Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga
gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga
taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bias. Ngunit
ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa
lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa
dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng
mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng
lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging
Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa mga
layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroon, katulad ng Quiapo. Sa walang
muwang na isipan ni Adong walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang
gabi at ang Quiapo. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo.
Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim
ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y
mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang
mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na
hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroon at
mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng
punong-kahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan,
naaawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si
Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at
maglaglag ng piso sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya
tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa
kalawakan.
Kangina pa siyang tanghali sa loob ng
marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad
ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang mga bulsa ay wala
pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang
ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at gumagapang sa kanyang
katawan.
“Mama… Ale, palimos na po.”
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig
na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang
hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.
“Piso po lamang, Ale… hindi pa po ako
nanananghali.”
Kung may pumapansin man sa panawagan ni
Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay
iyan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririrnig ni Adong. Nasasaktan
siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling
Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak,
hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong
nagpapalimos. Alam niyang maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa
lahat. Walang bawas.
“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni
Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa
pagbibigay.
Ang mga kamay ni Adong ay nanginginig pa
habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong
matagal ring kumakalansing sa kanyang bulsa, ngunit kalian man ay hindi nakarating
sa kanyang bituka.
“Maawa na po kayo, Mama… Ale… gutom na
gutom na ako!”
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga
patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa
pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon
ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.
Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng
simbahan, pagkaraan ng maikling sandal, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga
tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba wala pang isang oras na
pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan,
kundi sa kaluluwa. Natutuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang
palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.
“Malapit nang dumating si Bruno,” ani ni
Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na
maaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni
Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang
sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpapatindig sa kanyang mga
balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay.
Habang nagdaraan sa kanyang harap ang mga tao, malamig, walang awa, walang
pakiramdam – nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang kalooban.
Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kanyang
gutom at pangamba. Kung ilang araw na
niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroon pa’t waring
umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
Ilang singkong bagol ang nalaglag sa
kanyang palad, hindi nilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay
ay nandidiring maipadikit sa marusing na palad na wari bang mga kamay lamang na
maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang
bulsa. Lumikha iyon ng mga bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong
nasa kanyang lukbutan. Ilan pang bagol ang nalaglag sa kanyang palad at sa
kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula
sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga
kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling
pag-iwas.
“Adong… ayun na si Bruno,” narinig niyang
wika ni Aling Ebeng.
Tinatanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni
Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisg.
Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang
bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring
dugong biglang umagos sa kanyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat
upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang
kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.
“Diyan na kayo, Aling Ebeng… sabihin ninyo
kay Bruno na wala na ako!” mabilis niyang sabi sa matanda.
“Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka
ni Bruno. Makikita ka ni Bruno!” Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda,
nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makakubli siya
sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa
pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga
taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab.
Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang
isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa
paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom,
sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula’t
mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. Muling dinama niya ang mga bagol sa kanyang
bulsa. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.
“Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga
yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay
naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang
kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak sa
kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang
maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at sa kabangisan.
“Bitiwan mo ako, Bruno! Bitiwan mo ako!”
Naisigaw na lamang ni Adong. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na
tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya.
Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandal, hindi na niya naramdaman ang kabangisang
sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.
No comments:
Post a Comment