Noong unang panahon, ang mga tao’y maaaring makipamuhay sa mga bathala. Maaaring makipag-usap ang mga tao sa bathala, maaari silang magkatabi sa lilim ng isang punong-kahoy. Maaaring patulong sa bathala ang isang taong nasa kagipitan. At sa panahong yaon nangyari ang dakilang pag-iibigan nina
Maria Makiling at
Gat Dula.
Si Maria ay tila taga-lupa bagama’t siya’y nakikiulayaw sa madlang kinapal. Siya ay isang engkantada, isang bathala. Kaisa-isa siyang anak nina Gat Panahon at Dayang Makiling na para-parang bathala. Siya’y bugtong na aliw ng kanyang ama’t ina. Siya ang liwanag ng kanilang paningin at galak ng kanilang puso.
Naging ugali ni Maria, sa araw-araw
halos, ang lumuwas sa bayan at mamili sa talipapa. Siya’y nakasuot ng sutla. Ang kanyang maitim at malagong buhok na kung
ilugay ay abot hanggang sakong ay
may pahiyas na sariwang bulaklak-suha. Sa tapat ng kanyang dibdib ay nakayakap ang mabangong kuwintas ng ilang-ilang. Magiliw siyang mangusap at lipos ng galang. Mahinhin siyang kumilos na waring nahihiya. Ang hawan niyang mukha’y salamin ng kagandahan at ang kanyang mga mata’y sakdal ng amo. Maging ang kapwa niya babae’y naakit bumati sa kanya at ang mga maginoo ay nagyuyuko ng ulo sa kanya.
Si Maria ay laging may kasamang dalawang Ita sa kanyang pamimili. Ang dalawang utusan ay
di lumalayo sa likod ni
Maria. Sa kanilang dalang buslo ay mapapansin ang mga luyang kulay ginto na pinamamalit ni
Maria sa mga bagay na maibigan niya sa talipapa.
Sari-saring bagay ang matatagpuan doon. May
mga pinatuyong balat ng hayop na may magagandang balahibo, banig na yari sa buli’t sa pandang may salit na kulay, mga sutlang habi at
kung anu-ano pang
kagamitan sa loob ng bahay.
May tanging araw ng pagpapalitan. Sa araw na yaon, lumuluwas sa bayan ang maraming tao upang makipamalit. Karaniwan nang dayuhin ang
tanging araw ng pamamalitan. Bukod sa mga tagabayan, dumarayo rin ang mga tagakaratig-bayan.
Nawiwili ang lahat sa pagpapalitan ng kanilang dala-dalahan. Naroon din si
Maria at namimili. Palibhasa’y tunay na ginto ang mga luyang ipinamamalit niya,
kaya marami ang nagbibili sa kanya ng iba’t ibang lako.
Nang tanging araw na yaon, kabilang sa mga dayong liping mahal na namamalit ay si Gat Dula, ng bayan ng Bai. Bukod sa ilang kawal na lingkod, ang makisig na binata’y may kasama pang
mga
dugong-mahal. Nagkasabay sa pagdampot sina
Maria at Gat Dula sa balat ng hayop na may magandang balahibo. Di sinasadyang nagkabunggo ang kanilang mga balikat at nagtama ang kanilang mga mata. Wala sa loob na nahawakan ni Gat
Dula ang malasutlang daliri ng dalaga. Sandali silang nagkatinginan. Dahil sa taglay na kayumian ni Maria’y nagyuko ng ulo si Gat Dula tanda ng paggalang at paghingi ng paumanhin. Bago sila nagkalayo, isang mahiyaing ngiti ang naitugon ng dalaga sa mapagkumbabang binata.
Buhat noo’y naging malimit ang pagdalaw ni Gat Dula sa Makiling. Subalit makalipas ang ilang panahon bago muling napalarang mamasdan ng binata ang diwata. Banayad siyang lumapit kay
Maria at nagbigay galang. Walang kasing tamis na ngiti ang isinagot naman ng dalaga sa kanya.
Mula noon, naging matalik silang magkakilala na humantong sa matamis na pag-iibigan. Ngunit ang gayong pagsusuyuan sa nilakad-lakad ng araw ay
di nailihim sa kaalaman ng ama’t ina ng
Maria.
Gayon na lamang ang galit ni Gat Panahon.
Halos mayanig ang buonglawa ng Bai. Ganoong damdamin ang nilasap ni Dayang Makiling nang matantong may kasuyong tagalupa si
Maria. Subalit dahil sa malabis na pagmamahal sa anak, sa halip na tanungin, pinagbawalan na lamang ang anak. Sapu;
noon, hindi na nakapanaog sa lupa si
Maria. Pinutol ni Gat Panahon ang pagtungo-tungo ni
Maria sa talipapa. Binawi sa kanya ang engkanto ng pagiging tunay na kinapal. Yaon ang pinagmulan ng paghihiwalay ng mga bathala at madlang tao.
Subalit walang kasing dakila ang pag-ibig ni
Maria. Kung di man siya makapanaog sa lupa, sa alaala ni Gat Dula’y di nagkukulang ang kanyang pagdalaw. Naroong pamalas siya sa sandaling nag-iisa ang mabunying Gat,
ngunit pag nilapitan niya nito upang yakapin, bigla siyang maglalaho. Naroong umawit siya nang lubhang matimyas kung
nangungulila si Gat Dula ngunit pag hinanap nito kung
saan nanggagaling ang tinig, ay hindi naman malaman. Anupa’t ang lahat sa binata ay parang panaginip. Wala ring
kasingwagas ang pagmamahal ni Gat Dula kay
Maria. Ang lahat ng pook at nayong niyapakan ni
Maria, maging ang tabing batis na madalas nilang pagtagpuan ay
di niya nakaliligtaang dalawin.
Nang panahong yaon, malimit ang pakikidigma ng mga bayan sa kapwa bayan. Di kataka-takang lusubin ni Lakan Bunto ang kaharian ng Bai na sakop ni Gat Dula. Bagamat kung
ilang kaharian na ang nakipaghimok sa matapang na Gat,
di man lamang siya napipilayan o kaya’y nasugatan. Ang dahila’y tinatangkilik siya ng engkanto ni
Maria. Ang pag-ibig ng paraluman ay naging baluti at kalasag ng mabunying Gat Dula. Marami na siyang napasukong kaharian; marami na siyang napagtagumpayang tabak, ngunit ang di niya napasuko at napagwagian ay ang kamandag ng pangungulila sa pag-ibig. Yaon ang dahilan ng kanyang pagiging malungkutin. Yaon ang dahilan ng kanyang pagkakasakit, hanggang sa siya’y maputulan ng hininga.
Hiniling ni
Maria sa Bathalang Maykapal na ang kaluluwa ng kanyang irog ay
ibigay sa kanya. Noo’y yumao na rin ang kanyang mga magulang,
kaya, sina
Maria at Gat Dula ang nag-iwi sa naiwang kayamanan at lupain. Subalit hindi nalilimot ni
Maria ang pagkamasintahin ng kanyang inang si Dayang Makiling sa mga nasasakupan.Ang pagkamahabagin nng ina’y minana ni
Maria sa kanyang puso. Sa bakuran ng Kanyang sakop ay ibinubudbod niya ang mga luyang ginto. Ang sino mang ikakasal na walang magagamit na magarang kasuotan ay hinahandugan niya. Ang isang mag-anak na naghahanda ngunit walang magamit na kasangkapan ay kanyang pinahihiram. Ang lahat ng daing at kahilinagn ng kanyang mga sakop ay tinutugon niya ng mapagpalang kandili.
Ngunit ang gayong malimit na pagpapahiram at kagandahang-loob ay madalas magbuga ng di-mabuti. Ang karamihan sa mga tinangkilik ni
Maria ay di marunong tumanaw ng utang na loob.
Nang lumaon, nakaisip ang ibang mag-imbot sa di nila pag-aari. Ang mga kasangkapang ipinahiram sa kanila ni
Maria, palibhasa’y pawang ginto, ay
di na ibinalik.
Hindi lamang inangkin na yaon ng iba kundi ipinagpapalit pa sa mataas na halaga sa mga taga-ibang bayan. Sa gayon, nayamot si
Maria. Nagtampo siya sa mga tao.
Binawi niya pati pahintulot na iginawad niya upang makapanguha ang sinuman ng mga bungangkahoy sa gubat. Dahil sa pagmamalupit ng tao sa hayop, ipinagbawal din niya ang pangangaso, ang paninilo ng mga manok-labuyo at pamamana ng mga ibon.
Kung ang kanyang utos ay sinusuway ninuman, pinagdidilim ni
Maria ang panahon at pinabubuhos ang malakas na ulan; pinagugulong niya ang malalaking tipak ng bato sa bundok; hinahagkis niya ng baliti ang pinawalang mababangis na kalabaw nang manugis ang mga ito ng tao at lumikha rinsiya ng matinding kidlat. Ang mga yao’y panakot lamang naman ni
Maria upang ang mga mangangasong gumagambalang malabis sa katahimikan ng sakop niyang kagubatan ay magsilayo at tuluyang umalis.