Epiko - ang epiko ay isang uri ng tulang pasalaysay na maaring lapatan ng himig o tono. Nagpasalin-salin lamang ito sa mga bibig ng tao kung kaya walang tiyak na may akda nito. Nagsasalaysay ito ng mga kabayanihang halos hindi mapaniwalaan pagkat nauukol sa mga kababalaghan. Ito din ay nagbubunyi sa isang alamat o kasaysayan na naging matagumpay laban sa mga panganib a kagipitan.
Ang epiko ay nagpapahalaga sa mga paniniwala, kaugalian, at layunin sa buhay ng mga tao. Pinapaksa dito ang mga kabayanihan at kabutihan ng isang tao, at maging ang kalagayan ng mga tribo o katutubo.
Ang Bidasari ay maromansang epiko ng mga Malay na tungkol sa matadang paniniwalang ang buhay ay napatatagal kung ang kaluluwa ng isang tao ay ipaloloob o paiingatan sa isang hayop, isda, punong-kahoy o bato. Ang Bidasari ay laganap sa pook ng mga Muslim subalit ito ay hindi kathang Muslim kundi hiram lamang dahil ang original na katha nito ay nasusulat sa Malay. Itinuturing itong kawili-wiling tula sa buong panitikang Malay.
Buod ng Bidasari:
Awit I. Bago pa lamang nalaman ng Sultan ng Kembayat na ang Sultana ay nagdadalang-tao at siya'y maligaya. Ngunit ang salot na Ibong Garuda ay lumusob sa kanyang kaharian at namuksa ng mga tao. Ang buong kaharian ay napilitang umalis at nagtago sa namumuksang ibon. Napahiwalay sa mga kasama ang Sultana at ang Sultan at sa kanilang paglalakad ay inabot ng panganganak ang Sultana sa tabi ng ilog. Sa malaking takot sa Ibong Garuda, iniwan nila ang sanggol sa isang bangkang nakita sa tabing-ilog at nagpatuloy ang dalawa sa pagtatago. Bagama't halos madurog ang puso ng Sultana, napilitan nilang iwan ang sanggol.
Awit II. Nang ang pinakamayaman na mangangalakal sa buong bayan ng Indrapura na si Diyuhara ay nagpapasyal sa tabing ilog na kasama niya ang kanyang asawa, nakarinig siya ng iyak ng sanggol. Pagkakita nila sa sanggol na babaing pagkaganda-ganda, dinala nila agad ito sa bahay at binigyan ng apat na tagapag-alaga at higaang may kalupkop ng tunay na ginto. Bidasari ang kanilang ibinigay na pangalan. Habang lumalaki, si Bidasari ay lalong gumaganda.
Basahin ang isang awit na hango sa Bidasari:
Pakinggan ang isang awit ko para sa isang hari.
Na nagkaanak ng isang babae, tulad ng isang bulaklak,
Higit ang ganda sa isang istatwang ginto.
Kamukha siya ni Mindondari at pinangalanang Bidasari.
Habang ang magandang Bidasari ay lumalaki,
ang maganda niyang mukha'y lalong gumaganda.
Ang kanyang malasutlang kutis ay maputi at
madilaw at siya ang pinakamaganda.
Ang kanyang hikaw at pulseras ay nagbigay
sa kanya ng pambihirang yamang nakatago sa isang salamin.
Walang katulad ang kanyang ganda, at ang
kanyang mukha'y tulad ng isang nimpang makalangit.
Ang kanyang damit ay lubhang marami, kasindami
ng prinsesa ng Java. Walang pangalawang Bidasari
sa ibabaw ng lupa.
Prinsesa siyang higit na maputi kaysa araw,
Tulad ng anghel kaysa sa isang makasalanan,
Walang babaing nasa lupa ang makatutulad niya.
Ang buhok niya'y kulot, tulad ng bukang bulaklak,
Ang kilay niya'y tulad ng buwang isang araw ang gulang,
Siya ay anaki isang singsing na gawa sa Peylon.
Wika ng mga lalaki: ang mga mata ni Bidasari ay malamlam.
Matamis ang ngiti, ang kutis ay tila luntiang Tjempaka
at ang magandang anyo'y tulad ng isang ginawang mahal na estatwa.
Ang mga pisngi niya'y tulad ng mga tuka ng isang ibon.
Nais naming malasin ang kanyang leeg. Ang ilong niya'y
tulad ng bukong Jasmine. Ang maganda niyang mukha
ay tulad ng pula ng itlog. Ang diwa niya'y kasimputi ng kristal.
Ang buhok niya'y nakalugay.
Ang kanyang labi'y tulad ng isang kininis na kahon.
Ang suot niyang bulaklak ay nagpapaaliwalas sa kanyang anyo.
Ah, ang puso niya'y tulad ng kanyang mukha...
Ang Sultan Mogindra ng Indrapura ay dalawang taon ng kasal kay Lila Sari ngunit natatakot ang babae na baka ang sinabi sa kanya ng Sultan na siya ay mahal na mahal at hindi nya nais na mapahiwalay ay hindi mangyayari. Natatakot si Lila Sari na ang kanyang asawa ay makakita ng isang higit na maganda kaysa sa kanya at siya ay iwanan. ''Kung may makita kang lalong maganda kaysa sa akin, malimutan mo kaya ako?'' At pabirong isinagot ng Sultan, ''kung may lalong maganda kaysa sa iyo, ngunit ikaw ang pinakamaganda sa lahat!'' Kaya, kinabukasan, ang Sultana ay nagdala sa lahat ng dako ng mga batyaw upang alamin kung may makikitang higit na maganda kaysa sa kanya. At nakita ng mga batyaw si Bidasari.
Sa pagkukunwaring gagawing dama ng Sultana, si Bidasari ay nadala sa palasyo at ipinakulong ni Lila Sari. Pinapasok ni Lila Sari si Bidasari sa kulungan nito sa tuwing aalis ang Sultan at doon ay pinapalo, sinasampal at minumura hanggang sa hindi na nakatiis si Bidasari. Sinabi ni Bidasari, ''kung ibig ninyo akong mamatay, kunin ninyo ang isdang ginto sa hardin ng aking ama. Kapag araw, ito'y kwintasin ninyo at kapag gabi ay ibalik ninyo sa tubig, sa gayo'y hindi maglalaon at ako ay mamamatay.'' Ipinakuha ni Lila Sari ang isda at pinahintulutang makabalik si Bidasari sa kanyang mga magulang.
Nangyari ang mga sinabi ni Bidasari. Sa araw, kapag ikinukwintas ng Sultana ang isda, si Bidasari ay nakaburol sa kanilang bahay at sa gabi lamang nabubuhay siyang muli. Sa takot ni Diyuhara na baka tuluyang patayin ng Sultana si Bidasari, nagpatayo siya ng isang magandang palasyo sa isang gubat na malayo sa Indrapura at doon itinirang mag-isa si Bidasari. Laging sarado ang palasyo.
Awit III. Palagay ang kalooban ng Sultana sa paniniwalang si Bidasari ay namatay. Nguni't isang araw, nang walang maraming ginagawa ang Sultan, naisipan nitong mangaso sa gubat. Sa paghahanap niya ng usa, nakasapit ito sa palasyo ni Bidasari. Saradong-sarado ang palasyo. Kaya lalong pinagnasaan niyang mapasok ito. Natagpuan niyang walang katau-tao. Pinasok nya ang lahat ng silid at sa wakas ay nakita niya ang kwartong kinabuburulan ni Bidasari. Nagtaka siya. Ngunit hindi niya ginising si Bidasari. Kinabukasan ay nagbalik siya't naghintay hanggang sumapit ang gabi. Nabuhay na muli si Bidasari na lubhang hinangaan ng Sultan ang kagandahan nito. Sinabi ni Bidasari ang katotohanan. Galit na galit ang Sultan. Pinakasalan agad nito si Bidasari at siyang pinaupo sa trono na katabi niya samantalang si Lila Sari ay natirang nag-iisa sa kanyang palasyo.
Awit IV. Pagkalipas ng maraming taon, ang mga tao sa Kembayat ay nagbalikan na. Ang mga magulang ni Bidasari ay nagkaroon pa ng isang anak na pinangalanang Sinapati. Sa Kembayat ay dumating ang isang anak na lalaki ni Diyuhara, na inaakala ni Bidasari na tunay na kapatid. Nang makita niya si Sinapati ay nagulat siya sapagkat kamukhang-kamukha ito ni Bidasari. Kinaibigan niya si Sinapati at ibinalita na siya'y may kapatid na kamukhang-kamukha ni Sinapati. Dahil dito'y itinanong ni Sinapati sa mga magulang kung siya'y may nawawalang kapatid. Pinasama ng ama si Sinapati sa Indrapura sa pagbabakasakaling si Bidasari ang nawawalang anak. Gayon na lamang ang pagtataka ng lahat dahil sa pagiging magkamukha ng dalawa. Nang sabihin ni Sinapati na siya'y naghahanap ng kapatid na naiwan sa bangka ay nabatid na niyang si Bidasari ay tunay niyang kapatid dahil sa pagtatapat ni Diyuhara.
Si Sinapati'y iniharap kay Sultan Mogindra at naging maligaya ang lahat nang magkakilala ang magkapatid sapagkat si Bidasari pala'y isang tunay na prinsesa.
No comments:
Post a Comment