Thursday, March 24, 2016

Ang Pinagmulan ng Marinduque (alamat)

Noo’y bago pa almang kapapadpad sa ating dalampasigan ang mga Kastila. Sa balangay ng Batangan ay kalakip ang Mindoro at ang mga lupalop ng timog-kanluran ng Laguna hanggang Camarines. Si Batumbakal ay kilalang datu ng Batangan at mga balangay sa karatig nito. Siya’y mayaman at makapangyarihan. Tampok ng Katagalugan ang kanyang kaisa-isang anak na si Mutya Marin. Si Mutya Marin ay maganda, mahinhin at halos ang lahat ng katangian ng dalagang Silangan ay napisan sa kanya. Siya’y kayumangging kaligatan. Alun-alon ang buhok na hinabi ng hatinggabi. Mapungay ang mga mata, matangos ang ilong, linalik ang baba at may gitla sa leeg. Siya’y may nunal sa batok. Balingkinitan ang katawan. Katamtaman ang taas. Ang baywang ay hugis-hantik. Manipis ang alak-alakan na nagbabadyang siya’y masipag. Maraming tagahanga si Mutya Marin at kabilang dito si Datu Bagal na ubod ng yaman. Ang kaharian niya’y kilala sa tawag na Mindoro (Mina de Oro). Sina Datu Sagwil ng Laguna at Datu Kawili ng Camarines ay mga tagahanga rin. Subalit ang napatangi sa lahat ay isang dukhang mang-aawit, manghahabi ng tula at tagahanga ng kalikasan. Siya’y taga-Taal at isang mandaragat sa lawa ng Bunbon.


Isang araw, nagpabando sa kaharian si Datu Batumbakal na magkakaroon ng palaro  sa palasyo bilang parangal sa mga anitos. Ang mga manlalaro sa lahat ng sulok ng iba’t ibang kaharian ay nagsidalo.

  Dumating ang palarong pinkahihintay. Natipon lahat ang mga pambato ng sari-saring palakasan. Ang unang bilang ay pagbinit ng palaso. Ang nagtamo ng gantimpala ay ang bantog na Mangyan ng Mindoro  na si Balindada.

  Ang ikalawang paligsahan ay palayuan ng pagbato sa ibayong ilog. Ang nagkamit ng karangalan ay Igorot na kinakatawan ng Bulubundukin.

  Ang karera ng kabayo ay isinunod at sinalihan ng mga prinsipe.. Sinumang makatatalo kay Mutya Marin ay siya niyang pakakasalan. Subali’t ang  lahat ay nabigo. Sa bilis, si Mutya Marin ay kawangis ng limbas, kaya napahiyang lahat ang kanyang mga tagasuyo.

  Bilang pangwakas, Si Marin  ay tinanghal na reyna ng paligsahan at siya’y pinutungan ng korona ng karangalan. Ang nagkapalad na magputong ng korona ay walang iba kundi ang makatang kasintahan.

  Natapos ang parangal sa mga anitos at nagsialis ang mga panauhin. Nagbalik sa kaharian ang mga araw na tulad ng dati.



  Dahil sina Datu Bagal, Sagwil, at Kawili ay mga kapalagayangloob ng ama ni Marin, sa loob at labas ng kaharian ay nakapaghandog sila ng pag-ibig sa mutyang dalaga. Sa kabilang dako naman, ang binatang makata ay di mamakailang pinagbawalan ni Datu Batumbakal na huwag sumulyap sa kanyang butihing anak.

  “Bakit ka pumapasok sa loob ng aking kaharian nang wala akong pahintulot?” ang minsa’y tumuligsa sa kaawa-awang makata.  “Ako po’y sumusunod lamang sa utos ng inyong anak.’’ ‘’Mula ngayo’y di ko gustong makita ang pagmumukhang iyan, pangahas,’’ ang pagbabala ng datu.
  “Hindi po ako pangahas, Hindi ko po masuway si Muya Marin. Ako po’y  pinabibigkas ng mga tulang kanyang kinagigiliwan.’’ ‘’Magtigil ka, walang turing!’’ Umalis ang makatang ang mukha’y nasa talampakan. Hiindi na matiis ni Mutya ang panlalait ng kanyang ama sa miinamahal, kaya minsa’y ipinagtanggol ni Marin ang binata.
  ‘’Hari kong ama, utang na loob! Huwag ninyong hamakin ang aking kasintahan. Siya ang tumutugon sa aking mga saligan sa buhay.’’ Hindi na nakatapos si Marin sapagkat si Datu Batumbakal ay nagsalita. ‘’Ikaw ay nabubulagan. Ipagpaliban ang hinggil sa bagay na iyan. Sa iba nang araw natin pag-usapan.’’ Napipi si Marin at siya’y hindi na nakaimik gaputok man.

  Maluwat ding panahon ang lumipas na di pumapasok  ang mang-aawit sa loob ng  palasyo. Likha palibhasa ng di-matingkalang kapangyarihan ng pag-ibig, si Mutya Marin ay sadyang nagliwaliw sa kaparangan sa pagbabakasakaling matagpuan doon ang abang makata. Nakarating siya sa matulaing Ilog Pansipit. Napadako si Mutya sa panig ng baybaying ilog na mapanganib. Dito’y maraming mga buwaya na sumisila ng tao. Nang sisilain na lamang at sukat si Marin ng isang mabangis na buwaya, siya namang pagdating ng makatang kasintahan.

Sa kabutihang –palad, kapagkaraka’y buminit ng palaso ang binata. Natudla ang buwaya kaya nasagip si Marin sa nakaumang na sakuna.

  ‘’Salamat, Mahal! Ipinag-adya pa ako ng ating mga anito!’’ ‘’Bakit ka nangahas maglibot sa kagubatan?  Di mo ba alam na ikaw ay kagigiliwan ng nuno sa punso? Kung magkagayon, hindi ka na makababalik sa palasyo.’’ ‘’Ewan ko ba! Hindi ako mapalagay. Ako’y hindi mapalagay kung hindi kita makita. Maluwat nang hindi mo ako sinisipot. Kaydali mng makalimot!’’ ang pagtatampo ng dalaga. ‘’ May babala sa akin ang iyong ama.’’ ‘’Kung talagang tapat ka sa akin, kung tunay ang iyong pagmamahal, hahamakin mo ang lahat. Kahit kamataya’y iyong susuungin kung dahil sa akin.’’ ‘’ Marin, tunay nga bang ako’y iyong minamahal? Ako’y isang dukha, kumain dili. Bakit mo ako itatangi? Si Datu Bagal aymayaman. Si Datu Sagwil ay makapangyarihan. Si Datu Kawili ay marahas. Bakit ako ang pag-uukulan ng iyong kalinga?’’

  ‘’Ang puso ko’y iyong sinugatan,” ang pakli ng dalaga. ‘’Sundin mo ang mahal mong ama. Ang datu ay ayaw sa akin. Ano nga naman ang iyong mapapala sa isang mang-aawit na tulad ko? Maaari ka bang pakainin lamang ng aking mga tula?’’ ‘’Hindi ang pagkain lamang ang nakabubuhay sa tao. Banal ang iyong kaluluwa.’’ ‘’Salamat, Marin. Nalalaman mo bang ang pakikipagkita mong ito sa aki’y ipinagbabawal ng datu?’’ ‘’Oo’’ ‘’Nalalaman mo bang  ang pakikipagtagpo mo sa aki’y nangangahulugan ng pagtagpas ng aking ulo? Baka patiikaw ay maparamay.'' ‘’Nababatid ko. Ako’y nakipagtagpo sa iyo upang minsan pa nating sumpaang, sa ating dalawa ay walang mamamagitan kundi kamatayan!’’ ‘’Isinusumpa ko. Kita’y mamahalin hanggang langit.’’ ‘’ Magmamahalan tayo hangga’t may daigdig. Magsadya ka mamayang gabi sa palasyo, sa halamanang dati nating tagpuan. Mayroon akong ipagtatapat.’’ ‘’ Umalis ka na at baka hanapin ka ng iyong ama.’’ ‘’ Siya nga. Isa lamang aliping dalaga ang aking kasama.’’

  Nang kinahapuna’y ipinatawag si Marin ng ama. ‘’Bakit ka ba nakikipagtagpo nang lihim sa dukha mong kasintahan? Ito’y sinsay sa aking mga kautusan at kaugalian ng balangay. Ang maharlika ay sa maharlika at ang alipi’y sa alipin. Bukas na bukas din, pupugutan ang iyong kasintahan.’’

  Hindi nakuhang makapagmatuwid ang dalaga. Alam niyang ang bawat salitain ng ama’y masususnod. Napakasungit ng datu! Pinasusian si Mutya Marin sa itaas ng tore. Nang dumating ang tipanang oras ay walang makitang Marin sa halamanan. Hinanap ng binata ang dalaga. Nakita niyang maliwanag ang tore kaya sinapantahang naroon ang hinahanap. Sumagi sa kanyang hinala na namalayan ng datu ang pakana nilang pagtatagpo.

  Ang mang-aawit  ay nagpunta sa paanan  ng tore nguni’t paano niya maaakyat iyon? Wala siyang mahagilap na lubid o anumang tali. Siya’y naupo at nag-isip. Namataan niya na may aninong gumalaw sa bintana at ilang saglit pa’y may naglawit ng lampara. Napag-alaman niyang si Marin ay gising. nahinuha niyang batid ni Marin na siya’y nasa paanan ng tore at naghihitay. ‘’Dapat sana siyang mag-ingat sa paglalawit ng ilaw sapagkat baka mahalata ng bantay,’’ ang bulong ng makata sa sarili.

Samantalang ang binata ay nasa ganitong pagmumuni, bigla siyang namangha nang makita si Marin sa kanyang harapan. Ang dalaga pala’y naghugos sa tore sa pamamagitan ng lubid at mga piraso ng damit na pinagbuhul-buhol. ‘’Giliw,’’ ang simula ni Marin, ‘’bukas ay papupugutan ka’’ ‘’Ako’y nakahanda.  Pumapayag ka ba?’’ ‘’Hindi maaari. Tayo ay magtanan habang may panahon. Mayroon akong kinasabuwat na mga alipin na gagaod sa ating bangka. Sa lawa tayo hinihintay.’’ ‘’Saan tayo tutungo?’’ ‘’Tayo’y tatakas. Tayo’y pasasatimog…saanman…doon sa walang amang mapanghimasok sa pag-ibig ng anak.’’

  Ang dalawa’y nagtanan. Magdamag silang naglayag sa lawak ng karagatan. Nag-umaga. Nang mag-aalmusal na ay siyang pagkapansin ng datu na si Marin ay wala. May nakapagsumbong na siya’y tumakas. Inihanda at iniutos ng datung habulin ng mabibilis na batil-pandigma ang magkasintahang tumalikod sa kaugalian ng balangay.

  Nagpabalita si Datu Batumbakal sa tatlong datung tagasuyo ni Mutya Marin. Si Datu Sagwil ay madaling tumugon. Sa mga nagsihabol ay kasama si Datu Kawili na siyang gustong ipakasal kay Marin. Si Datu Bagal ay sumama rin ng magdaan sa Mindoro ang mga humahabol.

  Anong magagawa ng munting sasakyang kinalululanan ng magkasintahan? Walang pagsalang sila’y aabutin! Lima  lamang na oras ang nakalipas matapos makapag-almusal ang datu nang abutin ng dambuhalang sasakyang humahabol ang mga nagsitakas.

  Binuo ng magkasintahan na sila’y di pabibihag nang buhay, kaya sinabing mangyari na ang dapat mangyari. Bilang pagmamatigas ng binata, pinagkaisahan na magpatihulog sa karagatan. Pinagtali ang dalawang kamay ng matibay na lubid at ito’y ikinabit sa mabigat na bato upang sila’y magtuluy-tuloy sa kailaliman ng dagat.

  Ganito nga ang nangyari. Nang iilan na lamang dipa ang agwat ng maliit na sasakyan sa malaking sasakyang humahabol, magkayapos na tumalon sina Marin at Garduque. tuluy-tuloy sa kailaliman ng tubig dahil sa mabigat na pataw na nagsilbing sangkap ng kamatayan.
  ‘’Paalam, Batumbakal.’’ ang sabi ni Garduque. ‘’Paalam, amang mahal.’’ ang sabay ni Marin. Hindi matagpuan ang magkasintahan, Paa manding hinigop ng buhawi.

  Kinaumagahan, anong  pagtataka ng mga nagsisihanap nang makita ang isang malaking pulo sa dakong tinalunan ng magsinggiliw. Mula noon ay ipinangalan ang pulo ng MARINDUQUE, galing sa Marin at Duque.

  Nagsisi si Datu Batumbakal ngunit huli na. Bilang pagtitika sa kanyang nagawang pagmamalupit, siya’y nagpakatino. Siya’y naging mapagmahal sa kanyang mga sakop. Ang mga alipin ay kanyang pinag-ukulan ng pagtingin na higit sa dati. Binago niya ang mga batas na pinaiiral sa balangay. Ang mga alipin at maharlika ay naging pantay-pantay sa dambana ng mga anito tungkol sa pag-ibig at suliranin sa puso.

  Ang Marinduque ngayon ay isang pulo ng may magaganda at matulaing tanawin. Pinilas ang ganda kay Marin at hiniram ang tula sa dakilang mang-aawit.  

Friday, March 11, 2016

Mga Uri ng Liham Pangkaibigan

1. Liham Pagbati - Ito ay nagsasaad ng pagbati sa isang tao na nakatanggap ng karangalan o nagwagi sa patimpalak, maari din itong gamitin bilang pagbati sa iyong kaarawan.

2. Liham Pakikiramay - Ito ay nagsasaad ng tungkol sa pakikiramay sa isang taong namatayan o nakaranas ng masamang pangyayari.

3. Liham Pasasalamat - ito naman ay nagsasaad ng pasasalamat sa mga bagay na natatanggap tulad ng regalo, paanyaya, papuri at iba pa.

4. Liham Paanyaya - Ito ay nagsasaad ng pag-anyaya sa mga taong gusto nating dumalo sa isang okasyon.

5. Liham Paumanhin - Ito naman ay nagpapahayag ng hindi pagdalo sa panyaya o hindi pagtupad sa usapan.

Mga Bahagi ng Liham

1. Pamuhatan - Ito ay naglalaman ng kumpletong lugar ng taong sumulat at petsa kung kailan ito isinulat.
Halimbawa:
        7 Forestry Street, Vasra Village
        Calamba, Laguna

2. Bating Panimula - Ito ay pagbati bilang pagbibigay galang sa taong sinulatan.
Halimbawa:
         Mahal kong pinsan,

3. Katawan ng Liham - Ito ang bahagi ng liham kung saan nakapaloob ang mga bagay na nais mo ipaalam sa taong susulatan.
Halimbawa:
           Inaanyayahan kita sa aking nalalapit na kaarawan.

4. Bating Pangwakas - Ito naman ay nagpapahayag ng magalang na pamamaalam ng sumulat.
Halimbawa:
            Nagmamahal,

5. Lagda - Dito sinasaad ang pangalan ng taong sumulat.
Halimbawa:
              Fely

Ang Palaka at ang Ahas (Pabula)

Ang Pabula ay isang uri ng panitikan na kung saan ang mga tauhan ay mga hayop ang nagbibigay buhay. Naagsasalita sila tulad ng mga taong tauhan sa isang kwento.

Noong unang panahon, sa kagubatan naglalaro ang batang palaka na ang tanging gawain ay ang paglundag sa mga halaman, nang sa di kaginsa-ginsa'y nakakita ng isang uri ng hayop na may kahabaan, payat, at may makintab na balat na ang kulay ay katulad ng isang balangaw.

Ang unang tanong ni palaka, ''Maaari ka bang makilala? Ano ang iyong ginagawa at lagi kang nakahiga sa daanan?'' ''Nagpapainit lang ako sa araw,'' anang ahas na umiikot at inayos ang katawan sa paraang pabilog.'' Ako ay si Batang Ahas, ikaw anong pangalan mo?'' Ako si Batang Palaka. Gusto mo bang makipaglaro sa akin?'' Nagkasundo sila at ang paglalaro ay ginawa buong umaga sa kagubatan. Tingnan mo ang gagawin ko, ang sabi ng batang palaka at lumundag-lundag na nang mataas. '' Gusto mo bang turuan kita kung paano ito isinasagawa?'' ang tanong ni Palaka. Tinuruan ni Palaka si Ahas at sila'y lumundag-lundag nang magkasabay sa kagubatan.

''Pagmasdan mo naman ang gagawin ko'' sabi ni Batang Ahas at nagsimula siyang gumapang sa isang mataas na puno. Kaya itinuro ng batang ahas kung paanong paraan padudulasin ni Batang Palaka ang tiyan nito para makagapang sa puno.

Dumating ang pagkakataong kapwa bagutom ang dalawang bata, daan para ang pagpapaalaman ay maganap, sa pangakong muli silang magkikita sa susunod na araw. Nagpasalamat sa batang palaka si Batang Ahas sa pagtuturo sa kanya na lumundag. Pasalamat din ang ipinahatid ng batang palaka na pinadudulas ang tiyan at gumagapang.

Sambit ng ina, ''Paano mo iyan natutunan?'' ''Tinuruan ako ni Batang Ahas. Naglaro kami buong maghapon sa kagubatan, siya ang aking bagong kaibigan'' sagot ni Batang Palaka.

''Ang pamilya ng mga ahas ay masasama! May lason ang kaniyang ngipin, iwasan mong makipagkita at makipaglaro sa kanya, at ayaw ko ring makita na pinadudulas ang iyong tiyan, nauunawaan mo ba?'' sabi ni Inang Palaka.

Samantala umuwi si Batang Ahas na lumulundag-lundag para makita ng kanyang ina. ''Sino ang nagturo sa iyo niyan?'' tanong ng ina ni Batang Ahas. ''Si Batang Palaka, siya ang bago kong kaibigan,'' sagot ni Batang Ahas.

Nang magkita ang dalawa kinabukasan ay nag-usap sila, pero malayo sila sa isa't isa. Ang sabi ni Batang Palaka, ''Hindi na ako pwedeng makipaglaro sa iyo.'' Matahimik na pinagmasdan siya ng batang ahas, at naalala ang sabi ng kanyang ina kapag muli mo siyang nakita hulihin at siya'y kainin. Nagbuntong hininga si Batang Ahas at malungkot na lumayo sa kaibigang si Batang Palaka. Paano niya malilimot ang masasayang araw nilang dalawa sa kagubatan, at ang pagsasamahang walang halong pag-iimbot?

Hindi na muling naglaro ang dalawa na magkasama pero malimit silang magkita na nagpapainit sa araw, at madalas na mag-isip tungkol sa naging karanasan at kinahantungan ng kanilang pagiging magkaibigan.

Friday, March 4, 2016

Bidasari (epiko)

Epiko - ang epiko ay isang uri ng tulang pasalaysay na maaring lapatan ng himig o tono. Nagpasalin-salin lamang ito sa mga bibig ng tao kung kaya walang tiyak na may akda nito. Nagsasalaysay ito ng mga kabayanihang halos hindi mapaniwalaan  pagkat nauukol sa mga kababalaghan. Ito din ay nagbubunyi sa isang alamat o kasaysayan na naging matagumpay laban sa mga panganib a kagipitan.

Ang epiko ay nagpapahalaga sa mga paniniwala, kaugalian, at layunin sa buhay ng mga tao. Pinapaksa dito ang mga kabayanihan at kabutihan ng isang tao, at maging ang kalagayan ng mga tribo o katutubo.

Ang Bidasari ay maromansang epiko ng mga Malay na tungkol sa matadang paniniwalang ang buhay ay napatatagal kung ang kaluluwa ng isang tao ay ipaloloob o paiingatan sa isang hayop, isda, punong-kahoy o bato. Ang Bidasari ay laganap sa pook ng mga Muslim subalit ito ay hindi kathang Muslim kundi hiram lamang dahil ang original na katha nito ay nasusulat sa Malay. Itinuturing itong kawili-wiling tula sa buong panitikang Malay. 

Buod ng Bidasari:
Awit I. Bago pa lamang nalaman ng Sultan ng Kembayat na ang Sultana ay nagdadalang-tao at siya'y maligaya. Ngunit ang salot na Ibong Garuda ay lumusob sa kanyang kaharian at namuksa ng mga tao. Ang buong kaharian ay napilitang umalis at nagtago sa namumuksang ibon. Napahiwalay sa mga kasama ang Sultana at ang Sultan at sa kanilang paglalakad ay inabot ng panganganak ang Sultana sa tabi ng ilog. Sa malaking takot sa Ibong Garuda, iniwan nila ang sanggol sa isang bangkang nakita sa tabing-ilog at nagpatuloy ang dalawa sa pagtatago. Bagama't halos madurog ang puso ng Sultana, napilitan nilang iwan ang sanggol.

Awit II. Nang ang pinakamayaman na mangangalakal sa buong bayan ng Indrapura na si Diyuhara ay nagpapasyal sa tabing ilog na kasama niya ang kanyang asawa, nakarinig siya ng iyak ng sanggol. Pagkakita nila sa sanggol na babaing pagkaganda-ganda, dinala nila agad ito sa bahay at binigyan ng apat na tagapag-alaga at higaang may kalupkop ng tunay na ginto. Bidasari ang kanilang ibinigay na pangalan. Habang lumalaki, si Bidasari ay lalong gumaganda.

Basahin ang isang awit na hango sa Bidasari:
Pakinggan ang isang awit ko para sa isang hari.
Na nagkaanak ng isang babae, tulad ng isang bulaklak,
Higit ang ganda sa isang istatwang ginto.
Kamukha siya ni Mindondari at pinangalanang Bidasari.
Habang ang magandang Bidasari ay lumalaki, 
ang maganda niyang mukha'y lalong gumaganda. 
Ang kanyang malasutlang kutis ay maputi at
madilaw at siya ang pinakamaganda.
Ang kanyang hikaw at pulseras ay nagbigay
sa kanya ng pambihirang yamang nakatago sa isang salamin.
Walang katulad ang kanyang ganda, at ang
kanyang mukha'y tulad ng isang nimpang makalangit.
Ang kanyang damit ay lubhang marami, kasindami
ng prinsesa ng Java. Walang pangalawang Bidasari
sa ibabaw ng lupa.
Prinsesa siyang higit na maputi kaysa araw,
Tulad ng anghel kaysa sa isang makasalanan,
Walang babaing nasa lupa ang makatutulad niya.
Ang buhok niya'y kulot, tulad ng bukang bulaklak,
Ang kilay niya'y tulad ng buwang isang araw ang gulang,
Siya ay anaki isang singsing na gawa sa Peylon.
Wika ng mga lalaki: ang mga mata ni Bidasari ay malamlam.
Matamis ang ngiti, ang kutis ay tila luntiang Tjempaka
at ang magandang anyo'y tulad ng isang ginawang mahal na estatwa.
Ang mga pisngi niya'y tulad ng mga tuka ng isang ibon.
Nais naming malasin ang kanyang leeg. Ang ilong niya'y 
tulad ng bukong Jasmine. Ang maganda niyang mukha
ay tulad ng pula ng itlog. Ang diwa niya'y kasimputi ng kristal.
Ang buhok niya'y nakalugay.
Ang kanyang labi'y tulad ng isang kininis na kahon.
Ang suot niyang bulaklak ay nagpapaaliwalas sa kanyang anyo.
Ah, ang puso niya'y tulad ng kanyang mukha...

Ang Sultan Mogindra ng Indrapura ay dalawang taon ng kasal kay Lila Sari ngunit natatakot ang babae na baka ang sinabi sa kanya ng Sultan na siya ay mahal na mahal at hindi nya nais na mapahiwalay ay hindi mangyayari. Natatakot si Lila Sari na ang kanyang asawa ay makakita ng isang higit na maganda kaysa sa kanya at siya ay iwanan. ''Kung may makita kang lalong maganda kaysa sa akin, malimutan mo kaya ako?'' At pabirong isinagot ng Sultan, ''kung may lalong maganda kaysa sa iyo, ngunit ikaw ang pinakamaganda sa lahat!'' Kaya, kinabukasan, ang Sultana ay nagdala sa lahat ng dako ng mga batyaw upang alamin kung may makikitang higit na maganda kaysa sa kanya. At nakita ng mga batyaw si Bidasari.

Sa pagkukunwaring gagawing dama ng Sultana, si Bidasari ay nadala sa palasyo at ipinakulong ni Lila Sari. Pinapasok ni Lila Sari si Bidasari sa kulungan nito sa tuwing aalis ang Sultan at doon ay pinapalo, sinasampal at minumura hanggang sa hindi na nakatiis si Bidasari. Sinabi ni Bidasari, ''kung ibig ninyo akong mamatay, kunin ninyo ang isdang ginto sa hardin ng aking ama. Kapag araw, ito'y kwintasin ninyo at kapag gabi ay ibalik ninyo sa tubig, sa gayo'y hindi maglalaon at ako ay mamamatay.'' Ipinakuha ni Lila Sari ang isda at pinahintulutang makabalik si Bidasari sa kanyang mga magulang.

Nangyari ang mga sinabi ni Bidasari. Sa araw, kapag ikinukwintas ng Sultana ang isda, si Bidasari ay nakaburol sa kanilang bahay at sa gabi lamang nabubuhay siyang muli. Sa takot ni Diyuhara na baka tuluyang patayin ng Sultana si Bidasari, nagpatayo siya ng isang magandang palasyo sa isang gubat na malayo sa Indrapura at doon itinirang mag-isa si Bidasari. Laging sarado ang palasyo.

Awit III. Palagay ang kalooban ng Sultana sa paniniwalang si Bidasari ay namatay. Nguni't isang araw, nang walang maraming ginagawa ang Sultan, naisipan nitong mangaso sa gubat. Sa paghahanap niya ng usa, nakasapit ito sa palasyo ni Bidasari. Saradong-sarado ang palasyo. Kaya lalong pinagnasaan niyang mapasok ito. Natagpuan niyang walang katau-tao. Pinasok nya ang lahat ng silid at sa wakas ay nakita niya ang kwartong kinabuburulan ni Bidasari. Nagtaka siya. Ngunit hindi niya ginising si Bidasari. Kinabukasan ay nagbalik siya't naghintay hanggang sumapit ang gabi. Nabuhay na muli si Bidasari na lubhang hinangaan ng Sultan ang kagandahan nito. Sinabi ni Bidasari ang katotohanan. Galit na galit ang Sultan. Pinakasalan agad nito si Bidasari at siyang pinaupo sa trono na katabi niya samantalang si Lila Sari ay natirang nag-iisa sa kanyang palasyo.

Awit IV. Pagkalipas ng maraming taon, ang mga tao sa Kembayat ay nagbalikan na. Ang mga magulang ni Bidasari ay nagkaroon pa ng isang anak na pinangalanang Sinapati. Sa Kembayat ay dumating ang isang anak na lalaki ni Diyuhara, na inaakala ni Bidasari na tunay na kapatid. Nang makita niya si Sinapati ay nagulat siya sapagkat kamukhang-kamukha ito ni Bidasari. Kinaibigan niya si Sinapati at ibinalita na siya'y may kapatid na kamukhang-kamukha ni Sinapati. Dahil dito'y itinanong ni Sinapati sa mga magulang kung siya'y may nawawalang kapatid. Pinasama ng ama si Sinapati sa Indrapura sa pagbabakasakaling si Bidasari ang nawawalang anak. Gayon na lamang ang pagtataka ng lahat dahil sa pagiging magkamukha ng dalawa. Nang sabihin ni Sinapati na siya'y naghahanap ng kapatid na naiwan sa bangka ay nabatid na niyang si Bidasari ay tunay niyang kapatid dahil sa pagtatapat ni Diyuhara.

Si Sinapati'y iniharap kay Sultan Mogindra at naging maligaya ang lahat nang magkakilala ang magkapatid sapagkat si Bidasari pala'y isang tunay na prinsesa.





Monday, February 29, 2016

Ang Matalinong Paraluman (Maikling Kwento)

Sa isang kaharian ay may isang lalaking mahirap na walang tanging kapisan sa kanilang maralitang kubo maliban sa anak na dalaga, na bukod sa kaniyang pambihirang katalinuhan ay may angkin pa ring kagandahan sadyang karapat-dapat maging sa lalo mang pihikang pagtatangi. Ang gawa ng mag-ama ay magpalimos. Ang anak ang nagtuturo sa ama ng mga kaibig-ibig na gawi at mga pangungusap upang kalugdan ng mga pinagpapalimusan.

Minsan ang matandang lalaki ay nagtungo sa hari upang humingi ng limos. Itinanong ng hari kung saan siya nagmula at kung sino ang nagturo sa kaniya ng mga pangungusap na kagiliw-giliw. Ipinagtapat ng lalaki, kung saan siya nagmula at sinabing ang nagturo sa kaniya ay ang kaniyang anak.

"At sino naman ang nagturo sa iyong anak?" ang tanong ng hari. Ang lalaki ay tumugon, "Ang Diyos po at ang aming malaking kahirapan."

Sa gayo'y binigyan siya ng hari ng tatlumpung itlog at sinabing, "Dalhin mo sa iyong anak ang mga itlog na ito, at sabihing ibig kong mapisa at maging mga kiti at ikaw ay aking gagantimpalaan, nguni't kapag hindi nagawa ang ganito, masama ang mangyayari sa iyo." 

Ang lalaki ay lumuluhang bumalik sa kaniyang kubo. Isinalaysay sa kanyang anak ang nagyari. Nakita at napansin kapagdaka ng dalaga na ang mga itlog na yaon ay nilaga na. Pinagpayuhan ang ama na magpahinga na at siya na ang bahalang umayos ng lahat.

Kumuha ang dalaga ng isang palayok, pinuno ng tubig, nilagyan ng mga butil ng mais, at yao'y pinakuluan. Kinaumagahan, ang mga butil ng mais ay naging binatog. Iniutos sa ama na kumuha ng kalabaw at araro, at mag-araro sa daang maaaring pagdaanan ng hari. 

"At saka," ang dugtong pa, "pag nakita ninyo ang hari, kunin ang binatog, isabog na pahasik at isigaw, Sige, kalabaw ko! Sige! Tulungan ako ng langit na tumubo ang aking mga butil na binatog." "At kung ang hari ay magtanong sa inyo kung paano maaring tumubo ang binatog, tanungin ninyo siya kung paano rin maaaring mapisa't maging sisiw ang mga nilagang itlog."

Sinunod ng ama ang bilin ng anak, lumisan at nagsimulang mag-araro . Nang mamataan niya ang hari, sinimulan niyang humiyaw.


"Sige, kalabaw ko! Sige! Tulungan ako ng Diyos na tumubo ang aking binatog." "Hoy, baliw! Paano maaring tumubo ang binatog?" At tumugon ang lalaki. " Pagpalain kayo ng Diyos, mahal na hari!. Maaari pong tumubo ang binatog tulad din na maaaring mapisa ang nilagang mga itlog."

Nahulaan kapagdaka ng hari na ang gayong sagot ng lalaki ay walang-salang turo ng kaniyang anak. Iniutos sa mga utusang dakpin ang lalaking iyon at iharap sa kaniya, inabutang muli ang lalaki ng isang supot na bulak.

"Dalhin mo ang bulak na ito sa iyong anak, at ipagawa mong lubid upang magamit sa mga barko at layag para sa aking bangka. At iyong tandaan, pag hindi ninyo nagawa iyon, ay pagbabayaran ng inyong ulo."

Tinanggap ng kaawa-awang lalaki ang supot ng bulak at umuwing nalulumbay sa kaniyang anak na pinagsalaysayan ng lahat ng mga nangyari. Nguni't muli siyang pinagsabihan ng anak na matulog at mamahinga na at ipinangakong ang lahat ay kaniyang isasaayos. 

Kinabukasan siya ay kumuha ng kaputol na kahoy. Ginising ang ama. "Dalhin ninyo ang kaputol na kahoy na ito sa hari. Ipagawa ninyo itong isang malaking gulong na lubiran at saka isa ring habihan at diyan ko gagawin ang lahat ng kaniyang ipinagagawa sa akin."

Sinunod na muli ng kaawa-awang ama ang utos ng anak. Nagulumihanan ang hari nang marinig ang gayon at nagsimulang mag-isip ng kung ano ang kaniyang maaring muling ipagawa. Sa wakas ay kumuha siya ng isang maliit na sartin, at ang wika habang iniaabot sa ama: "Dalhin mo ang sarting ito sa iyong anak at bayaan mong tuyuin niya ang dagat sa pamamagitan niyan, hanggang sa iyo'y maging parang isang natuyong kabukiran."

Sumunod ang isang kahabag-habag na ama na sa mata ay may nangingilid na luha. Dinala ang sartin sa kaniyang anak at sinabi ang bilin ng hari. Ngunit ang dalaga ay hindi rin kinabakasan ng ano mang pag-aalala at pangamba. Mairog na pinagsabihan ang ama na mamahinga na at siya na ang bahalang umisip ng paraan hanggang kinabukasan.

Kinaumagahan, ginising niya ang kaniyang ama. Binigyan ng kapirasong basahan upang dalhin sa hari at ipinasasabi sa hari ang ganito: "Sa hari ay inyong sabihin na sarhan ang lahat ng bukal na pinagmumulan ng tubig at ang lahat ng bunganga ng ilog sa daigdig sa pamamagitan ng kapirasong basahang iyan. Pag nagawa niya iyan, ay aking tutuyuin ang dagat para sa kaniya."

At lumisan ang ama at sinabi ang gayon sa hari. Noo'y nakilala ng hari na ang dalaga ay higit na matalino kaysa kaniyang sarili at pinag-utos na iyon ay dalhin sa kaniya. At nang ang mag-ama ay maiharap sa hari, tinanong ang dalaga. "Sabihin mo, marilag na paraluman, kung anong bagay na pinakamalayong naririnig ng tao." "Dakilang hari! Ang pinakamalayong naririnig ng tao ay ang kulog at ang kasinungalingan."

Sa pagkakarinig ng hari sa gayong kasagutan, hindi niya namalayan ay nahawakan ang kaniyang balbas. Sa harap ng kaniyang matatalinong kasangguni ay kaniyang naitanong ang ganito: "Magkano sa akala ninyo maaaring magkahalaga ang aking balbas na ito." At iyon ay nilagyan ng halaga ng isa. Pinataas ng ikalawa at lalo pang pinataas ng ikatlo hanggang sa umabot ang halaga sa kasukdulan. Nguni't ang dalaga ay nagwika. ''Hindi ninyo mahuhulaan ang tunay na halaga niyan. Ang halaga ng balbas ng hari ay kasinghalaga ng tatlong maulang araw sa panahon ng tag-araw.''

Namangha ang hari at nagwika, "Ang dalaga ang lalong may pinakamahusay at tumpak na tugon.'' Sa gayo'y kaniyang hiniling na ang dalaga ay maging kabiyak ng puso niya. Ang dalaga ay yumukod sa hari, ''Marangal na hari! Matutupad ang inyong kahilingan, nguni't hinihiling ko sa inyong isulat sa papel ng inyong sariling kamay ang ganito: na kung kayo ay magalit at magsawa sa akin, at ako ay inyong ipagtabuyan at paalisin sa palasyong ito, malaya kong madadala sa aking paglisan ang bagay na aking minamahal.''

At pumayag ang hari, at nilagdaan ang kasunduan. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang inaasahan ng dalaga. Ang hari ay nagalit sa kaniya at ang sabi: ''Lisanin mo ang palasyong ito. Hindi na kita ibig na ituring na aking kabiyak. Pumaroon ka magbalik sa iyong ama o kung saan mo man ibig pumaroon.'' ''Dakilang hari,'' ang tugon ng reyna, ''ikaw ay aking susundin, at masusunod ang iyong nais, ngunit aking isinasamo sa inyong kamahalan na sa akin ay iyong ipaubaya ang tanging gabing ito, at bukas ng umaga, ako ay handa nang lumisan.''

Pinahintulutan ng hari ang kaniyang pakiusap. At ang reyna, bago maghapunan, ay naghanda ng lalong matatapang na alak at isinamo sa asawang siya ay saluhan bilang pahimakas ng kanilang walang kapalarang pagsasama. ''Uminom ka, dakilang hari, magpakalasing at magpakaligaya. Bukas ako ay lilisan upang tayo ay magkalayo. Nguni't tandaan mo na sa aking pag-alis, ako ay liligaya nang higit kaysa unang sandaling tayo ay makasal, noong ikaw ay maging mahal na kabiyak ng aking puso.''

Ang hari ay tumungga at uminom nang marami hanggang sa siya ay labis na malasing at tuluyang mahimbing. Sinamantala ng reyna ang pagkakataong ito. Iniutos nya na buhatin ang hari at isakay sa karitong inihanda niya na pagsasakyan nito. Pinalakad ng reyna ang kariton, hanggang sa makarating sila sa ituktok ng isang mabatong kabundukan. Nang magising ang hari, at makita niya ang kanilang kinaroroonan, siya ay nag wika, ''Sino ang nagdala sa akin dito? Bakit mo ginawa ito? Hindi ba ikaw ay pinalayas ko na?''

Ang reyna ay tumugon, habang kanyang inilalabas ang isang kapirasong papel. ''Tunay ang iyong sabi, nguni't tingnan mo at basahin ang sinulat ng iyong sariling kamay: na kung kayo'y magalit at magsawa sa akin at ako'y inyong ipagtabuyan at paalisin sa palasyong ito, malaya kong madadala sa aking paglisan ang bagay na aking minamahal.

Nang marinig ito ng hari, natimbang at nauri niya ang pagmamahal sa kaniya ng kaniyang mahal na reyna. Nilapitan niya ito, niyakap nang mahigpit at sila ay masayang bumalik sa palasyo.