Wednesday, April 13, 2016

Ang Mabuting Anting-Anting (Kwentong-bayan)

Noong unang panahon  ay may isang mabait na datu na ang nasasakupan ay isang pulo rito sa Pilipinas. Tatlo ang kanyang anak na pawang lalaki na nangasigulang na.

Isang araw ay inutusan niya ang tatlong anak na ito upang magtungo sa ibang pook at maghanap ng isang mabuting anting-anting. Sinabi niya sa tatlo na kung sino ang makapaghaharap sa kanya ng mabuting anting-anting ay siyang magmamana sa kanyang kapangyarihan bilang datu yaman din lamang na matanda na siya.

Matapos makapaghanda na ang magkakapatid ng mga babaunin sa paglalakbay ay nagpaalam na sila sa matanda, kinabukasan din matapos silang basbasan ng datu.

Pagkaraan ng isang taon ay nagbalik ang pinakamatandang anak. Sinalubong siya ng malakas na tunog ng gong at nagdaos ng sayawan ang mga kabig ng datu.

Isinalaysay ng anak sa kanyang ama ang ginawa niyang paglalakbay. Sinabi niya na malalayong pook ang kanyang narrating sa paghahanap ng mabuting anting-anting. Inakyat niya ang matataas na bundok, pinasok niya ang mga yungib sa paghahanap ng anting-anting na inaakala niyang magiging dapat sa pamimili ng kanyang ama.

Sa bulwagan ng tahanan ng amang datu ay parang naagmamalaking pang inihagupit ang dala-dalang buntot-pagi na may tatlong dipa ang haba.

“Narito po, Mahal kong Ama, ang aking anting-anting na pasalubong sa inyo.” wika ng panganay na anak.

“Anong kabutihan ng anting-anting na iyan?” tanong na masusi ng amang datu. “Ipaliwanag mo nga.”

Tumingin muna ang anak sa maraming taong nasa paligid niya at saka ibinaling ang mata sa kanyang ama. Pagkatapos ay tatlong ulit na inihagupit ang dalang buntot-pagi.

“Mabuti po ang anting-anting na ito,” sabi ng anak at hinaplus-haplos ang agimat. “Kung may kaaway kayo’y magagamit itong panghagupit, malayo man ang kaaway o kahit hindi ninyo nakikita. Magsusumigaw siya sa sakit habang inihahagupit ninyo sa hangin hanggang sa mamatay ang kaaway, kung ibig ninyo.”

Nagpasiya ang matanda, “Hintayin muna natin ang dalawa mo pang kapatid at saka ko hahatulan ang inyong anting-anting.

Lumipas ang ilang araw at umuwi na rin ang pangalawa  sa panganay. Ipinahayag ang kanyang pagdating sa pamamagitan ng pagtugtog ng malalaking gong at sayawan ng tribu ng datu, katulad ng pagdiriwang sa pagdating ng unang anak.

Walang iniwan sa unang anak, ang pangalawang anak ay waring nagmamarangya sa kanyang uwing anting-anting.

“Mahal na Ama,” ang kanyang pagmamalaki, “narito nap o ang aking anting-anting, itlog poi to ng tagak na itim. Nakipagbuno muna ako sa higante na nag-aalaga sa pugad ng tagak bako ko nakuha ang itlog na ito sa punong-kahoy na nasa pampang ng dagat.”

“Anong kabutihan mayroon ang anting-anting na iyan?” tanong ng wari’y  gulilat na ama. “Isalaysay mo sa akin.”

“Ang anting-anting pong ito’y may tagabulag. Hindi po kayo makikita ng sinuman kung dadasalan ninyo na may kasamang orasyon ang agimat na ito. Marami po akong uwing salapi, ginto, alahas, brilyante pagkat ginamit ko ang anting-anting na ito sa pang-umit at pagnanakaw sa mga kahon ng mayayamang hari. Marami pong panggagamitan ang anting-anting na ito gaya ng pamimihag sa babae at kung anu-ano pa.”

Isang impit na ngiti ang lumuwal sa labi ng matanda at saka nagturing “Hintayin muna natin ang pangatlo ninyong kapatid at saka ko hahatulan kung alin ang pinakamabuti sa inyong mga anting-anting.”

Lumipas ang ilang araw at umuwi na rin ang bunsong anak ng datu. Inihudyat ng malaking gong ang kanyang pagdating. Subalit kakaiba sa dalawang naunang kapatid, ang bunso’y walang dala na labis na pinagtakhan at ikinalungkot ng kabig ng datu. Hindi ganoon ang kanilang inaasahan. Maging ang datu ay kinabakasan ng pagtataka at pagkabigo. Gayunpaman, walang kalungkutan o pagkabahalang masisinag sa mukha ng bunsong anak ng datu. Kapayapaan ng kalooban ang mababakas sa kanyang mukha at kilos.

“Diyata’t ikaw pa naman ang pinakahuling dumating,” paninisi ng ama sa bunso, “ay ikaw pa ang walang dalang agimat kahit ano!” Nanlisik ang mga mata ng datu.

“Mahal kong Ama, panimula ng anak, “napakarami pong mga bayan at lunsod at kaharian ang aking narrating. Napakarami rin pong nag-alok sa akin ng kung anu-anong agimat. Ginalugad ko po ang kagubatan at ako’y nagtawid-dagat. Hindi ko po nagustuhan lahat ng anting-anting na aking natuklasan pagkat kung gagamitin ko poi yon, tiyak na makaaapi ako ng aking kapwa-tao na labag sa Gintong Tuntunin. Sa madaling sabi po, ang mabuting anting-anting na handog ko sa inyo ay ang aking mabuting pakikisama sa kapwa-tao.”

“Sa pamamagitan po ng anting-anting kong ito,” patuloy ng anak at tinutop pa niya ng kanang palad ang dibdib sa tapat ng puso, “ay marami akong magiging kaibigan at kapalagayang-loob saan man ako mapadako.”

Biglang napatayo ang matandang datu sa pagkakaupo sa laki ng tuwa sa isinalaysay na yaon ng kanyang bunsong anak. Niyakap niya ang anak at ganito ang ipinahayag sa lahat. “Mula ngayon, ikaw ang kahalili ko bilang datu sapagkat ang anting-anting na uwi mo , di man nahahawakan ay makabuluhan sa buhay. Iyan ay PAG-IBIG na makapagbabago sa mundong ito na ginagalawan ng mga taong makasalanan at SAKIM.”


4 comments: