Buhay na buhay siya nang ipasok sa luntiang
silid nang lumipas na labinlimang minute. Nang muli siyang ilabas ay bangkay
nang tuwid na tuwid sa kamilya. Dalawang matipunong tanod ang may dala ng
kamilyang natatakpan ng kumot na puti, dadalhin nila ang bangkay sa morge ng
bilangguan.
Kasalukuyan pa lamang gumagapang ang apoy
ng kuryente sa kanyang katawan sa pagkabaliti niya sa silya ng kamatayan ay
nagpaunang tumakas na ang kaluluwa ni Dinong. Lumigtas na ng mag-isang tulad ng
isang kaibigang walang mahal kundi ang sarili.
Gayon na lamang ang mangyayari, ayon sa
babala ng pari. Hindi na hiniwalayan si Dinong ng pari sapul nang basahin sa
kanya ng puno ng bilangguan ang patalastas na bibitayin siya sa loob ng
apatnapu’t walong oras.
“Magsisi ka sa ‘yong mga kasalanan at
tanggapin mo ang habag ng Diyos,” bilin ng pari kay Dinong habang isinasabit sa
leeg niya ang rosaryong may malapad na kalmen. “Sa pagkamatay ng ‘yong
katawang-lupa, ang kaluluwa mo’y mabubuhay nang walang hanggan sa bayan ng mga
banal.”
Mataas ang boses na iginiit ni Dinong, gaya
ng ginawi niya sa hukuman at sa ibang pagkakataon, na wala siyang kasalanan.
“Nalalaman ng Diyos na ako’y inosente,” tahas na sabi niya. Ngunit iginiit din
naman ng pari na siya’y magsisi, sapagkat walang taong nabuhay sa ibabaw ng
lupa na hindi may sukat pagsisihan.
Tungkol sa ikinahatol sa kanya ng bitay,
pauli-ulit na isisisigaw ni Dinong na iyo’y hindi niya ginawa.
“Huminahon ka, Anak,” tagubilin ng pari sa
kanya. Haharap ka sa Kanya, ang kaluluwa mo at wala kang maitatago sa Kanya.
Ikinahapis ni Dinong na pati ang pari’y
lumilitaw na walang paniwala hindi siya nagkasala, na walang batik ng dugo ang
kanyang kamay sa katampalasang ipinasagot sa kanya ng hukuman. Datapwat ano ang
kanyang magagawa, isa siyang sawimpalad na napag-itingan ng batas at kapisanan
ng mga tao?
Hindi lumabas agad ang kaluluwa ni Dinong
sa bibitayang silid. Natanto niyang walang nakakakita ni nakapapansin sa kanya.
Nagyao’t dito siya, nagmalas, nakinig.
Tumigil siya sa harap ng silya elektrika at
pinagmasdang mabuti ang kanyang dating katawan. Walang iniwan ito sa isang
tiniban ng punong saging na biglang nawalan ng dagta, natuyo at naging balumbon
ng marupok na saha. Nakalungayngay ang ulo sa dibdib, ngunit nakakapit pa nang
mariin ang mga daliri sa dalawang pasamano ng silyang bakal. Kung hindi sa
sinturong asero na nakasalo sa dibdib ay bumagsak na sana sa lapag ang katawang
tinayantang ng elektrisidad, pati ng kaliit-liitang ugat. Nakatiim nang
mahigpit ang mga labi, subalit nakadilat nang bahagya ang mga mata na ang
dating liwanag ng mga balintataw ay nagtila malabong Kristal na nangingitim.
Kanyang pinanonood ang mga mukha ng mga
pinuno at kawaning nasa loob ng silid. Walang isa mang may badha ng lumbay, ni
pagkabahala, ni munting pagkaawa. Waring nasisiyahan ang lahat sa ginawa nilang
sinadyang pagpatay sa kanya na hindi nagkaroon ng anumang sangka. Nasa anyo nila
ang pagmamalaki ng isang taong nakaganap sa tungkulin nang buong katapatan.
Nakalarawan sa ayos at kilos nila ang tamis ng tagumpay ng isang nakapaghiganti
sa kinapopootan. Parang isang daga lamang ang kanilang kinitil.
Nakadama si Dinong ng lubos na pangungulila.
Ni isang kamag-anak ay walang nakaalalang
makipagkita sa kanya bago siya bitayin o nagmalasakit na angkinin ang bangkay
nitong siya’y patay na. Nagunita ni Dinong na talaga namang wala na siyang
kamag-anak. At kung may mangisa-ngisa man siyang kaibigan ay nangawala’t sukat
nang siya’y nabilanggo na, katulad ng mga ibong nagsilayo sa unang banta ng
unos.
May asawa siya, si Tinay, na
nagdadalang-tao noon. Ngunit ano ang nangyari sa kanya? Dumalaw siyang minsan,
makalawa at hindi na naulit. Walang malay si Dinong hanggang noon na si Tinay
ay namatay sa panganganak at nasawi rin pati supling sa sinapupunan. Talastas
ni Dinong na si Tinay ay isinumpa ng ama niyon nang sumama sa kanya sa
pagtatanan.
Iniwan ng kaluluwa ni Dinong ang bilangguan
pagkalipat sa morge ng kanyang bangkay. Nakikita niya ang lahat ay walang
nakakakita sa kanya. Siya’y kaluluwa, walang kalamnan at tagusang parang anino.
Gayunma’y naiwan sa kanya ang pinakamahalagang sangkap ng isang nilikha at
ito’y ang pag-iisip. Maliwanag at matalas ang kanyang pag-iisip na gaya noong
siya’y buhay.
Tunay nga palang ganap na Malaya ang
kaluluwa ng isang tao, o kung espiritu’y mahiwalay na sa katawan. Ngayo’y hindi
na siya maaaaring piitin. Nakakakilos siya nang matulin at walang balakid.
Halos kasimbilis ng kanyang isipan. At malayo siya pati sa daigdig na kanyang
kinikilusan.
Unang tinungo ng kaluluwa ni Dinong ang
dati nilang tinitirhan ni Tinay. Isang balangkas sa kumpul ng mga
barung-barong. At doon nya nalaman ang nangyari. Namatay ang kawawa niyang
asawa nang hindi man lang nadaluhan ng doktor. Ilang mahabaging kapitbahay ang
sumaklolo, ngunit tuluyan ding pumanaw, pati ang sanggol ay hindi nailigtas.
Nailibing si Tinay sa kawanggawa ng mga dukhang nakapaligid sa kanila. Hanggang
sa kamataya’y tinikis siya ng kanyang ama, o baka kaya hindi man lamang
babalitaan niyon.
Ipinasiya ng kaluluwa ni Dinong paghanapin
ang mga kaluluwa ng kanyang mga mahal sa buhay. Dumalaw muna siya sa libingan,
ngunit ng gabi’y hindi niya natunton ang huling himlayan ng nasirang asawa.
Natiyak niyang inilibing si Tinay, sapagkat ito’y namatay, ngunit maaaring ang
bauna’y hindi man lamang nalagyan ng tanda.
Isang pook ang dapat niyang paghanapan sa
kanila, iyong tinukoy ng pari na “kabilang buhay”. Ninasa ni Dinong na
makasapit doon sa madaling panahon.
Wala siyang alinlangan na iisang lugar ang
pagtatalagahan ng Diyos sa kaluluwa ng kanyang asawa’t anak. Sa pagsunod niya
sa pagdarasal nila ng pari ay kanya nang naisaulo ang “Mapapalad kayong mga
dukkha, sapagkat inyo ang kaharian ng Diyos. mapapalad kayong nagugutom,
sapagkat kayo’y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisistangis ngayon, sapagkat
kayo’y magsisitawa. Mapapalad kayo kung kayo’y kapootan ng tao at kung kayo’y
itakwil nila at kayo’y alimurahin at kasuklaman ang inyong pangalan na tila
masasama, dahil sa Anak ng tao. Magalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso
kayo sa kagalakan, sapagkat naririto ang ganti sa inyo’y malaki sa langit…
Datapwat sa aba ninyong mayayaman, sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong mga
kaaliwan…”
At ang tila kawalang pag-asa ni Dinong na
pasimula ay napalitan ng sariwang pag-asa. Kaya’t tumingala siya sa tayog ng
himpapawid, at tinanaw niya ang dakong pinanggalingan ng mainit na liwanag ng
araw.
Hindi nalaunan ay naramdaman ni Dinong na
mandi’y nagkaroon siya ng mga pakpak at bigla siyang napaimbulog sa itaas.
Pagkuwan ay nadama niyang anaki’y nakalulan siya sa isang eroplanong jet na
inihahagibis siya sa kalawakan. Ngunit hindi nalulula ni natatakot. At hindi siya
napapagod. Nasiyahan siya sa sarili, sapagkat kailanman ay hindi siya nagkaroon
ng ganitong karanasan. Wala rin naman siyang gutom ni uhaw, mga damdaming hindi
nahiwalay sa kanya noong siya’y buhay, maging nang batang paslit pa at hanggang
noong may ganap nang gulang. Nakalipas na ang ilang araw sapul nang handaan
siya ng saganang piging sa bilangguan, nang araw ring iupo siya sa silya
elektrika.
Habang siya’y naglalakbay o lumilipad sa
ibabaw ng panganorin ay nagbulay-bulay si Dinong. Sinariwa niya ang kanyang mga
karanasan sa buhay. Nagising siya sa isang barung-barong. May sakit na
paralysis ang kanyang ama, at ang kanyang ina ang tanging naghahanapbuhay.
Tatlo silang magkakapatid na ang pinakabunso ay siya, lalaki ang panganay at
babae ang kanyang sinusundan.
Ang ama niya’y dating anluwagi, ngunit
minsa’y napahamak nang mahulog mula sa bubungan ng bahay na ginagawa nila.
Nagtamo siya ng malaking sugat sa ulo, at sapul noo’y namatay ang kalahati ng
kanyang katawan. Ang kanyang ina ang nagdala ng kanilang kabuhayan sa pagpasok
sa isang pabrika.
Silang magkakapatid ay hindi man lang
nakapag-aral. Kung natuto siyang bumasa’t sumulat ay utang sa kanyang sariling
pagsisikap. Ang kanyang kuya ay naglalako ng peryodiko at ang kanyang ate’y
siyang nag-aasikaso sa bahay.
Isang araw, ang kapatid niyang lalaki’y
nagulungan ng trak at namatay sa ospital. Tumakas at hindi nakilala ang tsuper
na nakasagasa.
Hindi nalaunan ay biglang namatay ang
kanyang ina gayong ang akala nilang mag-anak ay wala itong sakit. Ang matandang
babae’y inutas ng sakit sa puso.
Ilang buwan lamang pagkaraan noon ay
nagisnan nilang magkapatid na hindi humihinga ang kanilang ama. Sinadya niyang
magpatiwakal.
Ang kanyang ate ang humalili sa gawain ng
kaniyang ina sa pabrika at siya namang naglako ng peryodiko. Nakaraos sila nang
maluwag-luwag kaysa noong buhay pa ang kanilang mga magulang at kapatid na
panganay, ngunit sa kanilang puso’y higit nilang minabuti kung buhay pa sana
ang tatlong yaon.
Parang hinuhugot ang panahon. Walang
anu-ano ang ate niya’y isa nang dalaga at siya’y nagpantalon na ng mahaba. May
itsura ang kanyang ate, at ilang binata sa lugar nila ang madalas magpalipad-hangin sa
kanya. Kung minsa’y sasabayan siya sa pagpasok at pag-uwi buhat sa pabrika.
Samantala, sa isip ni Dinong ay hindi
pumapasok ang babae. Ngayong magbibinata na’y aprentis siya sa isang talyer.
Ibig niyang maging mekaniko. Bilang aprentis, siya’y binibigyan lamang ng
panggastos sa isang pagkain, sa pasahe at sa sabon. Ang ate niya ang bahala sa
kanilang kailangan sa bahay.
Isang araw, ang ate niya’y hindi umuwi
kinahapunan. Pinaroonan niya sa pabrika’y wala na roon, umuwi raw sa oras ng
labasan. Naghanap siya at nagtanong sa dalawang araw na sumunod, ngunit hindi
na niya natunton.
Ipinalagay ng pulisya na ang kanyang ate’y
dinukot ng ilang paslang na lalaki, ngunit wala siyang katibayan. Wala ring
masabi ang mga binata sa kanilang lugar na nagpapahiwatig ng kanilang
pagkakagusto sa kapatid na dalaga.
Nang sumasahod na si Dinong sa talyer ay
narahuyo siya sa anak ng kanilang kapatas. Kanyang niligawan at itinanan nang
sila’y magkagustuhan. Ang doteng tinanggap niya sa ama ng kanyang naging
asawa’y ang palayasin siya sa talyer.
Nag-iibigan sila ni Tinay, ngunit madalas
silang makaramdam ng kalam ng sikmura. Si Tinay ay lubusang itinakwil ng
kanyang ama, sa galit niyon sa anak na iniwan ang pag-aaral at mga magulang at
sumama sa isang patay-gutom.
Walang pinagkakakitaan at walang
mapag-ukulan ng panahon, nakahalubilo si Dinong ng ilang binata sa lugar nila.
May nagtanong sa kanya kung siya’y marunong magmaneho ng awtomobil. Mangyari
pa, sabi ni Dinong. Kinasundo siya ng kanyang mga kausap na babayaran siya ng
sampung piso sa ilang oras na pagmamaneho sa gabi.
Ikasiyam ng gabi nang hawakan niya ang
manibela ng isang awtomobil. Isang binata ang nasa tabi niya sa unahan at
dalawa ang nasa likuran.
“Mag-iislaming lamang tayo at
magpapakorner-korner,” wika sa kanya ng pinakakapural. Sinabi sa kanyang ituloy
niya sa naitklub sa Boulevard.
Umakyat sa bahay-aliwan ang tatlo, ngunit
si Dinong ay nagpaiwan sa awtomobil. Pagkaraan ng isang oras, sila’y
nagpasinaog uli. Sinabi kay Dinong na dalhin sa San Nicolas, iniliko sa isang
eskinita at itinigil sa harap ng isang pintuan. Naiwan din si Dinong sa
manibela.
Walang dalawampung minute ay ginulantang
ang gabi ng sunod-sunod na putok ng punglo. Di kaginsa-ginsa’y humahagibis sa
loob ng awto ang pinakakapural at humahangos na inutos kay Dinong na patakbuhin
ang sasakyan. Ilang metro buhat sa kanilang pinanggalingan ay nasabat na sila
ng dalawang police patrol. Nagpaputok ang kapural ngunit nalugmok siya sag anti
ng mga alagad ng batas.
Nang gabi ring yaon, sa pagsisiyasat sa
himpilan ng pulisya, nabatid ni Dinong ang buong nangyari. Tinangka nilang
dambungin ang bodega, pinatay nila ang tanod, at sa pagpuputukan ay nakapatay
sila ng isang pulis, nasawi ang dalawang kasama at nautas din ang kapural. Si
Dinong ang lumitaw na puno ng masasamang-loob.
Nilitis siya sa sakdal na sama-samang
panloloob at pagpatay.
Walang manananggol ni walang saksi, liban
ang kanyang sarili, si Dinong ay hinatulan ng bitay.
Taglay ang panggigipuspos sa
kawalang-katarungan ng buhay sa ibabaw ng lupa, nagunita ni Dinong ang sabi sa
kanya ng pari sa bibitayang silid na “Tanggapin mo ang habag ng Diyos at …. ang
kaluluwa mo’y mabubuhay nang walang hanggan sa bayan ng mga banal.”
Patungo siya ngayon sa bayan ng mga banal.
Ang pagkakataong ipinagkait sa kanilang mag-anak, mula sa kanyang ama at ina,
hanggang sa kanyang mga kapatid, gayon din sa kanya, sa kabila ng malinis na
buhay, marangal na hangarin at walang sawang pagtitiis sa “kapatagan ng luha”
sa inaasahan ni Dinong na gagantimpalaan sa kaharian ng mga langit. Sapagkat
hindi ba ang Diyos ay katarungan, kawanggawa, pag-ibig?
Matiwasay na sumapit si Dinong sa pinto ng
kalangitan. Maluwang ang pinakatanggapan ng bantay-pinto, ngunit naging maliit
din sa kapal ng mga kaluluwang naghihintay. Nagunita ni Dinong ang mga
desempleado sa Maynila, kung sila’y nag-aagawang magprisinta sa isang puwestong
bakante na nabasa sa anunsiyos klasipikados ng pahayagan.
Naisip niyang katakut-takot pala ang
kaluluwang nagnanais makapasok sa langit. at itsura ng mga nakapila sa harap ng
takilya ng isang sine sa Avenida Rizal na nagtatanghal ng isang bantog na
pelikula.
Inilibot ni Dinong ang kanyang paningin sa
pagbabakasakaling may makilala siya o makakilala sa kanya, ngunit wala. Ni ang
tatlong napatay ng pulisya sa panlooob na naging dahilan ng pagbitay sa kanya.
Tungkol sa kanyang mga magulang at kapatid,
anaakala niyang nasa loob na sila. at si Tinay, ang mabait niyang asawa, at ang
kanyang bunso? Di sasalang sila’y nasa loob na rin. Ngunit makilala kaya ng
kanyang ama’t ina ang kanyang asawa at ang kanilang apo? Hindi na sila
nagkita-kita sa lupa. Ngunit bahala na. Pagtatagpo nila’y magiging isang
maligaya silang mag-anak, na hindi na babagabagin ng kawalan ng bigas na
isasaing, ng banta ng kubrador sa ilaw, ng bubong na tumutulo pag-umuulan.
Walang anu-ano’y biglang nabuksan ang
pintong pambungad, lumabas si San Pedro at kasunod ang isang langkay ng mga
anghel na tumutugtog at nagsisiawit. Si San Pedro’y kamukhang-kamukha ng
kanyang larawan, at nakasuot ng puti na parang isang Papa at sa ulo’y nakapatong
ang koneteng pula. May malaki silang pagkakahawig ni Papa Juan XXIII. Sa malas
ay hindi tumatanda si San Pedro. Matatag ang kanyang mga hakbang.
Lalapit sana si Dinong, ngunit pinigil siya
ng isang kaluluwang naghihintay din. Sinabi nitong huwag niyang gambalain si
San Pedro, sapagkat kasalukuyang idinaraos ang marangal na pagsalubong sa
kaluluwa ng isang multi-milyunaryong taga-lupa.
Umasim ang mukha ni Dinong pagkarinig sa
ibinalita ng kanyang katabi.
“Marangal na pagsalubong sa kaluluwa ng
isang multi-milyonaryo?” taglay ang hinanakit na turing niya. “Isip ko ba’y
mahirap umakyat ang mayaman sa pook na ito? Di ba ang Kristo ang nagsabi na
lalong madaling magdaan ang isang kamelyo sa butas ng karayom kesa isang
mayaman sa pinto ng langit? E, ba’t eto atang multi-milyonaryo sinalubong pa ni
San Pedro sa gitna ng mga tugtugan at awitan. Samantalang tayo’y napapanis sap
ag-aantay.”
“Tama ang sinabi ng Diyos Anak na mahirap
makaraan sa pinto ng langit ang isang mayaman,” paliwanag ng kaluluwang kausap
ni Dinong. “Mahirap makaraan, ngunit hindi niya sinabing hindi makaraan. Ano
ang tagubilin ni Kristo sa nagnanasang sumama sa kanya? Di ba aniya’y ipagbili
mo ang ‘yong mga ari-arian, ilimos sa mahihirap at sumunod ka sa ‘kin.’
“E, ganoon ba’ng ginawa ng
multi-milyonaryong ito?”
“Pihong gano’n, pagkat kung hindi’y pa’no
s’yang makapapasok dito? Siguro’y tumulong siya sa mga paaralan, nagpatayo ng
mga ospital at ampunan, nagbukas ng mga aklatan at museo.”
“Talagang iba na’ng maimpluwensya,” bulong
ni Dinong.
Nang matapos ang seremonya’y binalingan ni
San Pedro ang makapal na naghihintay, na mga kaluluwa ng mga karaniwang
karamdaman, kaya’t sinentensyahan upang lumapit sa kanya.
Halos hindi pa siya nagtatanong ay
nagmamadaling isinalaysay ni Dinong ang kanyang buhay.
“Alam ko, alam ko,” sabi ni San Pedro.
Ikinumpas nito ang kanang kamay niya at
biglang nagkaroon iyon ng isang pluma at dalawang pilas na papel.
“Isulat mo riyan,” aniya. “At ihaharap ko
agad sa Diyos Ama.”
Maingat na itinala ni Dinong ang buong
istorya niya sa kalupaan, ang kanyang mga kasawian pagkabata pa, ang disgrasya
ng kanyang ama, ang pagkamatay ng kanyang ina sa kahirapan, ang sakuna ng
kanyang kapatid na lalaki, ang pagdukot sa kanyang ate, ang pagkasawi ng asawa
niya sa pagsisilang at sa dalamhati, at ang malupit na parusa at pagbitay sa
kanya, gayong nalalaman ng Diyos na wala siyang kasalanan. Inihabol ni Dinong
na wala siyang sinisisi sa lahat ng nangyari, sapagkat nananalig siyang ang
tunay na katarungan ay maigagawad lamang ng Di-Matingkalang Kapangyarihan na
batas ng lahat ng katarungan at pag-ibig.
Nang makaalis si San Pedro ay ibig batiin
ni Dinong ang kanyang sarili at waring ipinagmamalaki ang mabuting kapalaran
niya sa ibang nangaroon. Sa dinami-dami nga naman ng mga naunang naghihintay ay
siya ang bukod-tanging pinili na binigyan ng pluma at papel. At ang kanyang
application ang isang mag-isang ipinasok upang isulit.
Payapang tinunghayan ng Diyos ang papel na
iniabot sa kanya ng tanod sa pinto ng kalangitan. Pagkuwa’y nailing siya,
nangagat-labi at atubiling nagturing.
“Pedro, wala akong mukhang maihaharap sa
taong ito. Labis ang kanyang kaapihan. Sino sa ‘ting mga santo ang nagtiis nang
higit sa kanyang mga tiniis, at sa gitna ng bagong sibilisasyong nagpapanggap
na may loob sa Diyos?”
Magmumungkahi sana si San Pedro, ngunit
naunahan siya ng Diyos.
“Mabuti’y sabihin mong saka na siya
magbalik,” iniatas niyon.
Biglang naunsiyami sa hapis ang kaluluwa ni
Dinong nang marinig niya ang pasiya ng Diyos, sa bibig ni San Pedro. Ngunit
yuko ang ulong tumalima siya, bagaman wala siyang malay kung saan siya paroroon
at kung kalian siya dapat bumalik. Habang paalis siya ay nasa isip ni Dinong
ang ginaawang pagsalubong sa mapalad na multi-milyunaryo.
No comments:
Post a Comment