Thursday, June 9, 2016

Mohandas Karamchand Gandhi (Talambuhay)

Dito sa India, sa lalawigan ng Porbandar, noong ika-2 ng Oktubre, 1867 isinilang si Mohandas Karamchand Gandhi. Ang kanyang pamilya ay Hindu, at sinunod ang lahat ng tradisyon ng India. Pinalaki siya ng kanyang ama sa magagandang halimbawa ng buhay. May isang pangyayari sa kanyang kabataan na nagsilbing panuntunan niya sa buhay. Minsan siya’y nagkamali at nagtapat sa kanyang ama. Sa halip na siya’y kagalitan at parusahan, ito’y napaiyak at siya’y niyakap nang buong pagmamahal at pang-unawa.

Si Gandhi ay nagtungo sa London upang mag-aral ng pagkamanananggol. Ngunit pagbalik niya sa India, nahirapan siyang manungkulan kaya’t tinanggap niya ang isang tungkulin sa Timog Africa, na kung saan marami siyang kababayang nagtatrabaho.

Doon nakita ni Gandhi ang mga paghihirap sa mga Hindu, at ang malaking agwat ng pagkakaiba sa pakikitungo ng mga Puti sa mga hindi nila kakulay ng balat.

Masidhing tinutulan ni Gandhi ang gayong kawalang-katarungan. May isang pangyayari sa loob ng korte na hindi niya malilimutan. Inutusan siya na mag-alis ng turban, ngunit mahinahon siyang tumutol at lumisan. Minsan naman sa isang tren na kinasasakyan ni Gandhi, bagama’t ang tiket niya ay first class siya’y pinalilipat sa third class sa dahilang siya’y hindi Puti kundi isang Indian. Hindi siya tuminag sa pagkakaupo at ipinaglaban ang kanyang karapatan sa upuan ng tren. Siya’y itinapon sa labas ng tren ng mga konduktor. Nangangatog sa isang sulok ng istasyon, isinumpa ni Gandhi na hindi siya muling magpapaapi nang ganoon kahit na mahirapan pa siya.

Simula noon, ang kanyang naging misyon ay ang tahimik at mapayapang rebolusyon. Sinabi niya sa kanyang mga kababayan na huwag pumikit sa kawalang katarungan at pang-aapi. At binalaan din sila ni Gandhi sa maaaring danasin sa hindi nila pagsunod. Ibinigay niyang halimbawa ang di-ilang ulit niyang pagkaaresto at pagkakulong.

Nang bumalik siya sa Timog Africa mula sa sandaling pagdalaw sa India, isang pangkat o grupo ng mga taong galit nag alit ang naghihintay sa kanya sa pantalan. Hindi sila sang-ayon sa kanyang simulain. Napigilan lamang ng asawa ng hepe ng pulisya ang mga tao kaya siya’y pinayagang makaalis at makapunta sa bahay ng kanyang kaibigan.

Nang gabi ring iyon, ang pulutong ng mga taong nag-aabang sa kanya sa daungan ay pinaligiran ang bahay ng kanyang kaibigan. Kailangang iligtas ni Gandhi ang kanyang kaibigan pati na ang tahanan nito. Nagpanggap siyang pulis at siya’y tumakas patungong istasyon ng tren.

Makalipas ang ilang taon, si Gandhi ay nagbalik sa India. Siya’y nagtatag ng mga pangkat na kakalaban sa mga Ingles. Sa pamumuno niya, tumanggi silang magbayad ng di-makatarungang buwis, hindi bumili ng panindang Ingles, nag-adhikaing maging Malaya, at nagsimulang di sumunod sa pinaiiral na mga kautusang Ingles.

Maraming ulit siyang napiit ngunit binalewala niya ito. Siya’y nakahandang makulong para sa marangal na dahilan. Maraming pagpapakasakit, at pagtititis ang ginawa niya upang makamit ang mabuting pagtingin at pakikitungo sa mga mayayaman, mga kaawa-awa at sa mababang pangkat ng lipunan sa India.

Ibig niyang sumapit ang kalayaan ng India. Ngunit nang ito’y maisakatuparan, wala ring namagitang kapayapaan sa dalawang malaking pangkat panrelihiyon, ang Muslim at Indian. Kapwa nagkasala ang dalawang grupong ito ng kabangisan at pagdanak ng dugo


Subalit ang pagpapakasakit ng isang tulad ni Gandhi upang maging tiwasay ang buhay ay hindi pinahalagahan ng ilan niyang kababayan. Noong ika-30 ng Enero, 1948, siya’y pinatay ng isang panatikong Indian na hindi makaunawa sa pagmamahal at paggalng ni Gandhi sa lahat ng uri ng relihiyon sa daigdig. 

4 comments:

  1. Mahusay mong nailarawan ang buhay ni Mahatma...Binabati kita.Malaki ang maitutulong nito upang makilala ang kadakilaang kanyang nagawa. Isang simbolo ng isang taong may nagawa para sa kanyang bansa.

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat po kasi malaki ang naitulong nito sa aking proyekto

    ReplyDelete
  3. Pinatay siya ng kapwa niya Indiano? Ngayon ko lang nalaman. Maraming salamat nga pala rito.

    ReplyDelete
  4. Malaking tulong ito sa aking pagtuturo. salamat po.

    ReplyDelete