Monday, April 18, 2016

Ang Alamat ni Datu Omar (Alamat)

Si Omar ay isang napakadukhang tao. Naninilbihan sia bilang alila ng isang mayamang  tao. Masipag siya at matapat subalit siya’y nananatiling maralita. Nawalan na siya ng pag-asang guminhawa pa sa buhay, kaya’t humarap siya sa mga taong nagkakatipon sa bahay ng pinakapuno ng kanilang nayon at nagwika…

“Gusto ko ng mamatay kaysa mabuhay ng ganitong laging hikahos. Hayaang magbunot ng isang krus sa inyo at wakasan na ang aking buhay.”

Narinig siya ng pinuno at ng mga tauhan nito. Nagwika ang pinuno…

“Ipinagbabawal ng batas ng ating lipi sa sinuman ang pumatay sa kanyang kapwa. Kung gusto mong mamatay, doon ka pumunta sa ilog. Maraming buwayang gutom na gutom doon.”

Tinungo niya ang ilog at nakita niya ang mga buwayang nagbibilad sa araw at naghihintay ng masisila o makakain. Tumalon siya sa tubig na may napakaraming buwaya at hinintay niyang siya’y sakmalin at lamunin ng mga ito. Subalit nagulat siya nang hindi siya ginalaw man lamang ng mga ito. Nang siya’y inip na inip na, lumangoy siya patungo sa pinakamalaki sa mga buwaya. Subalit umiwas sa kanya ang mga ito at nagsipagtago sa kanilang kuweba. Naiwan siyang nag-iisa sa tubig. Bumalik siya sa nayon at ibinalita ang kanyang nagging karanasan sa mga buwaya.

“Ituro ninyo sa akin kung paano ko maaaring patayin ang aking sarili!” Pagmamakaawa niya. Ang sabi ng isa sa mga naroon…

“May isang papalapit na napakalakas na bagyo. Magpunta ka sa gubat at magpadagan ka sa mga mabubuwal na malalaking puno.”

Dali-daling nagpunta si Omar sa gubat at tumayo sa ilalim ng isang patay na puno na tiyak niyang babagsak sa kanya sa unang ihip pa lamang ng hangin. Dumating ang bagyo at nangabuwal ang mga puno sa kanyang paligid. Nakita niya ang isang puno na malapit nang matumba. Tumakbo siya at tumayo sa ilalim nito. Subalit pagdating na pagdating niya doon ay saka naman bumagsak at lumikha pa ng pagkalakas-lakas na ingay ang malaking punong iniwan niya.

Zingn! Swiisss! Irrkk! Braagg!

Ang puno na tinapatan niya ay babagsak na ng asana sa kanya ngunit sumabit ito sa ibang katabing puno, kaya’t hindi ito tuluyang nabuwal at nanatiling nakahilig na lamang. Hindi nagtagal at tumigil na ang bagyo. Sa galit ni Omar ay pinag-untugan niya ang kanyang ulo sa mga buwal na puno at pinipilit na patayin ang sarili.

“Bog! Bog! Ah! Aaahhg!”

Sa wakas dahil sa sobrang pagod, napahandusay siya sa lupa at nawalan ng malay.

“Ah! Aaahg!!”

Di kaginsa-ginsa’y may nagpakita sa kanyang isang tao na nakasuot ng dilaw na roba at nagsabi: “Bakit nakahandusay ka dito, Omar? Basang-basa ka at ginaw na ginaw?”

“Nagtungo ako rito upang magpakamatay… mas matamis pa ang magpakamatay kaysa mabuhay…”

“Hindi mo pa oras mamatay. Bata ka pa at malakas. Bumangon ka, pulutin mo ang iyong mga kasangkapan at magbungkal ka ng lupa. Kapag oras mo na, kusang darating si Kamatayan upang ikaw ay kunin. Samantala, tumindig ka at patuloy na mamuhay!”

Umali sang di niya kilalang tao at si Omar ay nagising. Nagulat siya nang Makita niya sa kanyang tabi ang isang araro at iba pang gamit sa pagsasaka na dati’y mga wala roon. Pinagdadampot niya ang mga iyon, bumalik siya sa nayon at nagsaka. Dahil sa kanyang kasipagan, hindi nagtagal at siya ay yumaman. Naging datu siya sa nayon, nagkaroon ng malalawak na lupain, at isang Malaki at masayang pamilya. Anupa’t si Datu Omar ang higit na naging makapangyarihan sa nayon at higit na iginagalang sa mga karamihan roon.

Makaraan ang ilang taon, habang natutulog si Omar ay may nagpakita sa kanyang isang matandang lalaki, kinawayan siya at nagsabi: “Omar, dumating na ang oras mo.” “Oras ko? Hindi ko maunawaan ang sinasabi mo!”

“Dumating na ang oras mo. Bumangon ka at sumama sa akin!”

“Lubayan mo ako! Hindi kita kilala! Hindi kita kilala!”

Bumalikwas si Omar sa kanyang pagkakahiga, itinuro ang pintuan at ang sinabi nang pasigaw:

“Lumayas ka!”

Muling nagsalita ang di kilalang tao… mahinahon:

“Omar, bumangon ka at sumama sa akin. Dumating na ang oras ng kamatayan mo.”

“Iwan mo ako sabi, napakahalaga ng buhay! Ayaw kong mamatay!”

Tinitigan siya ng di-kilalang tao na sa katotohanan ay si Malakalmaut o si Kamatayan. Makapangyarihan ang titig nito, kaya’t si Datu Omar ay napaluhod at nagmakaawa…

“Bigyan mo ako ng panahong mapaghandaan ang aking kamatayan, para mo ng awa. Palugitan mo ako ng isang buwan..”

“Babalikan kita sa katapusan ng buwang ito,” metatag na sinabi ni Malakalmaut bago umalis.

Kinabukasan, tinipong lahat ni Datu Omar ang kanyang mga tauhan at inatasan ang mga itong magtayo ng isang malaking tore. Buong bilis na nagsipagtrabaho ang mga tao. Bago magkatapusan, nakapagpatayo na sila ng isang tore na mas mataas pa sa puno ng niyog. Kaya’t buong pagyayabang na nagwika si Omar: “tingnan natin… kung makakaakyat si Malakalmaut sa ganitong kataas!”

Subalit nang katapusan ng buwan, habang natutulog si Omar sa kanyang silid sa itaas ng tore, isang tinig ang gumising sa kanya sa kalaliman ng gabi. Idinilat niya ang kanyang mga mata at nakita si Malakalmaut na nakatayo sa kanyang ulunan.

“Katapusan na ng buwan!”

“Ha?”

Subalit tumanggi si Datu Omar na sumama kay Malakalmaut. Ginawa niya ang lahat ng paraan, nagsumamo at nagmakaawa upang mapaalis ang kamatayan. Subalit ayaw making sa kanya ang kamatayan. Muling nagmakaawa si Datu Omar…

“Bigyan mo pa ako ng isang lingo… para mo ng awa. Hindi ko pa kayang iwan ang maginhawang lugar na ito.”

Pinagbigyan siya ni Kamatayan sa pangalawang pagkakataon.

Nang makaalis si Kamatayan ay agad pinarehasan ni Datu Omar ang mga bintana ng kanyang tore. Kaya’t bago ang isang lingo, lahat ng bintana ay narehasan na nang doble-doble, ang mga pinto ay nakakandado nang husto, at ang pintuang papasok sa tore ay natatalibaan ng mga guwardiya.

“Siguradong hindi na ako mapapasok ni Kamatayan,” sabi ni Datu Omar sa sarili.

Subalit nang matapos ang isang lingo, kinahatinggabihan ay naroon na si Kamatayan sa kanyang silid at ang sabi: “Dumating na ang oras mo, Omar… Sumama ka sa akin!”

Sa malaking takot, bumalikwas sa kanyang higaan, mabilis na lumabas sa kanyang silid at nilisan ang tore.

“Si Kamatayan ay isang pangit na matandang lalaki! Kha-a-a! Kha-a-a!” sabi niya sa sarili habang siya’y tumatakbong patungo sa gubat.

“Hindi na niya ako masusundan sa gubat, may alam akong kuweba roon tiyak na hindi niya ako makikita roon.”

Tumakbo siya nang tumakbo hanggang makaabot siya sa gubat. Nagtago siya sa malalaking bato at sa mga kakahuyan upang mailigtas ang sarili sa kamatayan.

Nang sapitin niya ang kuweba ay dali-dali siyang pumasok. Ngunit nabigla siya nang Makita niyang naroon na si Malakalmaut at naghihintay sa kanya. Muling tumakbo si Omar. Tumakbo siya nang tumakbo upang makaiwas sa kamatayan.

Malayo na ang kanyang naabot. Akala niya ay ligtas na siya kay Kamatayan. Ngunit tuwing siya’y titigil sa pagtakbo, makikita na lamang niya at sukat si Kamatayan sa kanyang harapan at mabalasik na nakatitig sa kanya.

Dahil sa matinding takot, tumakbo siya nang tumakbo kung saan-saan, hanggang sa makasalubong siya ng isang nakaluksang babaing ang suot ay damit na putting-puti.

“Bakit ka nagluluksa? Sino baa ng namatay, kaibigan?” humihingal na tanong ni Datu Omar…

“Si Datu Omar po…”

Pagkarinig ni Datu Omar sa tinuran ng babae ay lalo siyang nahintakutan. Kaya’t tumakbo na naman siya nang tumakbo hanggang makasalubong naman siya ng isang babaing may sunong na banga ng tubig. Nagmamakaawa siyang humingi sa babae ng inumin.

“Ikinalulungkot ko po. Hindi ko kayo mabibigyan ng tubig. Kailangan ko po kasi ito para ipaligo sa patay!”

“Ak-k-k-koy p-p-pagod na p-p-pagod na … Sabihin mo nga sa akin. Sino ba ang paliliguan mong patay?” tanong ni Datu Omar. Namumukhaan ni Datu Omar ang babae. Kung hindi siya nagkakamali ay nakatira ito sa nayon na kanyang sakop.

“Hindi po ba ninyo alam? Patay na po si Datu Omar! Napakabait pa naman niyang tao…”

Lalong natakot si Datu Omar sa kanyang narinig.

“Hindi! Hindi! Hindi! Hindi totoo ang sinasabi mo!” At muli siyang tumakbo nang tumakbo sa hangad na makatakas sa kanyang kamatayan.

Sa kanyang patuloy na pagtakbo’y may nadaanan siyang mga lalaking naghuhukay sa lupa. Nagmamadali ang mga tao sa paghuhukay.

“Bakit kayo nagmamadali sa paghuhukay?”

“Siya nga naman! Bakit kailangang ihukay nati siya ng libingan? Bakit kailangang ilibing natin agad an gating pinuno… na isang napakabait na tao?” At nagsimulang magsitangis ang mga lalaki.

“Sino ba ang tinutukoy ninyo?” nahihintakutang tanong ni Datu Omar.

“An gamin pong datu, si Datu Omar…” sagot ng isa sa mga lalaki.

Muli na naming tumakbo nang tumakbo si Datu Omar. Sa wakas, may naratnan siyang mga karpinterong gumagawa ng kabaong. Nagsisitangis din ang mga ito.

“Kawawang datu… Napakabait pa naman niyang tao.”

“Ngunit lahat ng tao, maging napakabuti o napakasamang tao, ay may kanya-kanyang oras ng kamatayan.”


Sa mga sandaling iyon, natanto ni Datu Omar na sadyang hindi na siya makaiiwas sa kamatayan. Tinakasan na siya ng lakas. Napaupo na lamang siya at pagkatapos ay tuluyan nang napahandusay. Sapagkat oras na niya, kahit anong gawin niya ay hindi na niya matakasan ang kamatayan… si Malakalmaut.  

No comments:

Post a Comment