Napapailing ako kapag may lumalapit sa akin
upang maghanap ng trabaho. Kapag tinatanong ko kung ano ang alam nilang
trabaho, ang karaniwang sagot nila’y, “Kahit ano, Kuya greg.”
Kahit ano?
Walang trabahong tinatawag na “kahit ano”
Katunayan wari iyan na hindi alam ng
karamihan sa atin ang tinutungo nila sa buhay. Hindi alam kung ano ang gusto
nila. “Nais kong magtagumpay,” anila. Ngunit hindi nila natitiyak kung ano o
aling larangan ang gusto nilang pagtagumpayan.
Iyana ng dahilan kung bakit wala silang
nagagawa.
Minsang nag-usap kami ng aming bos, ang
yumaong Brig. Gen H.M. Menzi, ginunita niya ang kanyang kabataan at ang
kahigpitan ng kanyang ama.
“Maaga akong naghahanapbuhay,” aniya. “Nang
panahon naming, kailangang magsikap ka upang ikaw ay mabuhay. Ngayon, karamihan
sa mga kailangan ng mga kabataan ay halos iniaabot na lang sa kanila.
Napakalapit naman ng paaralan ngunit sumasakay pa sila sa halip ng maglakad na
lang.”
Isa raw iyan sa dahilan kung bakit hindi
naipamulat sa mga kabataan ang pagiging masikap. Hindi sila nagkakaroon ng
pagkakataong maging mapanlikha at magsarili. Umaasa na lamang sila sa
maidudulot sa kanila.
Minsan ay may isang lalaking pumunta sa
aking opisina at humihingi ng pamasahe at pananghalian. Umaamot pa ng pamaskong
pantalong maong at putting tisert. Malaking lalaki, matipuno at sa tingin ay
wala naming sakit.
Nainis ako, ngunit kalmado lang akong
nagsalita at baka mapahiya e, ako pa ang masaktan niya. “Sa laki mong iyan,” sabi
ko, “hindi k aba nahihiyang magpalimos? Wala ka naman sigurong sakit. Ang
problema lang siguro ay hindi moa lam ang gagawin mo. Tingnan mo. Maraming
tinder sa palengke. Hindi nila mabubuhat ang tiklis na puno ng inilalako nila.
Kung maging tagabuhat ka kaya at babayaran ang trabaho mo? O gumawa ka ng
kariton at magkargador ka ng kanilang paninda? Utang na loob, kapatid, tulungan
mo muna ang iyong sarili bago kita tulungan.”
Hindi ko siya binigyan ng kahit sentimo.
“Lumakad kang pauwi,” sabi ko.
Masaki tang irap niya. Galit na isinara ang
pinto. Dalawang buwan pagkalipas niyon, nagbalik ang lalaki at natatawang
nagsabi na ginawa niya ang sinabi ko at ngayon ay may pinagkakakitaan na siya.
“Ang siste mo nito, Kuya, ‘yong ipinagkakargador kong tinderang byuda, e tila
me gusto sa akin. Kung hindi magkabisala, pwede bang maging ninong ka naming?”
Ang mahalaga kasi ay hindi ang iyong
nalalaman, kundi ang iyong magagawa. Ito ang maalala ng mga tao tungkol sa iyo.
Habang dumarami ang iyong nagagawa, dumarami rin ang mga taong makababalita
tungkol sa iyo. At kung laging maganda ang mga gawa mo, hindi sasalang
magkakamit ka ng tagumpay.
Wala ang tagumpay sa nagpapasarap o sa
kinakandong lamang ang mga kamay. Ang tagumpay ay nasa mga magagawa mo
araw-araw.
Tingnan mo ang mga siklista kong Sunshine
Riders. Ilan lang ang mga propesyunal na siklista sa mga ito. Karamihan sa
aming grupo ay mga naghahanapbuhay, ehekutibo at matandang “papetik-petik” lang
kung magpatakbo. Pinakamatanda nga si Ka Puten na edad 65 at may dinaramdam
pa sa puso. Ngunit inaakyat namin ang Tagaytay, o ang Batulao buhat sa Nasugbu,
o ang Maharlika Highway sa mga bundok ng Pililia at Mabitak, pati Kennon Road
ng Baguio.
Ang sabi nga ng pinakamahina sa amin, na
edad 50, “Kung hindi ko maakyat ang bundok sa pamamagitan ng bisikleta,
lalakarin ko upang maging patag. Tao ang gumagawa ng kalsada, kaya’t tiyak na
maaakyat ito ng ibang tao.”
Wala kang makikitang tanawin sa paanan ng
bundok. Ang mga punong-kahoy lamang ang makikita mo. Ang umpisa lamang ng
kalsada ang makikita mo. Kung mananatili ka sa ibaba, hindi mo matatanaw ang
marangyang kapaligiran.
Ngunit akyatin mo ang bundok, bisikletamong
akyatin. Pagdating mo sa ituktok matapos ng hingal-kabayong pag-akyat mo,
laking ginhawa mo sa lamig ng simoy at ganda ng tanawing makikita mo hanggang
sa iyong tanaw. Mula sa ituktok ng bundok sa Pililia, Rizal tanaw na tanaw ang
kabuuan ng Laguna de Bay at ang mga Kabayanang nakapaligid sa lawing ito.
Parang nasa bumbunan mo lang ang langit,
tulad ng nadarama ng mga Sunshine Riders tuwing umaakyat sila sa Bugarin.
Parang abot mo na ang talampakan ng Diyos!
Sa ituktok lamang makikita ang
pinakamagandang tanawin. At sa ituktok lamang madarama ang tunay mong lakas, at
mananamnam mo ang walang katulad na kasiyahan.
Doon mo masasamyo ang pinakadalisay na
hangin.
May nagsasabing hindi lilipad ang
saranggola kung hindi ito sasalungat sa hangin. Isunod mo sa hangin at ito ay
kagyat na babagsak. Pasalungatin mo at tiyak na tataas at tataas hanggang sa
makarating sa mga ulap at bituin!
Sabi ni Emerson: “Kung ang kalikasan ay
dinadagsaan ka ng mga pagsubok, walang salang pinapanday rin niya ang iyong
utak.”
Na ang ibig sabihin ay lalo kang tumatalino
dala ng iyong mga karanasan. At lalong nadaragdagan ang iyong mga nagagawa.
Ngunit alam mo na ba kung saan mo gusting
magtagumpay?
O katulad ka ng mga naghahanap ng trabaho
na, nang tanungin ko kung ano ang alam nilang trabaho ay sumagot ng “kahit
ano?”
Wala pa akong nakitang nagtagumpay na
kinakandong ang mga kamay sa maghapon.
Ang mga taong walang ginagawa ay hindi rin
nagkaroon ng panahon sa ipinagagawa mo sa kanila.
Takot kasi silang magkamali. Ang mga taong
hindi nagkakamali ay yaong walang ginagawa sa maghapon.
Humanap ka ng taong laging abala sa mga gawain,
at makapaglalaan pa ito ng panahon para sa ibang bagay na ipagagawa mo sa
kanya.
Alam ng taong ito na saka lang siya may
nagagawa kapag kumikilos siya.
Kumikilos ka na rin, iho, at alamin mo kung
ano ang gusto mong matapos at makamit sa sandaling ito upang magsimula ka na sa
daang paakyat at ituktok ng tagumpay.