga troso. Lumipad silang lahat nang mataas sa lahat ng
direksiyon. Muling pumasok si Puwek sa kanyang kuwarto nang walang sinabi kahit
na isang salita.
Hindi nawalan ng pag-asa, si Cabigat na
galit na galit ay naupo upang umisip ng ibang balak para makapaghiganti. Naisip
niyang sarhan ang pinto ng mabibigat na mga troso. Kinuha niyang muli ang
kanyang palakol at nanguha ng mga punong yakal. Dinala niya sa bungad ng pinto
at itinayo niya ang kanyang pader sa pangalawang pagkakataon. Sa pamamagitan ng
dinala niyang pandikit, pinagdikit niya ang mga siwang sa mga troso. At
pagkatapos ay buong lakas siyang sumigaw, “Puwek, hipan mong muli gusto kong
subukin ang iyong lakas.”
Kaya muling lumabas si Puwek at hinipang
palayo ang bakod. Pinagsikapan niyang mabuti subalit hindi siya makalabas.
Naramdaman niyang nahihirapan siyang huminga.
“Sino kang napakatapang para pumarito sa
engkantado kong tahanan? Ikaw lamang ang taong nakarating sa pugad ng aking
pintuan,” sigaw ng bathala ng bagyo.”
“Ako si Cabigat ng Lamut sinundan kita dahil
sinira mo ang aking mga namumungang puno at ang panghabi ng aking asawa, at
iyong itinapon ang palay na kanyang binabayo.”
Naramdaman ni Puwek na siya ay lalong hindi
makahinga sa loob ng kanyang kuwarto, kaya nagmakaawa siya kay Cabigat na
buksan ang pinto at nangakong di siya sasaktan.
“Hindi,” galit na sagot ni Cabigat “Hindi
mo kinaawaan ang aking asawa nang siya’y magmakaawa sa iyo. Kaya gusto kong
ipaghiganti ang lahat ng mga paninirang iyong ginawa sa aking masayang tahanan.
Sa loob ng tunnel, humina nang humina si
Puwek. Pinilit niyang hipan ang bakod ngunit wala siyang magawa. Halos hindi
siya makahinga dahil ang pintuan ay sinarhan, kaya muli siyang nagmakaawa.
“Cabigat, maawa ka iligtas mo ang aking
buhay. Kung ako’y iyong ililigtas, ituturo ko sa iyo ang seremonyas sa
paglilinang ng palay. Magiging higit kang mayaman kaysa noon kung matutuhan mo
ang bagay na ito,” sigaw ni Puwek.
Muling sumagot si Cabigat, “Hindi, hindi ko
kailangan ang iyong iniaalok. Mayaman ako sa Lamut at alam ko ang seremonyas sa
paglilinang ng palay.”
Nang ang bathala ng bagyo ay nasa bingit na
ng kamatayan, muli siyang nagmakaawa. Ang wika niya’y, “Ibibigay ko sa iyo ang
aking kodla at ituturo ko sa iyo ang kiwil. Isang bagay itong makapangyarihan
at magpapayaman sa iyo.”
Dahil sa kiwil, napaniwala si Cabigat.
Inalis niya ang mga troso at masayang lumabas si Puwek. Pagkatapos ay ngumanga
siya ng hitso.
Inilabas ni Puwek ang mahiwagang bato at
ipinakita sa kanyang bagong kaibigan. “Mahalaga sa akin ang batong ito,” wika
niya. “Hindi ako nararapat mawalay dito, ngunit iniligtas mo ang aking buhay.
Ibibigay ko ito sa iyo gaya ng aking pangako.” Pagkatapos ay itinuro niya kay
Cabigat ang seremonya. “Sa iyong pag-uwi, huwag mong kalilimutang alayan ako at
ang ibang mga bathala ng mga manok at baka, katutubong alak, upang manatili
magpakailanman ang kapangyarihan ng iyong kodla.”
“Oo,” wika ni Cabigat “Gagawin kong lahat
ang iyong mga sinabi.”
Kaya tinanggap ni Cabigat ang kodla mula sa
nag-aatubiling kamay ni Puwek.
Sa kanyang daraanan, nakakita si Cabigat ng
isang pulang ibong umaawit ng isang nagbababalang awit na nangangahulugan ng
masamang kapalaran. Nagalit siya at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay itinuro
niya ang pulang ibon. Ang tuka ng pulang ibon ay agad nabuksang tulad sa isang
pares ng gunting. Ang kaawa-awang ibon ay di makapagsalita. Pagkatapos ay
tumawa si Cabigat. “Mabuti, isa na akong makapangyarihang tao ngayon,” wika
niya sa kanyang sarili. Ipinagpatuloy ni Cabigat ang kanyang paglalakbay. Sa isang
bahagi ng daan, nakita niya ang isang kawan ng mga balang nagliliparan sa
kanyang daraanan. Batid niyang isa itong masamang palatandaan para sa isang
manlalakbay. Kaya kinuha ni Cabigat ang kanyang sibat at tinungayawan ang kawan ng mga balang. Ang
kapangyarihan ng kanyang kodla ay muling nasubok sa pangalawang pagkakataon.
Mula noon, si Cabigat ay lubos na naniwala sa kapangyarihan ng kanyang
gantimpala.
Pagdating niya sa kanyang tahanan, tinipon
niya ang kanyang mga kamag-anak at kapitbahay. Sa pamamagitan ng mga inihandang
alak at mga manok, isinagawa nila ang seremonya ng pasasalamat. Hiningi nila
ang pagpapala ng mga bathala sa daigdig sa itaas, gitnang daigdid, daigdig sa
ibaba at kay Puwek na nagkaloob kay Cabigat ng kodla at nagturo sa kanya ng
kiwil. Ipinagtapat ni Cabigat sa kanila kung paano niya nakamit ang gantimpala.
Iginalang ng mga tao ang kanilang pinuno nang higit kaysa noon.
Masayang namuhay si Cabigat at ang kanyang
asawa. Naging higit silang mayaman at higit na minahal ng mga tao. Tinuruan ni
Cabigat ng kiwil ang ilan sa kanyang mga tao. Lagi siyang tinatawag upang
magsagawa ng seremonya para sa kanila. Mula noon, ang Lamut ay naging higit na
mapayapaa at maunlad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kodla at kiwil.
Sa kasalukuyan, ang mga Ifugao, lalo na ang
mga matatanda, ay nagmamay-ari pa ng kodla. Natatandaan nilang mabuti sina
Bugan at Cabigat para dito. Ang seremonya ng kodla at kiwil ay binibigkas sa
gayong mga okasyon, gaya ng kung ang isang Ifugao ay makikidigma, bago at
matapos ang isang mahabang paglalakbay, kung nag-uuwi sa bahay ng ilang bagong
karne at sa pagkakasakit gaya ng pinaniniwalaan na dala ng masasamang espiritu.
Pinaniniwalaan pa rin na ang taong nagmamay-ari ng kodla ay ligtas sa alinmang
panganib saan man siya magtungo.
Anong aklat po ang sanggunian ng kwentong bayan ang kodla?
ReplyDeletepwede po bang ilagay ang buod nito
ReplyDelete