Thursday, June 9, 2016

ANG PAGHULI SA IBONG ADARNA (Kwentong Bayan)

Halos tumigil ang paghinga ni Don Juan nang matanawan ang ibong lumilipad na papalapit. Ito na marahil, naisaloob niya, ito na ang ibong hinahanap niya.

Mula nang umalis siya sa sariling bayan upang hanapin ang Ibong Adarna ilan na bang bundok ang nilakbay niya? Hindi na halos mabilang ni Don Juan. Ang tanging alam niya, kailangang matagpuan niya at maiuwi ang ibong ito.

Parang hapung-hapong dumapo ang ibong sa isang malabay na sanga ng puno ng Piedras Platas. Sa pagkakaupo sa ilalim ng punong ito, na tahanan ng Adarna, muling nagbalik sa isip ni Don Juan ang mga pangyayaring naghatid sa kanya sa pook na iyon. Malubha ang kanyang amang hari at ayon sa manggagamot ng kanilang kaharian, tanging ang awit ng Adarna ang makapagpapagaling dito.

Unang naglakbay ang panganay niyang kapatid na si Don Pedro. Pagkalipas ng ilang buwan, nang hindi bumabalik si Don Pedro, si Don Diego naman ang  naglakbay. Hindi rin nakabalik si Don Diego, kaya’t siya, ang bunsong si Juan, ang lumisan upang maghanap sa ibon, at sa dalawang kapatid na naunang umalis. Ilanga raw siyang naglakbay hanggang sa nakatagpo siya ng matandang pulubi na pinakain niya at pinainom ng kanyang baon. Bilang pabuya sa kanyang kagandahang loob, tinulungan siya ng matanda-sinabi nito kung saan matatagpuan ang ibong hanap niya.

Di nagtagal, narinig ni Don Juan ang malambing na awit ng ibon. Napakatamis ng awit ng ibon, parang hinihila siyang matulog. Kinuha ng binata ang kutsilyo sa kanyang bulsa at sinugatan ang sariling palad. Pagkatapos, gaya ng bilin sa kanya ng matandang ermitanyo, pinatakan niya ng katas ng dayap ang sugat. Halos maiyak ang prinsipe sa tindi ng kirot kaya’t biglang napalis ang kanyang antok.

Matapos umawit, nagbago ang kulay ng balahibo ng ibon. Ang kanina’y parang perlas na balahibo ng ibon ay nagkaroon ng iba’t ibang masisiglang kulay na higit na maganda kaysa una.

Tama ang sabi ng ermitanyo, naisaloob ni Juan. Ayon sa matandang ermitanyo, pitong beses na await ang ibon, at pitong beses ding mag-iiba ang kulay ng balahibo. Nakapagpapaantok ang matamis na awit ng ibon, kaya’t upang di siya makatulog, sinunod ni Don Juan ang bilin ng matanda. Ang kutsilyong ibinigay sa kanya ang ipinanghiwa niya sa sariling palad at katas ng pitong dayap ang ipinatak niya sa sugat.

Magmamadaling-araw na nang makatapos ng pitong awit ang Ibong Adarna. Gaya ng sinabi ng matandang ermitanyo, ugali ng ibon na magbawas bago matulog. Alam na ni Don Juan ang kanyang gagawin. Umilag siya nang makitang pabagsak na sa kanya ang dumi ng ibon-kung di siya nakaiwas, tiyak na naging bato siya.

Naghintay-hintay pa ng ilang sandal ang prinsipe at nang inaakalang mahimbing na ang ibon ay dahan-dahan niyang inakyat ang puno at biglang sinunggaban sap aa ang ibon. Dali-dali niyang inilabas ang gintong paneling kaloob ng ermitanyo at itinali ang ibon na tulog na tulog pa rin-nakabuka ang mga pakpak at dilat na dilat ang mga mata na parang gising.

Tuwang-tuwa si Don Juan. Hawak ang nakataling ibon ay masiglang nilandas ng prinsipe ang daang pabalik sa kubo ng ermitanyo. Noon pa’y nakikini-kinita na ng binata ang muling paglusog ng kanyang amang hari sa sandaling maiuwi niya ang Ibong Adarna.


ANG KODLA NG MGA IFUGAO (Kwentong-bayan)

Ang mga Ifugao ay may isang mahalagang agimat na nagpapatapang sa kanila kung sila ay makikidigma, maglalakbay ng malayo, mangangaso sa masinsing kagubatan o tatawid sa malalaking ilog. Tinatawag itong kodla o kiwil. Ang agimat na ito ay maaaring sa anyo ng isang maliit na bato, isang pirasong buto, isang maliit na bubuli, o tinipong mga damo ngunit ang paniniwala sa kanyang kapangyarihan ay di kailanman mapag-aalinlanganan ng mga matatandang Ifugao. Ang kodla ay isang pambihirang ari-arian at mapalad ang isang Ifugao na nagmamay-ari ng isa nito, dahil igagalang at katatakutan ng mga kapatid niyang di naging mapalad.

Ang kodla ay isang agimat na pinaghirapang makamit ng unang nagmay-aring mga Ifugao. Isasalaysay ng kwentong ito kung paano nakamit ni Cabigat ang unang kodla na isinalin mula sa nakaraang henerasyon hanggang sa kasalukuyan.

Noong unang panahon ay may mag-asawang nanirahan sa Lamut na nagngangalang Cabigat at Bugan. Sila ay masasaya dahil marami silang panustos na pagkain at mga hayop. Isang araw, lumabas si Cabigat para sa kanyang karaniwang pamamasyal sa mga kalapit na nayon. Habang siya’y wala, inilabas ng kanyang asawang si Bugan ang kanyang panghabi upang humabi ng isang tapis. Noong dakong hapon, isinampay niya ang dinatapos na tapis sa silong ng bahay. Siya’y nagbayo ng palay para sa hapunan at agahan.

Sa Ambato, naisipan ni Puwek, ang bathala ng bagyo, na mamasyal sa mga kabundukan, burol at lambak. Sinimulan niya ang kanyang paglalakbay sa pamamagitan ng pagdaraan sa ilang nayon hanggang sa makarating siya sa Lamut isa itong mapanirang paglalakbay dahilsa lahat ng maraanang mga punong-kahoy at pananim ay walang-awang nasisira. ang panghabi rin ni Bugan ay tinangay at nasira at ang palay na kanyang binabayo ay kumalat sa lupa. Ang kaawa-awang si Bugan ay umiiyak na napaupo samantalang nagdaraan ang nagngangalit na hangin. Pagkatapos ng bagyo, si Cabigat ay umuwi.

Subalit ano ang kanyang nakita? Nakita niyang ang lahat ng kanyang mga punong namumunga ay nabuwal at ang panghabi at palay ay nakakalat sa lupa. Namamaga rin ang mga mata ni Bugan dahil sap ag-iyak. Walang kibo si Cabigat. Wala siyang masabi kahit isang salita dahil sa kaloob-looban ng kanyang puso ay pulos pagkagalit. Minsan pang tinanaw ang naging masamang kapalaran. “Bakit? Sino ang gumawa ng lahat ng ito?” punung-puno ng damdaming nawika ni Cabigat.

Dahan-dahang itinaas ni Bugan ang kanyang ang kanyang ulo at sumagot, “Dumating sa hapong ito si Puwek at walang awing ibinuwal ang lahat ng ating namumungang puno, sinira ang aking panghabi at ikinalat ang lusong. sumisigaw ako sa pagmamakaawa ngunit hindi niya ako pinakinggan.”

Tulad sa isang ulol na leon, pumasok sa bahay si Cabigat at kinuha ang kanyang sibat at palakol. Nagbalot siya ng ilang pandikit at nanaog. At saka sinabi sa kanyang asawa, “Bugan dumito ka sa bahay at alagaan ang naiwan nating ari-arian. Susundan ko si Puwek, ang bathala ng bagyo. Nais kong ipaghiganti ang lahat ng paninirang kanyang dinala sa ating masayang tahanan.” At pagkatapos ay di na naghintay ng kasagutan, si Cabigat ay nagsimula sa kanyang mapanganib na paglalakbay.

Madali niyang nasundan ang kanyang kaaway dahil sinundan lamang niya ang mga daang may palatandaan ng paninira. Mahaba ang paglalakbay ngunit matapang niyang nilakbay ang mga kabundukan hanggang sa wakas ay narrating niya ang Ambato. Sa kanyang labis na pagkamangha, natagpuan niyang ang bahay ni Puwek na isang engkantadong lugar. Ito ay malaki at panay bato. Sa ilalim ay may isang tunnel na siyang kinaroroonan ng kuwarto ni Puwek. Walang nabubuhay na bagay sa paligid-ligid ng bato. Pagpapakamatay sa sinuman ang lumapit sa engkantadong lugar, ngunit di natakot si Cabigat. Naroon siya upang maghiganti.

“Ano’ng aking gagawin upang siya ay mapatay?” tanong niya sa kanyang sarili. “A, siyanga pala, sasarhan ko ang kanyang pintuan at hahayaan siyang mamatay sa gutom sa sarili niyang kuwarto.”

Sinimulang isagawa ni Cabigat ang kanyang balak. Kinuha niya ang kanyang palakol at pinutol ang lahat ng malalaking puno ng pino. Isinalansan niyang lahat ang mga pinutol na puno sa pintuan. “Ngayon, Puwek, hipan mong mabuti at tingnan kung gaano ka kalakas,” sigaw ni Cabigat.

Nagmamadaling lumabas ang bathala ng bagyo at hinipang lahat ang mga troso. Lumipad silang lahat nang mataas sa lahat ng direksiyon. Muling pumasok si Puwek sa kanyang kuwarto nang walang sinabi kahit na isang salita.

Hindi nawalan ng pag-asa, si Cabigat na galit na galit ay naupo upang umisip ng ibang balak para makapaghiganti. Naisip niyang sarhan ang pinto ng mabibigat na mga troso. Kinuha niyang muli ang kanyang palakol at nanguha ng mga punong yakal. Dinala niya sa bungad ng pinto at itinayo niya ang kanyang pader sa pangalawang pagkakataon. Sa pamamagitan ng dinala niyang pandikit, pinagdikit niya ang mga siwang sa mga troso. At pagkatapos ay buong lakas siyang sumigaw, “Puwek, hipan mong muli gusto kong subukin ang iyong lakas.”

Kaya muling lumabas si Puwek at hinipang palayo ang bakod. Pinagsikapan niyang mabuti subalit hindi siya makalabas. Naramdaman niyang nahihirapan siyang huminga.

“Sino kang napakatapang para pumarito sa engkantado kong tahanan? Ikaw lamang ang taong nakarating sa pugad ng aking pintuan,” sigaw ng bathala ng bagyo.”

“Ako si Cabigat ng Lamut sinundan kita dahil sinira mo ang aking mga namumungang puno at ang panghabi ng aking asawa, at iyong itinapon ang palay na kanyang binabayo.”

Naramdaman ni Puwek na siya ay lalong hindi makahinga sa loob ng kanyang kuwarto, kaya nagmakaawa siya kay Cabigat na buksan ang pinto at nangakong di siya sasaktan.

“Hindi,” galit na sagot ni Cabigat “Hindi mo kinaawaan ang aking asawa nang siya’y magmakaawa sa iyo. Kaya gusto kong ipaghiganti ang lahat ng mga paninirang iyong ginawa sa aking masayang tahanan.

Sa loob ng tunnel, humina nang humina si Puwek. Pinilit niyang hipan ang bakod ngunit wala siyang magawa. Halos hindi siya makahinga dahil ang pintuan ay sinarhan, kaya muli siyang nagmakaawa.

“Cabigat, maawa ka iligtas mo ang aking buhay. Kung ako’y iyong ililigtas, ituturo ko sa iyo ang seremonyas sa paglilinang ng palay. Magiging higit kang mayaman kaysa noon kung matutuhan mo ang bagay na ito,” sigaw ni Puwek.

Muling sumagot si Cabigat, “Hindi, hindi ko kailangan ang iyong iniaalok. Mayaman ako sa Lamut at alam ko ang seremonyas sa paglilinang ng palay.”

Nang ang bathala ng bagyo ay nasa bingit na ng kamatayan, muli siyang nagmakaawa. Ang wika niya’y, “Ibibigay ko sa iyo ang aking kodla at ituturo ko sa iyo ang kiwil. Isang bagay itong makapangyarihan at magpapayaman sa iyo.”

Dahil sa kiwil, napaniwala si Cabigat. Inalis niya ang mga troso at masayang lumabas si Puwek. Pagkatapos ay ngumanga siya ng hitso.

Inilabas ni Puwek ang mahiwagang bato at ipinakita sa kanyang bagong kaibigan. “Mahalaga sa akin ang batong ito,” wika niya. “Hindi ako nararapat mawalay dito, ngunit iniligtas mo ang aking buhay. Ibibigay ko ito sa iyo gaya ng aking pangako.” Pagkatapos ay itinuro niya kay Cabigat ang seremonya. “Sa iyong pag-uwi, huwag mong kalilimutang alayan ako at ang ibang mga bathala ng mga manok at baka, katutubong alak, upang manatili magpakailanman ang kapangyarihan ng iyong kodla.”

“Oo,” wika ni Cabigat “Gagawin kong lahat ang iyong mga sinabi.”

Kaya tinanggap ni Cabigat ang kodla mula sa nag-aatubiling kamay ni Puwek.


Sa kanyang daraanan, nakakita si Cabigat ng isang pulang ibong umaawit ng isang nagbababalang awit na nangangahulugan ng masamang kapalaran. Nagalit siya at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay itinuro niya ang pulang ibon. Ang tuka ng pulang ibon ay agad nabuksang tulad sa isang pares ng gunting. Ang kaawa-awang ibon ay di makapagsalita. Pagkatapos ay tumawa si Cabigat. “Mabuti, isa na akong makapangyarihang tao ngayon,” wika niya sa kanyang sarili. Ipinagpatuloy ni Cabigat ang kanyang paglalakbay. Sa isang bahagi ng daan, nakita niya ang isang kawan ng mga balang nagliliparan sa kanyang daraanan. Batid niyang isa itong masamang palatandaan para sa isang manlalakbay. Kaya kinuha ni Cabigat ang kanyang sibat at tinungayawan ang kawan ng mga balang. Ang kapangyarihan ng kanyang kodla ay muling nasubok sa pangalawang pagkakataon. Mula noon, si Cabigat ay lubos na naniwala sa kapangyarihan ng kanyang gantimpala.

Pagdating niya sa kanyang tahanan, tinipon niya ang kanyang mga kamag-anak at kapitbahay. Sa pamamagitan ng mga inihandang alak at mga manok, isinagawa nila ang seremonya ng pasasalamat. Hiningi nila ang pagpapala ng mga bathala sa daigdig sa itaas, gitnang daigdid, daigdig sa ibaba at kay Puwek na nagkaloob kay Cabigat ng kodla at nagturo sa kanya ng kiwil. Ipinagtapat ni Cabigat sa kanila kung paano niya nakamit ang gantimpala. Iginalang ng mga tao ang kanilang pinuno nang higit kaysa noon.

Masayang namuhay si Cabigat at ang kanyang asawa. Naging higit silang mayaman at higit na minahal ng mga tao. Tinuruan ni Cabigat ng kiwil ang ilan sa kanyang mga tao. Lagi siyang tinatawag upang magsagawa ng seremonya para sa kanila. Mula noon, ang Lamut ay naging higit na mapayapaa at maunlad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kodla at kiwil.

Sa kasalukuyan, ang mga Ifugao, lalo na ang mga matatanda, ay nagmamay-ari pa ng kodla. Natatandaan nilang mabuti sina Bugan at Cabigat para dito. Ang seremonya ng kodla at kiwil ay binibigkas sa gayong mga okasyon, gaya ng kung ang isang Ifugao ay makikidigma, bago at matapos ang isang mahabang paglalakbay, kung nag-uuwi sa bahay ng ilang bagong karne at sa pagkakasakit gaya ng pinaniniwalaan na dala ng masasamang espiritu. Pinaniniwalaan pa rin na ang taong nagmamay-ari ng kodla ay ligtas sa alinmang panganib saan man siya magtungo.  

ANG ALAMAT NG BALINTAWAK (Alamat)

Ang Balintawak ay isa sa pinakamasaysayang pook sa Pilipinas. At habang ang mundo ay mundo, iyo’y mananatiling buhay na sagisag ng isang madugong himagsikang nabunsod dahil sa malabis na pagkauhaw sa kalayaan at kasarinlan ng lahing kayumanggi sa bahaging ito ng sandaigdigan. Hanggang ngayon ay nariyan at makikita pa sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio at ng kanyang mga kasama ang bakas ng isang kahapong natigmak sa dugo, Balintawak!... Diyan naganap ang makaysayang “Unang Sigaw” ayon sa mga unang tala ng kasaysayan.

Ang Balintawak ay isang pook sa Kalookan na napabantog sa buong daigdig sapagkat diyan naganap ang makasaysayang “Unang Sigaw” ng mga manghihimagsik na pinamumunuan ni Andres Bonifacio bilang hudyat ng pagsisimula ng himagsikan noong 1896. Kung paanong napangalanang Balintawak ang pook na iyon ay siyang mababatid natin sa alamat na ito.

Si Baleng ay isang magandang dalaga na naninirahan sa pook na iyan maraming taon na ang nakalilipas. Siya’y isinilang na isang ahas ang kakambal na kung tawagin ay Tawak. Dahil sa ahas na iyon ay nakagagamot si Baleng ng mga taong natutuklaw ng ahas. Si Baleng ay may kasintahang ang pangalan ay Arsenio. Pagkaraan ng ilang buwan nilang pag-iibigan ay nagkasundo silang pakasal. Napabalita sa buong nayon ang nalalapit na pag-iisang dibdib ng dalawa. Ngunit isang masakit na biro ng kapalaran ang nangyari. Ang kasala’y hindi natuloy, nagtaksil si Arsenio. Nagpakasal sa ibang babae. Gayon na lamang ang paghihinagpis ni Baleng. Magkahalong galit at pagdaramdam ang namugad sa kanyang dibdib.

“Taksil na lalaki!”…. ang nagngingingit na sabi ni Baleng. “Salamat na lamng at nakilala ko agad ang uri ng kanyang pagkatao. Darating ang panahon na magmamakaawa siya sa akin.” Hindi nagkabula ang sinabi ni Baleng sapagkat isang araw ay dinala si Arsenio sa bahay niya ng asawa nito at ilang mga kasama. Namaril daw si Arsenio sa gubat at doon ay natuklaw ng ahas. “Baleng, parang awa mo na, gamutin mo ako,” ang sumasamong sabi ni Arsenio…

“Ikinalulungkot ko,” ang sabi ni Baleng na halatang-halata ang pagdaramdam,… “wala akong magagawa. Humanap na kayo ng iba na makagagamot sa kanya..” baling niya sa mga kasama ni Arsenio.

“Baleng, maawa ka na kay Arsenio,” sabi naman ng asawa nito na noo’y umiiyak. “Gamutin mo siya. Kung tunay mang siya’y nagkasala sa iyo ay patawarin mo na siya. Ang Diyos na ang bahalang gumanti sa iyo.”

“Dinaramdam ko, ngunit hindi ko magagawa ang pinagagawa ninyo sa akin pagkatapos na ako’y inyong apihin…” ang matigas na sagot ni Baleng.

“Subali’t Baleng, nasaan ang damdamin mong makatao?” anang mga taong nangaroon at nakapaligid sa napahamak na si Arsenio.

“Dahil lamang bas a iyong hinanakit ay titiisin mong pagkaitan ng tulong ang isang taong buhay ay tanging sa mga kamay mo lamang nakasalalay?”


Nagmatigas pa rin si Baleng. Subalit nang Makita niyang nangingitim na ang agaw-buhay na si Arsenio, ang kanyang pusong umiibig pa rin sa lalaki ay kusang naantig. Kaya’t hiniwa niya ang bahaging natuklaw ng ahas at sinipsip niya ang dugo upang maalis ang lason. Pagkatapos ay tinapalan niya iyon ng dahong gamut para sa natuka ng ahas. Gumaling si Arsenio, ngunit ang kahabag-habag na dalaga naman ang napahamak. Ang kawawang si Baleng ang namatay sapagkat siya ay nalason ng kamandag nang sipsipin niya ang dugo ni Arsenio. Nagdalamhati ang buong nayon nang mamatay si Baleng. Bilang alaala sa kanya ng mga kanayon ay pinangalanan nilang Balen-Tawak ang nasabing nayon na nang malauna’y nauwi sa pangalang Balintawak.

Monday, April 18, 2016

RUBRIC SA PAGTATALO/DEBATE

Pamantayan
1
2
3
Sarili
Pangkat

Paksa/Kaisipan
Walang mainam na kaisipang ipinahayag tungkol sa paksa.
May naipahayag na 2 hanggang 3 kaisipan ang nabanggit tungkol sa paksa.
Lubhang malinaw at maayos ang kaisipang naipahayag. May 4 o higit pang kaisipan ang nabanggit tungkol sa paksa.


Pangangatwiran
Walang sapat na katibayan ng pangangatwiran
Walang gaanong iniharap na pangangatwiran
May sapat na katibayang iniharap sa pangangatwiran.


Pagpapahayag/
Pagsasalita
Mahina at hindi maunawaan ang sinasabi.
Mahina ang pagkakapahayag ngunit may pang-akit sa nakikinig ang boses o pagsasalita.
Maayos na maayos ang pagkakapahayag na may pang-akit sa nakikinig ang boses o pagsasalita.


Pagtuligsa
Walang naipahayag tungkol sa sinabi ng kabilang panig.
May isa o dalawang malinaw na pahayag tungkol sa ipinahayag ng kabilang panig.
May 3 o sapat at malinaw na pahayag tungkol sa ipinahayag ng kabilang panig.


Tiwala sa Sarili
Hindi maayos ang pagsasalita dahil sa kaba kaya’t nabubulol.
May mahinang pagpapahayag dahil naipabatid nang kaunti ang layunin ng panig.
Lubusang naipahayag nang malinaw at naipabatid ang katanggap-tanggap na layunin ng panig.





Kabuuang Puntos


Mabangis na Lungsod (Maikling Kwento)

Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bias. Ngunit ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa mga layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi at ang Quiapo. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.

Kung ilang hanay ang mga pulubing naroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punong-kahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naaawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng piso  sa maruruming palad.

Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan.

Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang mga bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at gumagapang sa kanyang katawan.

“Mama… Ale, palimos na po.”

Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.

“Piso po lamang, Ale… hindi pa po ako nanananghali.”

Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay iyan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririrnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.

At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa lahat. Walang bawas.

“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.

Ang mga kamay ni Adong ay nanginginig pa habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ring kumakalansing sa kanyang bulsa, ngunit kalian man ay hindi nakarating sa kanyang bituka.

“Maawa na po kayo, Mama… Ale… gutom na gutom na ako!”

Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.

Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandal, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natutuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.

“Malapit nang dumating si Bruno,” ani ni Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaring makarinig.

Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpapatindig sa kanyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang mga tao, malamig, walang awa, walang pakiramdam – nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na  niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroon pa’t waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.

Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang palad, hindi nilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay nandidiring maipadikit sa marusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang bulsa. Lumikha iyon ng mga bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa kanyang lukbutan. Ilan pang bagol ang nalaglag sa kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.

“Adong… ayun na si Bruno,” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.

Tinatanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisg. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kanyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.

“Diyan na kayo, Aling Ebeng… sabihin ninyo kay Bruno na wala na ako!” mabilis niyang sabi sa matanda.

“Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Makikita ka ni Bruno!” Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makakubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa  loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.

Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula’t mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. Muling dinama niya ang mga bagol sa kanyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.

“Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at sa kabangisan.


“Bitiwan mo ako, Bruno! Bitiwan mo ako!” Naisigaw na lamang ni Adong. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandal, hindi na niya naramdaman ang kabangisang sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

Ang Alamat ni Datu Omar (Alamat)

Si Omar ay isang napakadukhang tao. Naninilbihan sia bilang alila ng isang mayamang  tao. Masipag siya at matapat subalit siya’y nananatiling maralita. Nawalan na siya ng pag-asang guminhawa pa sa buhay, kaya’t humarap siya sa mga taong nagkakatipon sa bahay ng pinakapuno ng kanilang nayon at nagwika…

“Gusto ko ng mamatay kaysa mabuhay ng ganitong laging hikahos. Hayaang magbunot ng isang krus sa inyo at wakasan na ang aking buhay.”

Narinig siya ng pinuno at ng mga tauhan nito. Nagwika ang pinuno…

“Ipinagbabawal ng batas ng ating lipi sa sinuman ang pumatay sa kanyang kapwa. Kung gusto mong mamatay, doon ka pumunta sa ilog. Maraming buwayang gutom na gutom doon.”

Tinungo niya ang ilog at nakita niya ang mga buwayang nagbibilad sa araw at naghihintay ng masisila o makakain. Tumalon siya sa tubig na may napakaraming buwaya at hinintay niyang siya’y sakmalin at lamunin ng mga ito. Subalit nagulat siya nang hindi siya ginalaw man lamang ng mga ito. Nang siya’y inip na inip na, lumangoy siya patungo sa pinakamalaki sa mga buwaya. Subalit umiwas sa kanya ang mga ito at nagsipagtago sa kanilang kuweba. Naiwan siyang nag-iisa sa tubig. Bumalik siya sa nayon at ibinalita ang kanyang nagging karanasan sa mga buwaya.

“Ituro ninyo sa akin kung paano ko maaaring patayin ang aking sarili!” Pagmamakaawa niya. Ang sabi ng isa sa mga naroon…

“May isang papalapit na napakalakas na bagyo. Magpunta ka sa gubat at magpadagan ka sa mga mabubuwal na malalaking puno.”

Dali-daling nagpunta si Omar sa gubat at tumayo sa ilalim ng isang patay na puno na tiyak niyang babagsak sa kanya sa unang ihip pa lamang ng hangin. Dumating ang bagyo at nangabuwal ang mga puno sa kanyang paligid. Nakita niya ang isang puno na malapit nang matumba. Tumakbo siya at tumayo sa ilalim nito. Subalit pagdating na pagdating niya doon ay saka naman bumagsak at lumikha pa ng pagkalakas-lakas na ingay ang malaking punong iniwan niya.

Zingn! Swiisss! Irrkk! Braagg!

Ang puno na tinapatan niya ay babagsak na ng asana sa kanya ngunit sumabit ito sa ibang katabing puno, kaya’t hindi ito tuluyang nabuwal at nanatiling nakahilig na lamang. Hindi nagtagal at tumigil na ang bagyo. Sa galit ni Omar ay pinag-untugan niya ang kanyang ulo sa mga buwal na puno at pinipilit na patayin ang sarili.

“Bog! Bog! Ah! Aaahhg!”

Sa wakas dahil sa sobrang pagod, napahandusay siya sa lupa at nawalan ng malay.

“Ah! Aaahg!!”

Di kaginsa-ginsa’y may nagpakita sa kanyang isang tao na nakasuot ng dilaw na roba at nagsabi: “Bakit nakahandusay ka dito, Omar? Basang-basa ka at ginaw na ginaw?”

“Nagtungo ako rito upang magpakamatay… mas matamis pa ang magpakamatay kaysa mabuhay…”

“Hindi mo pa oras mamatay. Bata ka pa at malakas. Bumangon ka, pulutin mo ang iyong mga kasangkapan at magbungkal ka ng lupa. Kapag oras mo na, kusang darating si Kamatayan upang ikaw ay kunin. Samantala, tumindig ka at patuloy na mamuhay!”

Umali sang di niya kilalang tao at si Omar ay nagising. Nagulat siya nang Makita niya sa kanyang tabi ang isang araro at iba pang gamit sa pagsasaka na dati’y mga wala roon. Pinagdadampot niya ang mga iyon, bumalik siya sa nayon at nagsaka. Dahil sa kanyang kasipagan, hindi nagtagal at siya ay yumaman. Naging datu siya sa nayon, nagkaroon ng malalawak na lupain, at isang Malaki at masayang pamilya. Anupa’t si Datu Omar ang higit na naging makapangyarihan sa nayon at higit na iginagalang sa mga karamihan roon.

Makaraan ang ilang taon, habang natutulog si Omar ay may nagpakita sa kanyang isang matandang lalaki, kinawayan siya at nagsabi: “Omar, dumating na ang oras mo.” “Oras ko? Hindi ko maunawaan ang sinasabi mo!”

“Dumating na ang oras mo. Bumangon ka at sumama sa akin!”

“Lubayan mo ako! Hindi kita kilala! Hindi kita kilala!”

Bumalikwas si Omar sa kanyang pagkakahiga, itinuro ang pintuan at ang sinabi nang pasigaw:

“Lumayas ka!”

Muling nagsalita ang di kilalang tao… mahinahon:

“Omar, bumangon ka at sumama sa akin. Dumating na ang oras ng kamatayan mo.”

“Iwan mo ako sabi, napakahalaga ng buhay! Ayaw kong mamatay!”

Tinitigan siya ng di-kilalang tao na sa katotohanan ay si Malakalmaut o si Kamatayan. Makapangyarihan ang titig nito, kaya’t si Datu Omar ay napaluhod at nagmakaawa…

“Bigyan mo ako ng panahong mapaghandaan ang aking kamatayan, para mo ng awa. Palugitan mo ako ng isang buwan..”

“Babalikan kita sa katapusan ng buwang ito,” metatag na sinabi ni Malakalmaut bago umalis.

Kinabukasan, tinipong lahat ni Datu Omar ang kanyang mga tauhan at inatasan ang mga itong magtayo ng isang malaking tore. Buong bilis na nagsipagtrabaho ang mga tao. Bago magkatapusan, nakapagpatayo na sila ng isang tore na mas mataas pa sa puno ng niyog. Kaya’t buong pagyayabang na nagwika si Omar: “tingnan natin… kung makakaakyat si Malakalmaut sa ganitong kataas!”

Subalit nang katapusan ng buwan, habang natutulog si Omar sa kanyang silid sa itaas ng tore, isang tinig ang gumising sa kanya sa kalaliman ng gabi. Idinilat niya ang kanyang mga mata at nakita si Malakalmaut na nakatayo sa kanyang ulunan.

“Katapusan na ng buwan!”

“Ha?”

Subalit tumanggi si Datu Omar na sumama kay Malakalmaut. Ginawa niya ang lahat ng paraan, nagsumamo at nagmakaawa upang mapaalis ang kamatayan. Subalit ayaw making sa kanya ang kamatayan. Muling nagmakaawa si Datu Omar…

“Bigyan mo pa ako ng isang lingo… para mo ng awa. Hindi ko pa kayang iwan ang maginhawang lugar na ito.”

Pinagbigyan siya ni Kamatayan sa pangalawang pagkakataon.

Nang makaalis si Kamatayan ay agad pinarehasan ni Datu Omar ang mga bintana ng kanyang tore. Kaya’t bago ang isang lingo, lahat ng bintana ay narehasan na nang doble-doble, ang mga pinto ay nakakandado nang husto, at ang pintuang papasok sa tore ay natatalibaan ng mga guwardiya.

“Siguradong hindi na ako mapapasok ni Kamatayan,” sabi ni Datu Omar sa sarili.

Subalit nang matapos ang isang lingo, kinahatinggabihan ay naroon na si Kamatayan sa kanyang silid at ang sabi: “Dumating na ang oras mo, Omar… Sumama ka sa akin!”

Sa malaking takot, bumalikwas sa kanyang higaan, mabilis na lumabas sa kanyang silid at nilisan ang tore.

“Si Kamatayan ay isang pangit na matandang lalaki! Kha-a-a! Kha-a-a!” sabi niya sa sarili habang siya’y tumatakbong patungo sa gubat.

“Hindi na niya ako masusundan sa gubat, may alam akong kuweba roon tiyak na hindi niya ako makikita roon.”

Tumakbo siya nang tumakbo hanggang makaabot siya sa gubat. Nagtago siya sa malalaking bato at sa mga kakahuyan upang mailigtas ang sarili sa kamatayan.

Nang sapitin niya ang kuweba ay dali-dali siyang pumasok. Ngunit nabigla siya nang Makita niyang naroon na si Malakalmaut at naghihintay sa kanya. Muling tumakbo si Omar. Tumakbo siya nang tumakbo upang makaiwas sa kamatayan.

Malayo na ang kanyang naabot. Akala niya ay ligtas na siya kay Kamatayan. Ngunit tuwing siya’y titigil sa pagtakbo, makikita na lamang niya at sukat si Kamatayan sa kanyang harapan at mabalasik na nakatitig sa kanya.

Dahil sa matinding takot, tumakbo siya nang tumakbo kung saan-saan, hanggang sa makasalubong siya ng isang nakaluksang babaing ang suot ay damit na putting-puti.

“Bakit ka nagluluksa? Sino baa ng namatay, kaibigan?” humihingal na tanong ni Datu Omar…

“Si Datu Omar po…”

Pagkarinig ni Datu Omar sa tinuran ng babae ay lalo siyang nahintakutan. Kaya’t tumakbo na naman siya nang tumakbo hanggang makasalubong naman siya ng isang babaing may sunong na banga ng tubig. Nagmamakaawa siyang humingi sa babae ng inumin.

“Ikinalulungkot ko po. Hindi ko kayo mabibigyan ng tubig. Kailangan ko po kasi ito para ipaligo sa patay!”

“Ak-k-k-koy p-p-pagod na p-p-pagod na … Sabihin mo nga sa akin. Sino ba ang paliliguan mong patay?” tanong ni Datu Omar. Namumukhaan ni Datu Omar ang babae. Kung hindi siya nagkakamali ay nakatira ito sa nayon na kanyang sakop.

“Hindi po ba ninyo alam? Patay na po si Datu Omar! Napakabait pa naman niyang tao…”

Lalong natakot si Datu Omar sa kanyang narinig.

“Hindi! Hindi! Hindi! Hindi totoo ang sinasabi mo!” At muli siyang tumakbo nang tumakbo sa hangad na makatakas sa kanyang kamatayan.

Sa kanyang patuloy na pagtakbo’y may nadaanan siyang mga lalaking naghuhukay sa lupa. Nagmamadali ang mga tao sa paghuhukay.

“Bakit kayo nagmamadali sa paghuhukay?”

“Siya nga naman! Bakit kailangang ihukay nati siya ng libingan? Bakit kailangang ilibing natin agad an gating pinuno… na isang napakabait na tao?” At nagsimulang magsitangis ang mga lalaki.

“Sino ba ang tinutukoy ninyo?” nahihintakutang tanong ni Datu Omar.

“An gamin pong datu, si Datu Omar…” sagot ng isa sa mga lalaki.

Muli na naming tumakbo nang tumakbo si Datu Omar. Sa wakas, may naratnan siyang mga karpinterong gumagawa ng kabaong. Nagsisitangis din ang mga ito.

“Kawawang datu… Napakabait pa naman niyang tao.”

“Ngunit lahat ng tao, maging napakabuti o napakasamang tao, ay may kanya-kanyang oras ng kamatayan.”


Sa mga sandaling iyon, natanto ni Datu Omar na sadyang hindi na siya makaiiwas sa kamatayan. Tinakasan na siya ng lakas. Napaupo na lamang siya at pagkatapos ay tuluyan nang napahandusay. Sapagkat oras na niya, kahit anong gawin niya ay hindi na niya matakasan ang kamatayan… si Malakalmaut.  

Isang Magandang Umaga sa Sining at Kultura (Talumpati)

Sisimulan ko ang aking pahayag tungkol sa sining mula sa isang akda na ganito ang isinasaad:

Bayan ko, kahit munti
Dayuha’t namalagi
Kastila’t Hapon pati Puti
Sa kultura’y nakihati.
Pati Intsik at iba pa
Sa sining ko’y nanghawa
Kayumangging Pinoy, ano na?
May batik na ng kulay niya.
Bayan ko kahit munti
Sining at kultura’y sari-sari
Anumang gawi’y isang pag-aari
Para sa lahat, di dapat isauli.

Oo, maraming ddugong nananalaytay sa ating ugat. Hindi maitatatwang ako, ikaw, tayong lahat ay produkto ng iba’t ibang lahi. Lahing nag-ambag ng sining at kultursng may iba’t ibang pananampalataya, paniniwala, pananamit at maging sa gawi at kaugalian.

Sino ang makapagsasabi kung ilang taon tayong sinakop ng mga dayuhan? Napakaraming taon na, di ba? Nailarawan sa sining ng awit, tula, dula at sayaw ang ganda at kariktan ng kultura. Kulturang naging lalong mayaman at makulay hindi lamang sa pakikipag-ugnayan natin sa ibang lupain kundi pati na rin sa mga tradisyon, kaugalian at paniniwalang kinamulatan nating lahat na siyang nagpatanyag at nagpaangat sa lahing kayumanggi.

Ngunit ilan na ng aba ang nagnais tumalikod sa kanyang kinagisnan. Marami na. Dahil bas a ito’y baduy, cheap o may kakornihan daw? Ilan na rin kaya sa atin ang kumutya dahil ito’y wala na sa kalakaran, wala na sa panahon?

Marahil ay di natin maitatangging ilang beses nan gang nasaksihan natin ang pagkupas ng kariktan at pagpapahalaga sa sining at kultura.

Isang madilim na umaga ba ang mababanaag sa yamang lahi ng pagka-Pilipino? Sino? Sino sa inyo ang naghahangad na maganap ito?

Ikaw ba’y masisiyahan kung sa tagdan ang watawat na iwinawagayway ay mag-iba ng kulay?

Matutuwa ka ba kung sa himpapawid ay sa halip na lamyos at tamis ng awiting “Lupang Hinirang” ang pumailanlang ay nakatutulig na ingay?

Masisiyahan k aba kung sa pananamit mo’y maging hubad na ang katauhan at dangal?

Magagalak k aba kung ang tinuhog na bulaklak ng lahi’y maging tuyot na’t wala ng kabanguhan?

Papayag ka bang ikaw, mismong Juan dela Cruz, na maginoo’t matapang ay maging isang manhid at walang pakialam? At ikaw, babaeng Pilipinang tanyag sa kayumiang di masaling ang kamay ay bigla na lamang magbago’t ang “cheap mo naman?”

Ah, ang panahon nga ba’y hadlang sa pagbabago ng lahat ng ito? Hindi, hindi tayo dapat pumayag. Panahon lamang ang lumilipas ngunit tayo mismong nabubuhay sa panahong ito ay di dapat magbago. Sa palad natin nakasalalay ang sining at kultura para sa lahat.

Kung di natin sisimulan ngayon, kalian pa? Kung di tayo kikilos, sino ang mag-uumpisa?

Sa kulturang inangkin ng lahi, niyapos at pinahalagahan ng mga ninuno’y muli itong mapayayabong para sa pagkakabuo at pagkakaroon ng isang bansang Malaya at maunlad. Kapit-bisig nating tunguhin ang bukas upang itong lahi’y muling umangat at ang santuldok na ito sa mapa’y maging isang malaking bilog na kapalolooban ng bango at dangal na papaimbulog sa kabansaan.

Bakit di natin hayaang simulant ngayon ang isang malikhaing pagsasagawa, pagpapanatili sa kaisipa’t kalooban na sa sining na naroon ang aliw-iw, ang yaman at ang buhay at sa kultura’y may kariktan, may karangalan at bukas na naghihintay.

Ngayo’y nakikini-kinita ko na ang isang “maayong bontag” para sa Cebuano; “maupay nga aga”, para sa Waray; “naimbag nga aldaw” para sa Ilokano; “mayap a abak” para sa Kapampangan.


Batid kong magkakaiba man tayo ng pananalita sa sining at kultura, tayo’y iisa-ito’y para sa lahat. Kaya’t nababanaag ko na ang isang MAGANDANG UMAGA.