Thursday, June 9, 2016

ANG ALAMAT NG BALINTAWAK (Alamat)

Ang Balintawak ay isa sa pinakamasaysayang pook sa Pilipinas. At habang ang mundo ay mundo, iyo’y mananatiling buhay na sagisag ng isang madugong himagsikang nabunsod dahil sa malabis na pagkauhaw sa kalayaan at kasarinlan ng lahing kayumanggi sa bahaging ito ng sandaigdigan. Hanggang ngayon ay nariyan at makikita pa sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio at ng kanyang mga kasama ang bakas ng isang kahapong natigmak sa dugo, Balintawak!... Diyan naganap ang makaysayang “Unang Sigaw” ayon sa mga unang tala ng kasaysayan.

Ang Balintawak ay isang pook sa Kalookan na napabantog sa buong daigdig sapagkat diyan naganap ang makasaysayang “Unang Sigaw” ng mga manghihimagsik na pinamumunuan ni Andres Bonifacio bilang hudyat ng pagsisimula ng himagsikan noong 1896. Kung paanong napangalanang Balintawak ang pook na iyon ay siyang mababatid natin sa alamat na ito.

Si Baleng ay isang magandang dalaga na naninirahan sa pook na iyan maraming taon na ang nakalilipas. Siya’y isinilang na isang ahas ang kakambal na kung tawagin ay Tawak. Dahil sa ahas na iyon ay nakagagamot si Baleng ng mga taong natutuklaw ng ahas. Si Baleng ay may kasintahang ang pangalan ay Arsenio. Pagkaraan ng ilang buwan nilang pag-iibigan ay nagkasundo silang pakasal. Napabalita sa buong nayon ang nalalapit na pag-iisang dibdib ng dalawa. Ngunit isang masakit na biro ng kapalaran ang nangyari. Ang kasala’y hindi natuloy, nagtaksil si Arsenio. Nagpakasal sa ibang babae. Gayon na lamang ang paghihinagpis ni Baleng. Magkahalong galit at pagdaramdam ang namugad sa kanyang dibdib.

“Taksil na lalaki!”…. ang nagngingingit na sabi ni Baleng. “Salamat na lamng at nakilala ko agad ang uri ng kanyang pagkatao. Darating ang panahon na magmamakaawa siya sa akin.” Hindi nagkabula ang sinabi ni Baleng sapagkat isang araw ay dinala si Arsenio sa bahay niya ng asawa nito at ilang mga kasama. Namaril daw si Arsenio sa gubat at doon ay natuklaw ng ahas. “Baleng, parang awa mo na, gamutin mo ako,” ang sumasamong sabi ni Arsenio…

“Ikinalulungkot ko,” ang sabi ni Baleng na halatang-halata ang pagdaramdam,… “wala akong magagawa. Humanap na kayo ng iba na makagagamot sa kanya..” baling niya sa mga kasama ni Arsenio.

“Baleng, maawa ka na kay Arsenio,” sabi naman ng asawa nito na noo’y umiiyak. “Gamutin mo siya. Kung tunay mang siya’y nagkasala sa iyo ay patawarin mo na siya. Ang Diyos na ang bahalang gumanti sa iyo.”

“Dinaramdam ko, ngunit hindi ko magagawa ang pinagagawa ninyo sa akin pagkatapos na ako’y inyong apihin…” ang matigas na sagot ni Baleng.

“Subali’t Baleng, nasaan ang damdamin mong makatao?” anang mga taong nangaroon at nakapaligid sa napahamak na si Arsenio.

“Dahil lamang bas a iyong hinanakit ay titiisin mong pagkaitan ng tulong ang isang taong buhay ay tanging sa mga kamay mo lamang nakasalalay?”


Nagmatigas pa rin si Baleng. Subalit nang Makita niyang nangingitim na ang agaw-buhay na si Arsenio, ang kanyang pusong umiibig pa rin sa lalaki ay kusang naantig. Kaya’t hiniwa niya ang bahaging natuklaw ng ahas at sinipsip niya ang dugo upang maalis ang lason. Pagkatapos ay tinapalan niya iyon ng dahong gamut para sa natuka ng ahas. Gumaling si Arsenio, ngunit ang kahabag-habag na dalaga naman ang napahamak. Ang kawawang si Baleng ang namatay sapagkat siya ay nalason ng kamandag nang sipsipin niya ang dugo ni Arsenio. Nagdalamhati ang buong nayon nang mamatay si Baleng. Bilang alaala sa kanya ng mga kanayon ay pinangalanan nilang Balen-Tawak ang nasabing nayon na nang malauna’y nauwi sa pangalang Balintawak.

No comments:

Post a Comment