Pamantayan
|
1
|
2
|
3
|
Sarili
|
Pangkat
|
Paksa/Kaisipan
|
Walang mainam na kaisipang ipinahayag tungkol sa
paksa.
|
May naipahayag na 2 hanggang 3 kaisipan ang nabanggit
tungkol sa paksa.
|
Lubhang malinaw at maayos ang kaisipang naipahayag.
May 4 o higit pang kaisipan ang nabanggit tungkol sa paksa.
|
|
|
Pangangatwiran
|
Walang sapat na katibayan ng pangangatwiran
|
Walang gaanong iniharap na pangangatwiran
|
May sapat na katibayang iniharap sa pangangatwiran.
|
|
|
Pagpapahayag/
Pagsasalita
|
Mahina at hindi maunawaan ang sinasabi.
|
Mahina ang pagkakapahayag ngunit may pang-akit sa
nakikinig ang boses o pagsasalita.
|
Maayos na maayos ang pagkakapahayag na may pang-akit
sa nakikinig ang boses o pagsasalita.
|
|
|
Pagtuligsa
|
Walang naipahayag tungkol sa sinabi ng kabilang panig.
|
May isa o dalawang malinaw na pahayag tungkol sa
ipinahayag ng kabilang panig.
|
May 3 o sapat at malinaw na pahayag tungkol sa
ipinahayag ng kabilang panig.
|
|
|
Tiwala sa Sarili
|
Hindi maayos ang pagsasalita dahil sa kaba kaya’t
nabubulol.
|
May mahinang pagpapahayag dahil naipabatid nang
kaunti ang layunin ng panig.
|
Lubusang naipahayag nang malinaw at naipabatid ang
katanggap-tanggap na layunin ng panig.
|
|
|
|
|
|
Kabuuang Puntos
|
|
|
Monday, April 18, 2016
RUBRIC SA PAGTATALO/DEBATE
Mabangis na Lungsod (Maikling Kwento)
Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga
gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga
taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bias. Ngunit
ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa
lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa
dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng
mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng
lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging
Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa mga
layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroon, katulad ng Quiapo. Sa walang
muwang na isipan ni Adong walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang
gabi at ang Quiapo. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo.
Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim
ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y
mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang
mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na
hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroon at
mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng
punong-kahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan,
naaawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si
Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at
maglaglag ng piso sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya
tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa
kalawakan.
Kangina pa siyang tanghali sa loob ng
marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad
ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang mga bulsa ay wala
pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang
ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at gumagapang sa kanyang
katawan.
“Mama… Ale, palimos na po.”
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig
na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang
hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.
“Piso po lamang, Ale… hindi pa po ako
nanananghali.”
Kung may pumapansin man sa panawagan ni
Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay
iyan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririrnig ni Adong. Nasasaktan
siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling
Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak,
hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong
nagpapalimos. Alam niyang maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa
lahat. Walang bawas.
“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni
Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa
pagbibigay.
Ang mga kamay ni Adong ay nanginginig pa
habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong
matagal ring kumakalansing sa kanyang bulsa, ngunit kalian man ay hindi nakarating
sa kanyang bituka.
“Maawa na po kayo, Mama… Ale… gutom na
gutom na ako!”
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga
patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa
pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon
ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.
Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng
simbahan, pagkaraan ng maikling sandal, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga
tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba wala pang isang oras na
pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan,
kundi sa kaluluwa. Natutuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang
palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.
“Malapit nang dumating si Bruno,” ani ni
Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na
maaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni
Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang
sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpapatindig sa kanyang mga
balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay.
Habang nagdaraan sa kanyang harap ang mga tao, malamig, walang awa, walang
pakiramdam – nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang kalooban.
Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kanyang
gutom at pangamba. Kung ilang araw na
niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroon pa’t waring
umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
Ilang singkong bagol ang nalaglag sa
kanyang palad, hindi nilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay
ay nandidiring maipadikit sa marusing na palad na wari bang mga kamay lamang na
maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang
bulsa. Lumikha iyon ng mga bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong
nasa kanyang lukbutan. Ilan pang bagol ang nalaglag sa kanyang palad at sa
kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula
sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga
kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling
pag-iwas.
“Adong… ayun na si Bruno,” narinig niyang
wika ni Aling Ebeng.
Tinatanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni
Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisg.
Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang
bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring
dugong biglang umagos sa kanyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat
upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang
kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.
“Diyan na kayo, Aling Ebeng… sabihin ninyo
kay Bruno na wala na ako!” mabilis niyang sabi sa matanda.
“Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka
ni Bruno. Makikita ka ni Bruno!” Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda,
nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makakubli siya
sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa
pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga
taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab.
Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang
isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa
paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom,
sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula’t
mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. Muling dinama niya ang mga bagol sa kanyang
bulsa. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.
“Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga
yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay
naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang
kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak sa
kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang
maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at sa kabangisan.
“Bitiwan mo ako, Bruno! Bitiwan mo ako!”
Naisigaw na lamang ni Adong. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na
tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya.
Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandal, hindi na niya naramdaman ang kabangisang
sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.
Ang Alamat ni Datu Omar (Alamat)
Si Omar ay isang napakadukhang tao.
Naninilbihan sia bilang alila ng isang mayamang
tao. Masipag siya at matapat subalit siya’y nananatiling maralita.
Nawalan na siya ng pag-asang guminhawa pa sa buhay, kaya’t humarap siya sa mga
taong nagkakatipon sa bahay ng pinakapuno ng kanilang nayon at nagwika…
“Gusto ko ng mamatay kaysa mabuhay ng
ganitong laging hikahos. Hayaang magbunot ng isang krus sa inyo at wakasan na
ang aking buhay.”
Narinig siya ng pinuno at ng mga tauhan
nito. Nagwika ang pinuno…
“Ipinagbabawal ng batas ng ating lipi sa
sinuman ang pumatay sa kanyang kapwa. Kung gusto mong mamatay, doon ka pumunta
sa ilog. Maraming buwayang gutom na gutom doon.”
Tinungo niya ang ilog at nakita niya ang
mga buwayang nagbibilad sa araw at naghihintay ng masisila o makakain. Tumalon
siya sa tubig na may napakaraming buwaya at hinintay niyang siya’y sakmalin at
lamunin ng mga ito. Subalit nagulat siya nang hindi siya ginalaw man lamang ng
mga ito. Nang siya’y inip na inip na, lumangoy siya patungo sa pinakamalaki sa
mga buwaya. Subalit umiwas sa kanya ang mga ito at nagsipagtago sa kanilang
kuweba. Naiwan siyang nag-iisa sa tubig. Bumalik siya sa nayon at ibinalita ang
kanyang nagging karanasan sa mga buwaya.
“Ituro ninyo sa akin kung paano ko maaaring
patayin ang aking sarili!” Pagmamakaawa niya. Ang sabi ng isa sa mga naroon…
“May isang papalapit na napakalakas na
bagyo. Magpunta ka sa gubat at magpadagan ka sa mga mabubuwal na malalaking
puno.”
Dali-daling nagpunta si Omar sa gubat at
tumayo sa ilalim ng isang patay na puno na tiyak niyang babagsak sa kanya sa
unang ihip pa lamang ng hangin. Dumating ang bagyo at nangabuwal ang mga puno
sa kanyang paligid. Nakita niya ang isang puno na malapit nang matumba. Tumakbo
siya at tumayo sa ilalim nito. Subalit pagdating na pagdating niya doon ay saka
naman bumagsak at lumikha pa ng pagkalakas-lakas na ingay ang malaking punong
iniwan niya.
Zingn! Swiisss! Irrkk! Braagg!
Ang puno na tinapatan niya ay babagsak na
ng asana sa kanya ngunit sumabit ito sa ibang katabing puno, kaya’t hindi ito
tuluyang nabuwal at nanatiling nakahilig na lamang. Hindi nagtagal at tumigil
na ang bagyo. Sa galit ni Omar ay pinag-untugan niya ang kanyang ulo sa mga
buwal na puno at pinipilit na patayin ang sarili.
“Bog! Bog! Ah! Aaahhg!”
Sa wakas dahil sa sobrang pagod,
napahandusay siya sa lupa at nawalan ng malay.
“Ah! Aaahg!!”
Di kaginsa-ginsa’y may nagpakita sa kanyang
isang tao na nakasuot ng dilaw na roba at nagsabi: “Bakit nakahandusay ka dito,
Omar? Basang-basa ka at ginaw na ginaw?”
“Nagtungo ako rito upang magpakamatay… mas
matamis pa ang magpakamatay kaysa mabuhay…”
“Hindi mo pa oras mamatay. Bata ka pa at
malakas. Bumangon ka, pulutin mo ang iyong mga kasangkapan at magbungkal ka ng
lupa. Kapag oras mo na, kusang darating si Kamatayan upang ikaw ay kunin.
Samantala, tumindig ka at patuloy na mamuhay!”
Umali sang di niya kilalang tao at si Omar
ay nagising. Nagulat siya nang Makita niya sa kanyang tabi ang isang araro at
iba pang gamit sa pagsasaka na dati’y mga wala roon. Pinagdadampot niya ang mga
iyon, bumalik siya sa nayon at nagsaka. Dahil sa kanyang kasipagan, hindi
nagtagal at siya ay yumaman. Naging datu siya sa nayon, nagkaroon ng malalawak
na lupain, at isang Malaki at masayang pamilya. Anupa’t si Datu Omar ang higit
na naging makapangyarihan sa nayon at higit na iginagalang sa mga karamihan
roon.
Makaraan ang ilang taon, habang natutulog
si Omar ay may nagpakita sa kanyang isang matandang lalaki, kinawayan siya at
nagsabi: “Omar, dumating na ang oras mo.” “Oras ko? Hindi ko maunawaan ang
sinasabi mo!”
“Dumating na ang oras mo. Bumangon ka at
sumama sa akin!”
“Lubayan mo ako! Hindi kita kilala! Hindi
kita kilala!”
Bumalikwas si Omar sa kanyang pagkakahiga,
itinuro ang pintuan at ang sinabi nang pasigaw:
“Lumayas ka!”
Muling nagsalita ang di kilalang tao…
mahinahon:
“Omar, bumangon ka at sumama sa akin.
Dumating na ang oras ng kamatayan mo.”
“Iwan mo ako sabi, napakahalaga ng buhay!
Ayaw kong mamatay!”
Tinitigan siya ng di-kilalang tao na sa
katotohanan ay si Malakalmaut o si Kamatayan. Makapangyarihan ang titig nito,
kaya’t si Datu Omar ay napaluhod at nagmakaawa…
“Bigyan mo ako ng panahong mapaghandaan ang
aking kamatayan, para mo ng awa. Palugitan mo ako ng isang buwan..”
“Babalikan kita sa katapusan ng buwang
ito,” metatag na sinabi ni Malakalmaut bago umalis.
Kinabukasan, tinipong lahat ni Datu Omar
ang kanyang mga tauhan at inatasan ang mga itong magtayo ng isang malaking
tore. Buong bilis na nagsipagtrabaho ang mga tao. Bago magkatapusan,
nakapagpatayo na sila ng isang tore na mas mataas pa sa puno ng niyog. Kaya’t
buong pagyayabang na nagwika si Omar: “tingnan natin… kung makakaakyat si
Malakalmaut sa ganitong kataas!”
Subalit nang katapusan ng buwan, habang
natutulog si Omar sa kanyang silid sa itaas ng tore, isang tinig ang gumising
sa kanya sa kalaliman ng gabi. Idinilat niya ang kanyang mga mata at nakita si
Malakalmaut na nakatayo sa kanyang ulunan.
“Katapusan na ng buwan!”
“Ha?”
Subalit tumanggi si Datu Omar na sumama kay
Malakalmaut. Ginawa niya ang lahat ng paraan, nagsumamo at nagmakaawa upang
mapaalis ang kamatayan. Subalit ayaw making sa kanya ang kamatayan. Muling
nagmakaawa si Datu Omar…
“Bigyan mo pa ako ng isang lingo… para mo
ng awa. Hindi ko pa kayang iwan ang maginhawang lugar na ito.”
Pinagbigyan siya ni Kamatayan sa
pangalawang pagkakataon.
Nang makaalis si Kamatayan ay agad
pinarehasan ni Datu Omar ang mga bintana ng kanyang tore. Kaya’t bago ang isang
lingo, lahat ng bintana ay narehasan na nang doble-doble, ang mga pinto ay
nakakandado nang husto, at ang pintuang papasok sa tore ay natatalibaan ng mga
guwardiya.
“Siguradong hindi na ako mapapasok ni
Kamatayan,” sabi ni Datu Omar sa sarili.
Subalit nang matapos ang isang lingo,
kinahatinggabihan ay naroon na si Kamatayan sa kanyang silid at ang sabi:
“Dumating na ang oras mo, Omar… Sumama ka sa akin!”
Sa malaking takot, bumalikwas sa kanyang
higaan, mabilis na lumabas sa kanyang silid at nilisan ang tore.
“Si Kamatayan ay isang pangit na matandang
lalaki! Kha-a-a! Kha-a-a!” sabi niya sa sarili habang siya’y tumatakbong
patungo sa gubat.
“Hindi na niya ako masusundan sa gubat, may
alam akong kuweba roon tiyak na hindi niya ako makikita roon.”
Tumakbo siya nang tumakbo hanggang makaabot
siya sa gubat. Nagtago siya sa malalaking bato at sa mga kakahuyan upang
mailigtas ang sarili sa kamatayan.
Nang sapitin niya ang kuweba ay dali-dali
siyang pumasok. Ngunit nabigla siya nang Makita niyang naroon na si Malakalmaut
at naghihintay sa kanya. Muling tumakbo si Omar. Tumakbo siya nang tumakbo
upang makaiwas sa kamatayan.
Malayo na ang kanyang naabot. Akala niya ay
ligtas na siya kay Kamatayan. Ngunit tuwing siya’y titigil sa pagtakbo,
makikita na lamang niya at sukat si Kamatayan sa kanyang harapan at mabalasik
na nakatitig sa kanya.
Dahil sa matinding takot, tumakbo siya nang
tumakbo kung saan-saan, hanggang sa makasalubong siya ng isang nakaluksang
babaing ang suot ay damit na putting-puti.
“Bakit ka nagluluksa? Sino baa ng namatay,
kaibigan?” humihingal na tanong ni Datu Omar…
“Si Datu Omar po…”
Pagkarinig ni Datu Omar sa tinuran ng babae
ay lalo siyang nahintakutan. Kaya’t tumakbo na naman siya nang tumakbo hanggang
makasalubong naman siya ng isang babaing may sunong na banga ng tubig.
Nagmamakaawa siyang humingi sa babae ng inumin.
“Ikinalulungkot ko po. Hindi ko kayo
mabibigyan ng tubig. Kailangan ko po kasi ito para ipaligo sa patay!”
“Ak-k-k-koy p-p-pagod na p-p-pagod na …
Sabihin mo nga sa akin. Sino ba ang paliliguan mong patay?” tanong ni Datu
Omar. Namumukhaan ni Datu Omar ang babae. Kung hindi siya nagkakamali ay
nakatira ito sa nayon na kanyang sakop.
“Hindi po ba ninyo alam? Patay na po si
Datu Omar! Napakabait pa naman niyang tao…”
Lalong natakot si Datu Omar sa kanyang
narinig.
“Hindi! Hindi! Hindi! Hindi totoo ang
sinasabi mo!” At muli siyang tumakbo nang tumakbo sa hangad na makatakas sa
kanyang kamatayan.
Sa kanyang patuloy na pagtakbo’y may
nadaanan siyang mga lalaking naghuhukay sa lupa. Nagmamadali ang mga tao sa
paghuhukay.
“Bakit kayo nagmamadali sa paghuhukay?”
“Siya nga naman! Bakit kailangang ihukay
nati siya ng libingan? Bakit kailangang ilibing natin agad an gating pinuno… na
isang napakabait na tao?” At nagsimulang magsitangis ang mga lalaki.
“Sino ba ang tinutukoy ninyo?”
nahihintakutang tanong ni Datu Omar.
“An gamin pong datu, si Datu Omar…” sagot
ng isa sa mga lalaki.
Muli na naming tumakbo nang tumakbo si Datu
Omar. Sa wakas, may naratnan siyang mga karpinterong gumagawa ng kabaong.
Nagsisitangis din ang mga ito.
“Kawawang datu… Napakabait pa naman niyang
tao.”
“Ngunit lahat ng tao, maging napakabuti o
napakasamang tao, ay may kanya-kanyang oras ng kamatayan.”
Sa mga sandaling iyon, natanto ni Datu Omar
na sadyang hindi na siya makaiiwas sa kamatayan. Tinakasan na siya ng lakas.
Napaupo na lamang siya at pagkatapos ay tuluyan nang napahandusay. Sapagkat
oras na niya, kahit anong gawin niya ay hindi na niya matakasan ang kamatayan…
si Malakalmaut.
Isang Magandang Umaga sa Sining at Kultura (Talumpati)
Sisimulan
ko ang aking pahayag tungkol sa sining mula sa isang akda na ganito ang
isinasaad:
Bayan
ko, kahit munti
Dayuha’t
namalagi
Kastila’t
Hapon pati Puti
Sa
kultura’y nakihati.
Pati
Intsik at iba pa
Sa
sining ko’y nanghawa
Kayumangging
Pinoy, ano na?
May
batik na ng kulay niya.
Bayan
ko kahit munti
Sining
at kultura’y sari-sari
Anumang
gawi’y isang pag-aari
Para
sa lahat, di dapat isauli.
Oo, maraming ddugong nananalaytay sa ating
ugat. Hindi maitatatwang ako, ikaw, tayong lahat ay produkto ng iba’t ibang
lahi. Lahing nag-ambag ng sining at kultursng may iba’t ibang pananampalataya,
paniniwala, pananamit at maging sa gawi at kaugalian.
Sino ang makapagsasabi kung ilang taon
tayong sinakop ng mga dayuhan? Napakaraming taon na, di ba? Nailarawan sa
sining ng awit, tula, dula at sayaw ang ganda at kariktan ng kultura. Kulturang
naging lalong mayaman at makulay hindi lamang sa pakikipag-ugnayan natin sa
ibang lupain kundi pati na rin sa mga tradisyon, kaugalian at paniniwalang
kinamulatan nating lahat na siyang nagpatanyag at nagpaangat sa lahing
kayumanggi.
Ngunit ilan na ng aba ang nagnais tumalikod
sa kanyang kinagisnan. Marami na. Dahil bas a ito’y baduy, cheap o may
kakornihan daw? Ilan na rin kaya sa atin ang kumutya dahil ito’y wala na sa
kalakaran, wala na sa panahon?
Marahil ay di natin maitatangging ilang
beses nan gang nasaksihan natin ang pagkupas ng kariktan at pagpapahalaga sa
sining at kultura.
Isang madilim na umaga ba ang mababanaag sa
yamang lahi ng pagka-Pilipino? Sino? Sino sa inyo ang naghahangad na maganap
ito?
Ikaw ba’y masisiyahan kung sa tagdan ang
watawat na iwinawagayway ay mag-iba ng kulay?
Matutuwa ka ba kung sa himpapawid ay sa
halip na lamyos at tamis ng awiting “Lupang Hinirang” ang pumailanlang ay
nakatutulig na ingay?
Masisiyahan k aba kung sa pananamit mo’y
maging hubad na ang katauhan at dangal?
Magagalak k aba kung ang tinuhog na
bulaklak ng lahi’y maging tuyot na’t wala ng kabanguhan?
Papayag ka bang ikaw, mismong Juan dela
Cruz, na maginoo’t matapang ay maging isang manhid at walang pakialam? At ikaw,
babaeng Pilipinang tanyag sa kayumiang di masaling ang kamay ay bigla na lamang
magbago’t ang “cheap mo naman?”
Ah, ang panahon nga ba’y hadlang sa pagbabago
ng lahat ng ito? Hindi, hindi tayo dapat pumayag. Panahon lamang ang lumilipas
ngunit tayo mismong nabubuhay sa panahong ito ay di dapat magbago. Sa palad
natin nakasalalay ang sining at kultura para sa lahat.
Kung di natin sisimulan ngayon, kalian pa?
Kung di tayo kikilos, sino ang mag-uumpisa?
Sa kulturang inangkin ng lahi, niyapos at
pinahalagahan ng mga ninuno’y muli itong mapayayabong para sa pagkakabuo at
pagkakaroon ng isang bansang Malaya at maunlad. Kapit-bisig nating tunguhin ang
bukas upang itong lahi’y muling umangat at ang santuldok na ito sa mapa’y
maging isang malaking bilog na kapalolooban ng bango at dangal na papaimbulog
sa kabansaan.
Bakit di natin hayaang simulant ngayon ang
isang malikhaing pagsasagawa, pagpapanatili sa kaisipa’t kalooban na sa sining
na naroon ang aliw-iw, ang yaman at ang buhay at sa kultura’y may kariktan, may
karangalan at bukas na naghihintay.
Ngayo’y nakikini-kinita ko na ang isang
“maayong bontag” para sa Cebuano; “maupay nga aga”, para sa Waray; “naimbag nga
aldaw” para sa Ilokano; “mayap a abak” para sa Kapampangan.
Batid kong magkakaiba man tayo ng
pananalita sa sining at kultura, tayo’y iisa-ito’y para sa lahat. Kaya’t
nababanaag ko na ang isang MAGANDANG UMAGA.
Nasa Iyo Mismo ang Tagumpay (sanaysay)
Napapailing ako kapag may lumalapit sa akin
upang maghanap ng trabaho. Kapag tinatanong ko kung ano ang alam nilang
trabaho, ang karaniwang sagot nila’y, “Kahit ano, Kuya greg.”
Kahit ano?
Walang trabahong tinatawag na “kahit ano”
Katunayan wari iyan na hindi alam ng
karamihan sa atin ang tinutungo nila sa buhay. Hindi alam kung ano ang gusto
nila. “Nais kong magtagumpay,” anila. Ngunit hindi nila natitiyak kung ano o
aling larangan ang gusto nilang pagtagumpayan.
Iyana ng dahilan kung bakit wala silang
nagagawa.
Minsang nag-usap kami ng aming bos, ang
yumaong Brig. Gen H.M. Menzi, ginunita niya ang kanyang kabataan at ang
kahigpitan ng kanyang ama.
“Maaga akong naghahanapbuhay,” aniya. “Nang
panahon naming, kailangang magsikap ka upang ikaw ay mabuhay. Ngayon, karamihan
sa mga kailangan ng mga kabataan ay halos iniaabot na lang sa kanila.
Napakalapit naman ng paaralan ngunit sumasakay pa sila sa halip ng maglakad na
lang.”
Isa raw iyan sa dahilan kung bakit hindi
naipamulat sa mga kabataan ang pagiging masikap. Hindi sila nagkakaroon ng
pagkakataong maging mapanlikha at magsarili. Umaasa na lamang sila sa
maidudulot sa kanila.
Minsan ay may isang lalaking pumunta sa
aking opisina at humihingi ng pamasahe at pananghalian. Umaamot pa ng pamaskong
pantalong maong at putting tisert. Malaking lalaki, matipuno at sa tingin ay
wala naming sakit.
Nainis ako, ngunit kalmado lang akong
nagsalita at baka mapahiya e, ako pa ang masaktan niya. “Sa laki mong iyan,” sabi
ko, “hindi k aba nahihiyang magpalimos? Wala ka naman sigurong sakit. Ang
problema lang siguro ay hindi moa lam ang gagawin mo. Tingnan mo. Maraming
tinder sa palengke. Hindi nila mabubuhat ang tiklis na puno ng inilalako nila.
Kung maging tagabuhat ka kaya at babayaran ang trabaho mo? O gumawa ka ng
kariton at magkargador ka ng kanilang paninda? Utang na loob, kapatid, tulungan
mo muna ang iyong sarili bago kita tulungan.”
Hindi ko siya binigyan ng kahit sentimo.
“Lumakad kang pauwi,” sabi ko.
Masaki tang irap niya. Galit na isinara ang
pinto. Dalawang buwan pagkalipas niyon, nagbalik ang lalaki at natatawang
nagsabi na ginawa niya ang sinabi ko at ngayon ay may pinagkakakitaan na siya.
“Ang siste mo nito, Kuya, ‘yong ipinagkakargador kong tinderang byuda, e tila
me gusto sa akin. Kung hindi magkabisala, pwede bang maging ninong ka naming?”
Ang mahalaga kasi ay hindi ang iyong
nalalaman, kundi ang iyong magagawa. Ito ang maalala ng mga tao tungkol sa iyo.
Habang dumarami ang iyong nagagawa, dumarami rin ang mga taong makababalita
tungkol sa iyo. At kung laging maganda ang mga gawa mo, hindi sasalang
magkakamit ka ng tagumpay.
Wala ang tagumpay sa nagpapasarap o sa
kinakandong lamang ang mga kamay. Ang tagumpay ay nasa mga magagawa mo
araw-araw.
Tingnan mo ang mga siklista kong Sunshine
Riders. Ilan lang ang mga propesyunal na siklista sa mga ito. Karamihan sa
aming grupo ay mga naghahanapbuhay, ehekutibo at matandang “papetik-petik” lang
kung magpatakbo. Pinakamatanda nga si Ka Puten na edad 65 at may dinaramdam
pa sa puso. Ngunit inaakyat namin ang Tagaytay, o ang Batulao buhat sa Nasugbu,
o ang Maharlika Highway sa mga bundok ng Pililia at Mabitak, pati Kennon Road
ng Baguio.
Ang sabi nga ng pinakamahina sa amin, na
edad 50, “Kung hindi ko maakyat ang bundok sa pamamagitan ng bisikleta,
lalakarin ko upang maging patag. Tao ang gumagawa ng kalsada, kaya’t tiyak na
maaakyat ito ng ibang tao.”
Wala kang makikitang tanawin sa paanan ng
bundok. Ang mga punong-kahoy lamang ang makikita mo. Ang umpisa lamang ng
kalsada ang makikita mo. Kung mananatili ka sa ibaba, hindi mo matatanaw ang
marangyang kapaligiran.
Ngunit akyatin mo ang bundok, bisikletamong
akyatin. Pagdating mo sa ituktok matapos ng hingal-kabayong pag-akyat mo,
laking ginhawa mo sa lamig ng simoy at ganda ng tanawing makikita mo hanggang
sa iyong tanaw. Mula sa ituktok ng bundok sa Pililia, Rizal tanaw na tanaw ang
kabuuan ng Laguna de Bay at ang mga Kabayanang nakapaligid sa lawing ito.
Parang nasa bumbunan mo lang ang langit,
tulad ng nadarama ng mga Sunshine Riders tuwing umaakyat sila sa Bugarin.
Parang abot mo na ang talampakan ng Diyos!
Sa ituktok lamang makikita ang
pinakamagandang tanawin. At sa ituktok lamang madarama ang tunay mong lakas, at
mananamnam mo ang walang katulad na kasiyahan.
Doon mo masasamyo ang pinakadalisay na
hangin.
May nagsasabing hindi lilipad ang
saranggola kung hindi ito sasalungat sa hangin. Isunod mo sa hangin at ito ay
kagyat na babagsak. Pasalungatin mo at tiyak na tataas at tataas hanggang sa
makarating sa mga ulap at bituin!
Sabi ni Emerson: “Kung ang kalikasan ay
dinadagsaan ka ng mga pagsubok, walang salang pinapanday rin niya ang iyong
utak.”
Na ang ibig sabihin ay lalo kang tumatalino
dala ng iyong mga karanasan. At lalong nadaragdagan ang iyong mga nagagawa.
Ngunit alam mo na ba kung saan mo gusting
magtagumpay?
O katulad ka ng mga naghahanap ng trabaho
na, nang tanungin ko kung ano ang alam nilang trabaho ay sumagot ng “kahit
ano?”
Wala pa akong nakitang nagtagumpay na
kinakandong ang mga kamay sa maghapon.
Ang mga taong walang ginagawa ay hindi rin
nagkaroon ng panahon sa ipinagagawa mo sa kanila.
Takot kasi silang magkamali. Ang mga taong
hindi nagkakamali ay yaong walang ginagawa sa maghapon.
Humanap ka ng taong laging abala sa mga gawain,
at makapaglalaan pa ito ng panahon para sa ibang bagay na ipagagawa mo sa
kanya.
Alam ng taong ito na saka lang siya may
nagagawa kapag kumikilos siya.
Kumikilos ka na rin, iho, at alamin mo kung
ano ang gusto mong matapos at makamit sa sandaling ito upang magsimula ka na sa
daang paakyat at ituktok ng tagumpay.
Thursday, April 14, 2016
Ang Kahon ni Pandora (Mito)
Noong araw ay walang mga babae sa lupa. Ang
naninirahan rito ay panay mga lalaki. Nabubuhay sila nang matiwasay. Sagana
sila sa pagkain. Ang simoy ng hanging kanilang nilalanghap ay puno ng halimuyak
ng mababangong bulaklak. Sa buong maghapon, wala silang ginagawa kundi magsaya,
magpalakas at magpalusog ng katawan. Hindi nila nakikilala ang kalungkutan, ang
sakit, ang uhaw at ang gutom.
Minsan sa pagpupulong ng mga diyos sa
Bundok ng Olimpo ay nagkaisa silang padalhan ng kaparusahan ang mga lalaki sa
pamamagitan ng isang babae. Hiniling nila sa diyos na manlililok na si Hepestus
na humubog ng isang babae. Sumunod naman ang nahilingan. Ubod ng ganda ang
babaeng kanyang hinubog. Humanga ang lahat ng diyos. Inialay nila sa bagong
likhang babae ang lahat ng kahanga-hangang handog. Ibinigay sa kanya ni Apollo
ang kahusayang umawit. Ibinigay sa kanya ni Hermis ang kapangyarihang mang-akit
at mang-udyok. Ginawa siyang kaibig-ibig ni Aprodayte. Tinawag siyang Pandora
na ang ibig sabihin ay “kabuuan ng mga kahanga-hangang handog ng lahat ng diyos.”
Si Hermes ang nahirang na maghatid kay
Pandora sa lupa. Inihatid niya si Pandora kay Epimitiyus na kapatid ni
Prometiyus. Isang mahiwagang kahon na ang laman ay di batid ng dalaga ang
ipinabaon sa kanya.
Malugod na tinanggap ni Epimitiyus si
Pandora. Noon lamang siya nakakita ng isang kahanga-hangang dilag na
pinagtipunan na yata ng lahat ng katangian sa daigdig. Ipinagdiwang ng kanyang
mga kaibigan ang pagkakaroon niya ng magandang kapalaran. Noon, hindi pa kilala
ng mga lalaki ang inggit at panibugho.
Sa ganang kay Epimitiyus at sa kanyang mga
kaibigan, ay matamis pa sa awit ng mga ibon ang awit ni Pandora. Kinagawian na
nilang magtipun-tipon tuwing dapithapon upang pakinggan ang magagandang alamat
na sadyang nilikha ni Pandora para awitin sa kanila.
Marami ding pananhong nagging maligaya si
Pandora sa piling ni Epimitiyus. Para sa kanya ay bago at maganda ang daigdig.
Ara-araw, maraming mga bagay siyang natutuhan. Natalos niya ang hiwaga ng apoy.
Nabatid niya ang ukol sa kahanga-hangang init ng araw at ang tungkol sa kataka-takang
lamig ng gabi. Natikman niya ang iba’t-ibang lasa ng masasarap na bungangkahoy.
Gayunman, sa kanyang isipan ay may isang bagay na umuukilkil, isang alalahaning
nagdudulot ng ligalig sa kanyang kalooban at nagtatangkang gumiba sa lahat ng
kaligayahang kanyang tinatamasa. Ito’y ang nauukol sa kahon na kasama niya nang
siya’y ihatid ni Hermis sa lupa. Mahigpit ang bilin ni Hermis na ang kahon ay
huwag niyang bubuksan. Sa palagay ni Pandora, ang pagkaalam sa laman ng kahon
ang tanging kulang upang masabi niyang nababatid niya ang ukol sa lahat ng
bagay sa daigdig. Lumalakad ang araw ay sumisidhi ang kanyang pagnanasang
mabatid ang nasa loob ng kahon. Gayon na lamang ang kanyang pananabik.
“Marahil,” ang naisip ni Pandora, “may mga
kaakit-akit na bagay sa loob ng kahon na makapagdudulot sa aki ng ibayong
kagandahan. Gaya halimbawa ng busilak na kasuotan ni Hira o kaya’y ng
ginintuang mga hiyas ni Aprodayte.”
Naging palaisip si Pandora. Araw-araw ay
binubuhay niya kung ano ang laman ng kahon. Bihira na siyang mangiti. Noon
naramdaman ni Epimitiyus ang unang kalungkutan. Nalulungkot siya kapag walang
kibo si Pandora. Sa wakas, ipinagtapat sa kanya ng babae ang suliraning
gumugulo sa kanyang isip. Hiniling niyang buksan ni Epimitiyus ang kahon.
Natakot si Epimitiyus.
“Buksan ang kahon! Gawin ang isang bagay na
ipinagbabawal ng mga diyos?” ang kanyang bulalas. “Hindi ko magagawa iyan.
Habang tayo’y nabubuhay, mananatiling nakapinid ang kahon sa loob ng ating
tahanan. Hindi ko iyan mapangangahasang buksan kailanman.”
Umalis si Epimitiyus at nagtungo sa piling
ng kanyang mga kaibigan. Naiwang natitigilan si Pandora sa tabi ng kahon.
Nang sumunod na mga araw, pinigilan ni
Pandora ang kanyang nasang mabuksan ang kahon. Ngunit isang araw ay umalis si
Epimittiyus. Naiwang naag-iisa sa bahay ang babae. Nanaig sa kanya ang
hangaring matalos ang laman ng kahon. Kinuha niya ang susi at binuksan iyon.
Walang magandang bagay ang laman ng kahon.
Isang langkay na humuhugong na mga putakte ang naglabasan at dumuro sa kanya.
Ang mga putakteng yao’y ang tagapaghatid ng iba’t ibang uri ng sakit na tulad
ng lagnat, kolera, rayuma at iba pa. Ang iba sa kanila’y kinatawan ng maiitim
na damdaming tulad ng inggit, panibugho, sama ng loob at masasamang kaisipan.
Ang mga putakte’y naglagusan sa mga bintana
at mga pintuan ng bahay. Lumipad sila hanggang alapaap at dahil sa dami ay
nangulimlim tuloy ang araw. Sina Epimitiyus at ang kanyang mga kaibigan ay
nagliibang noon sa may di kalayuan sa tahanan. Narinig nila ang nangangalit na
hugong ng mga sakit, salot at maiitim na damdamin.
Dinuro sila ng mga kulisap at noon di’y
nagkagulo sila. Nagpalitan sila nang masasakit na salita. Ang magkakaibiga’y nagging
magkakagalit. Sa mukha ng bawat isa’y nabadha ang bangis at ngitngit. Naglaho
ang panahon ng kawalang malay.
Samantala, si Pandora ay nanlalambot sa
tahanan. Naisara na niya ang takip ng kahon, ngunit totoong huli na! Lahat ng
nakakulong roon, maliban sa isang kulisap, ay nakakawala at nagsasabog na ng
pinsala sa lupa. Hugong nang hugong ang kulisap na naiwan sa loob ng kahon.
Narinig ni Pandora ang maliit na tinig na nagsasabi: “palayain mo ako!
Palabasin mo ako!
“Hindi” ang sabi ni Pandora, “hindi kita
palalabasin. Mamalagi ka riyan!”
Walang tigil ang paghugong at pagkatok ng
maliit na kulisap sa loob ng kahon. Sa wakas, napilitan rin si Pandorang buksan
ang kahon. Isang magandang kulisap na may busilak na bagwis ang lumabas sa
kahon. Ikinampay ang kanyang mga pakpak na waring nasisiyahan sa liwanag.
“Ako ang Pag-asa! Ako ang Pag-asa!” ang
awit niya.
Sa wari ni Pandora ay lalong gumanda ang
daigdig dahil sa awit na yaon. Lumabas sa tahanan ang kulisap. Nagtungo sa pook
na pinag-aawayan nina Epimitiyus at ng kanyang mga kaibigan. Sa kanyang
pagdating ay natigil ang awayan. Nanumbalik ang kapayapaan, ngunit hindi na ang
dating kapayapaan ng may malilinis na budhi. Gayunman, habang may pag-asa sa
daigdig, ay nauunawaan ng mga lalaking nakalasap ng unang lungkot na walang
kaguluhang napakasama ang di pangingibabawan ng buti.
Wednesday, April 13, 2016
Ang Guryon (Tula)
Tanggapin
mo, Anak, itong munting guryon
Na
yari sa patpat at “papel de hapon;”
Magandang
laruang pula, puti, asul,
Na
may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang
hiling ko lamang, bago paliparin
Ang
guryon mong ito ay pakatimbangin;
Ang
solo’t paulo’y sukating magaling
Nang
hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.
Saka
pag sumimoy ang hangin, ilabas
At
sa papawiri’y bayaang lumipad;
Datapwat
ang pisi’y tibayan mo anak,
At
baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin
ma’t hindi, balang araw ikaw
Ay
mapapabuyong makipagdagitan;
Makipaglaban
ka, subalit tandaan
Na
ang magwawagi’y ang pusong marangal.
At
kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
Matangay
ng iba o kaya’y mapatid;
Kung
saka-sakaling di na mapabalik.
Maawaing
kamay nawa ang magkamit!
Ang
buhay ay guryon: marupok, malikot,
Dagiti’t
dumagit saan man sumuot;
Oh,
paliparin mo’t ihalik sa Diyos,
Bago
tuluyang sa lupa sumubsob!
Indarapatra at Sulayman (Epikong Mindanao)
Noong unang panahon ay may isang dakilang hari. Siya ay si Indarapatra, hari ng Mantapuli. Ang Mantapuli ay matatagpuan sa bahaging kanluran ng Mindanao, doon sa malayong lupain kung saan ang araw ay lumulubog. Si Indarapatra ay nagmamay-ari ng isang makapangyarihang singsing, isang mahiwagang kris at isang mahiwagang sibat. “Hinagud, aking sibat, magtungo ka sa bahaging silangan at lupigin moa ng aking mga kaaway!” ang makapangyarihang utos ng hari. Pagkatapos magdasal, inihagis niya ang sibat na si Hinagud nang ubod lakas. Nang makarating na ito sa Bundok Matuntun, agad na bumalik ito sa Mantapuli at nag-ulat sa kanyang hari.
“Aking dakilang hari, maawa kayo sa mga
taga Maguindanao. Sila’y pinahihirapan at kinakain ng mga walang awing halimaw.
Sinisira ng mga halimaw ang kanilang mga pananim at ang mga kabahayan.
Binabalot ng mga kalansay ang kalupaan!” ulat ni Hinagud.
Nagalit si Indarapatra sa narinig. “Sino
ang mga halimaw na iyon na walang awing pumapatay sa mga walang kalaban-laban
na mga taga-Maguindanao?” galit na tanong ni Indarapatra.
“Ang una po ay si Kuritang maraming paa at
ganid na hayop sapagkat sa pagkain, kahit limang tao’y kayang maubos,” sagot ni
Hinagud. “Ang ikalawa’y si Tarabusao. Isa siyang halimaw na mukhang tao na
nakatatakot pagmasdan. Ang sinumang tao na kanyang mahuli’y agad niyang
kinakain. Ang ikatlo’y si Pah, isang ibong malaki. Ang bundok ng Bita ay
napadidilim sa laki ng kanyang mga pakpak. Ang lahat ng tao’y sa kweba na
naninirahan upang makaligtas sa salot. Ang ikaapat ay isa pang ibon na may
pitong ulo, si Balbal. Walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na mata
pagkat maaari niyang matanaw ang lahat ng tao.” Sunud-sunod na paliwanag ni
Hinagud.
Nang marinig ito ni Indarapatra, nagdasal
siya at inutusan ang kapatid na si Sulayman, ang pinakadakilang mandirigma ng
kaharian. “Mahal kong kapatid, humayo kayo at tulungan ang mga
taga-Maguindanao. Heto ang aking mahiwagang singsing at si Juru Pakal ang aking
mahiwagang kris. Makakatulong sa iyong pakikidigma ang mga ito.” Kumuha si
Indarapatra ng isang batang halaman at ipinakiskis niya ang singsing na
ibinigay kay Sulayman sa halaman at kanyang sinabi,”Ang halamang ito ay
mananatiling buhay habang ikaw ay buhay at mamamatay ito kung ikaw ay
mamamatay.”
At umalis si Sulayman sakay ng kanyang
vinta. Lumipad ang vinta patungong silangan at lumapag sa Maguindanao. Biglang
dumating si Kurita. Biglang tumalon si Juru Pakal, ang mahiwagang kris, at
kusang sinaksak si Kurita. Taas-baba si Juru Pakal hanggang mamatay si Kurita.
Pagkatapos nito ay kinalaban naman si
Tarabusao. “Lisanin mo ang lugar na ito, kundi ay mamamatay ka!” ang malakas na
utos ni Sulayman.
“Lisanin ang lugar na ito! Nagkasala ang
mga taong ito at dapat magbayad!” sagot ni Tarabusao.
“Narito ako upang tapusin na ang inyong
kasamaan”” ang matapang na sabi ni Sulayman.
“Matalo man ako, mamamatay akong martir!”
sagot ni Tarabusao. Naglaban sila at natalo ni Sulayman si Tarabusao.
Naglakad si sulayman sa kabilang bundok
upang sagupain si Pah. Ang bundok Bita ay balot ng mga kalansay at ng mga
naaagnas na bangkay. Biglang dumating si Pah. Inilabas ni Sulayman si Juru
Pakal at pinunit nito ang isang pakpak ni Pah. Namatay si Pah ngunit nahulog
ang pakpak nito kay Sulayman. Namatay si Sulayman.
Sa Mantapuli, namatay ang tanim na halaman
ni Indarapatra. Agad siyang nagtungo sa Maguindanao at hinanap ang kapatid.
Nakita niya ito at siya’y nagmakaawa sa Diyos na buhayin muli ang kapatid.
Tumagis siya ng tumangis at nagdasal kay Allah.
Biglang may bumulwak na tubig sa tabi ng
bangkay ni Sulayman. Ipinainom ito ni Indarapatra kay Sulayman at biglang
nagising pagkainom. “Huwag kang umiyak, aking kapatid, nakatulog lang ako nang
mahimbing,” sabi ni Sulayman. Nagdasal sila Indarapatra at Sulayman upang
magpasalamat sa Diyos. “Umuwi ka na, aking kapatid, at ako na ang tatapos kay
Balbal, ang huling halimaw,” utos ni Indarapatra. Umuwi si Sulayman at nagtungo
si Indarapatra sa Bundok Guryan at doon nakipaglaban kay Balbal.
Isa-isang pinutol ni Indarapatra ang mga
ulo ni Balbal hanggang isa na lamang ang natira. Dahil ditto, lumisan si Balbal
na umiiyak. Inakala ni Indarapatra na namatay na si Balbal habang tumatakas.
Ngunit ayon sa matatanda ay buhay pa si Balbal at patuloy na lumilipad at
humihiyaw tuwing gabi.
Pagkatapos ng labanan, naglakad si
Indarapatra at tinawag ang mga taong nagsipagtago sa kweba ngunit walang
sumasagot. Naglakad siya nang naglakad hanggang siya’y magutom at mapagod.
Gusto niyang kumain kaya’t pumulot siya ng isda sa ilog at nagsaing. Kakaiba
ang pagsasaing ni Indarapatra. Inipit niya ang palayok sa kanyang mga hita at
umupo siya sa apoy upang mainitan ang palayok. Nakita ito ng isang matandang
babae. Namangha ang matandang babae sa taglay na kagalingan ni Indarapatra.
Sinabihan ng matanda na maghintay si Indarapatra sa kinalalagyan sapagkat
dumaraan doon ang prinsesa, ang anak ng raha. Umalis ang matandang babae dala
ang sinaing ni Indarapatra.
Paglipas ng ilang sandali ay dumaan nga ang
prinsesa at nakuha ni Indarapatra ang tiwala nito. Itinuro ng prinsesa kung
saan nagtatago ang ama nito at nalalabi sa kaharian nila. Nang Makita ni
Indarapatra ang raha, inialay ng raha ang kanyang pag-aari kay Indarapatra.
Ngunit tinanggihan ito ni Indarapatra bagkus kanyang hiningi ang kamay ng
prinsesa.
Sa maikling panahong pananatili ni
Indarapatra sa Maguindanao, tinuruan niya ang mga tao kung paano gumawa ng
sandata. Tinuruan niya kung paano maghabi, magsaka, at mangisda. Pagkalipas ng
ilang panahon pa, nagpaalam si Indarapatra. “Tapos na ang aking pakay rito sa
Maguindanao. Ako ay lilisan na. Aking asawa, manganak ka ng dalawa, isang babae
at isang lalaki. Sila ang mamumuno rito sa inyong kaharian pagdating ng araw.
At kayong mga taga-Maguindanao, sundin ninyo ang aking kodigo, batas, at
kapangyarihan. Gawin ang aking mg autos hanggang may isang mas dakilang hari na
dumating at mamuno sa inyo,” paalam ni Indarapatra.
Subscribe to:
Posts (Atom)