Thursday, June 9, 2016

IMPONG SELA (Maikling Kwento)

Noon ay buong kataimtimang minamalas ni Impong Sela ang kanyang lalabing-animing taong apong lalaki sa pagkakahigang walang katinag-tinag. Sa ilalim ng maputing kumot, ang kanyang apong nakatihaya ay matuwid na matuwid na katulad ng isang bangkay, walang kakilus-kilos maliban, marahil sa maminsan-minsang pagkibot ng mga labing nanunuyo at halos kasimputla na ng isperma. Maya-maya’y marahang dinama ng kanyang palad ang noo ng nahihimlay na maysakit. Sa gayong pagkakadantay, ang nakahiga ay napakislot na animo’y biglang nagulat ngunit hindi rin nabalino sa pagkakahimbing.

“Maria Santisima!” ang nahihintakutang bulong ni Impong Sela sa kanyang sarili samantalang iniaangat ang kanyang kamay mula sa pagkakadantay sa noo ng apo. “Nagbalik na naman ang kanyang lagnat.”

Ang matanda’y nakaramdam ng isang biglang bugso ng lungkot sa kanyang dibdib. Ang lagnat ng bata ay nawala na, dalawang araw na ang nakararaan, salamat sa kanyang santong kalagyo, ngunit ngayo’y…

Mahal na Ina ng Awa!

Ito’y kanyang ikinababalisa. Nalalaman niyang ang lagnat na nagbabalik ay lubhang mapanganib. Ano kaya kung ang kanyang apo, ang kanyang pinakamamahal na si Pepe’y… Maawaing langit!

Bakit, hindi ba siya ang maituturing na nagpalaki sa kanyang apong ito! Kauna-unahan niyang apong lalaki sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki, sa katauhan ni Pepe ay ibinuhos ni Impong Sela ang lahat na ng pagmamahal at pag-aaruga ng isang impo. Hindi halos nalalaman ng mga magulang nito kung paano siya lumaki. Laki sa nuno ang tawag sa kanya. At tapat sa kasabihang iyon, si Pepe’y lumaki sa layaw, sa malabis na pagpapalayaw.

Siya ang naging dahilan ng malimit na pagkakagalit ni Conrado at ni Impong Sela. May mga pagkakataong ang anak at ang ina ay nagkakapalitan ng maiinit na sagutan, ngunit kailanman, palaging ang matanda ang nagtatagumpay. Hindi niya mapapayagang masaling man lamang ng ama ang kanyang si Pepe.

At saka ngayo’y…

Si Impong Sela’y nagsimulang mag-isip nang malalim. Kailangang si Pepe’y maligtas sa kuko ng kamatayan. Sa kanyang pagkalito ay pumasok sa diwa ang gunita ng mga santo, panata, debosyon…

A…!

“Mahal na Hesus Nazareno!” ang kanyang marahang bulong kasabay ang pagtitirik ng mga mata. “Para Mo nang awa! Iligtas Mo po ang aking apo at magsisimba kami ng siyam na Biyernes sa Quiapo. Huwag Mo Po siyang kunin.”

Natatandaan pa niyang ang panata ring yaon ang nagligtas sa kanyang anak na ama ni Pepe nang ito’y pitong taon pa lamang. Kahimanawari’y ito rin ang magligtas naman sa kanyang apo!

Maya-maya, ang maysakit ay kumilos. Dahan-dahang idinilat niya ang kanyang mga matang wari ay nananaginip at saka tumingin-tingin sa kanyang paligid. Hindi naglaon at namataan niya ang kaniyang impo sa kanyang tabi. Inilabas niya ang kanyang kamay sa kumot at saka iniabot ang kamay sa matanda.

“Lola,” ang mahinang tawag.

“Oy, ano iyon, iho?” ang tugon ni Impong Sela sabay pihit at yumukod nang bahagya upang mapakinggan niyang mabuti ang sasabihin ni Pepe.

“Nagugutom ako.”

“Ikukuha kita ng gatas.”

“Ayoko. Sawa na ako sa gatas.”

Ang matanda ay nag-atubili. Gatas, sabaw ng karne, katas ng dalandan, tsaa at wala na. Ang mga ito lamang ang maaaring ipakain sa kanya ayon sa bilin ng doctor.

“Ibig mo ng kaldo, anak?”

“Ayoko!”

“Katas ng dalandan?” Kangina lamang umaga’y itinulak niya at natapontuloy ang idinulot ng matanda. At si Pepe’y ayaw na ayaw ng tsaa, noon pa mang siya’y malakas.

“Lola, nagugutom ako!” Ang tinig ni Pepe’y may kahalo nang pagkainip.

“Sandali lang iho,” sabay tindig ng matanda at lumabas sa silid.

Pagkaraan ng ilang sandal, si Impong Sela’y nagbalik na taglay na sa kanyang kamay ang isang pinggan ng kaning sinabawan ng sinigang na karne at isang kutsara.

“Eto, anak, ngunit huwag kang kakain nang marami, hane?”

Pagkakita sa pagkain, si Pepe’y nagpilit na makaupo ngunit pabagsak na napahigang muli sa unan. Ang matanda’y nagmamadaling lumapit sa apong nanghihina.

“Huwag kang pabigla-bigla, iho,” aniya, samantalang inaayos ang mga unan sa tabi ng dingding. “O, dito ka sumandal.”

Sa tulong ng kanyang lola, si Pepe’y nakasandal din sa unan. At siya’y sinimulan nang pakainin ni Impong Sela. Isang kutsara. Dalawang kutsara. Tatlo. Apat. Katulad ng isang hayok na hayok sa gutom ay halos sakmalin ni Pepe ang bawat subo ng kanyang lola.

“Nanay! Ano ang …..” Si Conrado’y patakbong pumasok sa silid at tinangkang agawin mula kay Impong Sela ang pinggan ng kanin ngunit huli na! Ang pinggan ay halos wala nang laman.

“Nanay! Wala ba kayong isip?” ang sa pagkabigla ay naibulalas ni Conrado. “Hindi ba ninyo nalalaman ang bilin ng doktor na….

“Ow, hayaan mo ako!” ang madaling putol sa kanya ng matanda. “Nalalaman ko kung ano ang aking ginagawa. Paano lalakas ang bata kung papatayin ninyo sa gutom? Hindi siya mamatay sa kaunting kanin. Bayaan mo siyang mamatay na nakapikit ang mata at huwag nakadilat. Totoooooy! Neneeee!”

Ang dalawang maliliit na kapatid ni Pepe’y tumatakbong pumasok sa loob ng silid.

“Huwag kayong tatakbo! Hindi ba ninyo nalalamang may sakit ang inyong kapatid? O, kanin ninyo ito,” at idinulot ni Impong Sela sa mga bata ang natirang pagkain ni Pepe, “saying kung itatapon itong grasya ng Diyos.”

“Huwag!” ang halos naisigaw ni Conrado. “Inay, hindi ba ninyo nalalamang si Pepe’y may tipus?”

“E, ano ngayon? Ang mga bata ay mahahawa, hindi ba?” anang matanda sa tinig na naghahamon. “ Ang hirap sa inyo’y pinaniniwalaan ninyong lahat ang dala rito ng mga Amerikano. May korobyo kuno ang sakit ni Pepe na siyang makakakain ng mga bata. Tse! Bakit noong kapanahunan namin, walang pakulo-pakulo ng tubig, walang poso-artesyano, at nanggagaling lamang sa balon an gaming iniinom na kung minsan ay may liya pa. Tingnan mo ako. Gaano na ako katanda ngayon? Kung ang korobyong iyang pinagsasabi ninyo ay totoo, bakit hindi ako namatay? At kayong mga tubo sa panahong ito na masyadong delikado sa lahat ng bagay, ilan sa inyo ang umaabot sa edad namin? Kaululang lahat iyang pinagsasabi ninyo. Kung ibig ng Diyos na ikaw ay mamatay ay mamamatay ka, magpagamot ka man sa isang libong doktor. Sa kanya ka umasa at huwag sa kalokohan. Kanin ninyo ito,” ang baling sa mga apo, “at huwag kayong parang tuod sa pagkakatayo!”

Si Totoy at si Nene ay nag-atubili at tinapunan ng tingin ang kanilang amang pagkatapos ng mahabang “sermon” ng kanilang lola ay walang nagawa kundi ang magsawalang-kibo na lamang.

“Bakit, natatakot ba kayo?” ang tanong ni Impong Sela sa kanyang mga apo. Hinagisan pa man din ng isang irap ang kanyang mga anak, at saka hinugot ang tsinelas mula sa kanyang paa. “Tingnan natin kung sino ang masusunod sa bahay na ito! Kanin ninyo ito, kung hindi’y….”

Nanginginig na sumunod ang mga bata, samantalang ang kanilang ama’y tumatanaw na lamang sa labas ng durungawan.

Kinabukasan, si Pepe’y nahibang sa lagnat. Nagbalik ito sa matinding bugso na siyang hindi ikapalagay ng maysakit. Tila siya iniihaw, pabiling-biling sa hihigan, at nakalulunos kung humahalinghing. Sa mga mata ni Sinang na ang kanyang ina ay nalalarawan ang isang paghihirap ng kaloobang isang ina lamang ang maaaring makadama sa gayong mga sandal, samantalang minamalas niya ang kahambal-hambal na ayos ng kanyang anak. Naroon din si Impong Sela. “Masama ang kanyang lagay.”

Hindi nagkamali ang doktor. Sa loob ng sumunod na oras ay pabali-balikwas si Pepe sa higaan at naghihiyaw ng kung anu-anong ikinakakagat ng labi ng mga nakamamalas. Ang mga luha ni Sinang ay tila walang lagot na tanikala. Walang patid. Walang-tila. Ang mga ngipin ni Conrado’y nagtitiim. Samantalang si Impong Sela’y bumubulong ng walang katapusang mga panalangin.

“Sinang,” ang marahang tawag ng lalaki sa kanyang asawa, “huwag kang umiyak. Ang mabuti kaya’y dalhin natin siya sa ospital.”

“Ospital? At nang siya’y pabayaang mamatay roon? Hindi! Huwag ninyong madala-dala si Pepe ko sa ospital. Kung kayo’y nagsasawa nang mag-alaga sa kanya ay bayaan ninyo kaming maglola. Maaalagaan ko rin siyang mag-isa. Mabuti ka ngang ama! Noong ikaw ay maliit pa, sa tuwi kang magkakasakit ako ang nagtitiyaga sa iyo at hindi kita inihihiwalay sa aking mga paningin. Kung ito’y hindi mo magagawa sa sarili mong anak ngayon hayaan mo’t ako ang gagawa!”

“Ngunit, Nanay!” nasa tinig ni Conrado ang pagsusumamo at pagmamakaawa. “Ano an gating magagawa rito? Kulang tayo sa kagamitan. Samantalang sa ospital…”

“Samantalang sa ospital,”” kapag si Impong Sela’y nagsimulang manggagad, siya’y handing makipaglaban, “lalo na’t ikaw ay nasa walang bayad, ay titignan ka lamang nila kung kalian ka nila ibig tingnan. Ano ang kuwenta sa kanila ng isang maysakit na hindi naman nila kaanu-ano? Mamatay ka kung mamatay, ano ang halaga sa kanila niyon? Tingnan mo ang nangyari kay Kumareng Paula, isang araw lamang sa ospital at … Ave Maria Purisima! Huwag ninyong galawin ang apo ko! Hindi maaari!”

Sa mukha ni Conrado ay biglang sumulak ang dugo! Ibig niyang humiyaw ibig niyang maghimagsik, ibig niyang magtaklob na ang langit at lupa!

Ngunit mula sa kanyang nangangatal na mga labi ay walang namutawi kundi ang impit na “Diyos ko!!!” Sa gitna ng kanyang pagluha, ang mabait na si Sinang ay lumapit sa asawa at tinapunan iyon ng isang “hayaan-mo-naang-Nanay” na tingin. Kasabay ang isang malalim na buntunghininga si Conrado’y nalugmok sa isang likmuan. Ang salitaan ay napinid na.

Umagang-umaga kinabukasan, nagtaka na lamang sila’t natagpuan sila sa isang sulok si Impong Selang nanangis, umiiyak na nag-iisa. Siya’y hindi man lamang tinuluan ng luha ng si Pepe’y naghihirap at saka ngayon pang si Pepe’y matiwasay na, salamat sa suwerong tinusok sa kanya ng manggagamot ay saka…

“Bakit, Nanay?”” ang namamanghang tanong ni Conrado.

“Naiisip-isip ko,”ang kanyang hikbi, “ang anak na dalagita ni Juan ay kamamatay lamang noong isang linggo!”

“O, ay ano? Lalo naming namanghang tanong ng anak na hindi maiugpong ang pagkamatay ng anal ni Mang Juan sa mga luha ng kanyang ina.

“Iya’y totoo! Huwag mong pagtatawanan ang matatandang pamahiin. Marami na akong nakita. Iya’y hindi nagkakabula.”

“Pawang nagkataon lamang ang nakita ninyo. Huwag ninyong guluhin ang isip ninyo sa kaululang iyan.”

“Ang isa pa,” ang patuloy ng matandang hindi siya pinapansin,  “kagabi, ang mga manok ay nagputakan. Nang ang nasira mong ama ay namatay ay ganyan din ang nangyari noong huling gabi bago siya pumanaw. Kaawa-awa Pepe kooo!”

At…

Kataka-taka o hindi kataka-taka, ang luha ni Impong Sela ay nagpatuloy ng pagdaloy hanggang ang mga luntiang damo sa ibabaw ng puntod ng pinakamamahal niyang apo ay halos isang dangkal na ang angat sa lupa.


Mohandas Karamchand Gandhi (Talambuhay)

Dito sa India, sa lalawigan ng Porbandar, noong ika-2 ng Oktubre, 1867 isinilang si Mohandas Karamchand Gandhi. Ang kanyang pamilya ay Hindu, at sinunod ang lahat ng tradisyon ng India. Pinalaki siya ng kanyang ama sa magagandang halimbawa ng buhay. May isang pangyayari sa kanyang kabataan na nagsilbing panuntunan niya sa buhay. Minsan siya’y nagkamali at nagtapat sa kanyang ama. Sa halip na siya’y kagalitan at parusahan, ito’y napaiyak at siya’y niyakap nang buong pagmamahal at pang-unawa.

Si Gandhi ay nagtungo sa London upang mag-aral ng pagkamanananggol. Ngunit pagbalik niya sa India, nahirapan siyang manungkulan kaya’t tinanggap niya ang isang tungkulin sa Timog Africa, na kung saan marami siyang kababayang nagtatrabaho.

Doon nakita ni Gandhi ang mga paghihirap sa mga Hindu, at ang malaking agwat ng pagkakaiba sa pakikitungo ng mga Puti sa mga hindi nila kakulay ng balat.

Masidhing tinutulan ni Gandhi ang gayong kawalang-katarungan. May isang pangyayari sa loob ng korte na hindi niya malilimutan. Inutusan siya na mag-alis ng turban, ngunit mahinahon siyang tumutol at lumisan. Minsan naman sa isang tren na kinasasakyan ni Gandhi, bagama’t ang tiket niya ay first class siya’y pinalilipat sa third class sa dahilang siya’y hindi Puti kundi isang Indian. Hindi siya tuminag sa pagkakaupo at ipinaglaban ang kanyang karapatan sa upuan ng tren. Siya’y itinapon sa labas ng tren ng mga konduktor. Nangangatog sa isang sulok ng istasyon, isinumpa ni Gandhi na hindi siya muling magpapaapi nang ganoon kahit na mahirapan pa siya.

Simula noon, ang kanyang naging misyon ay ang tahimik at mapayapang rebolusyon. Sinabi niya sa kanyang mga kababayan na huwag pumikit sa kawalang katarungan at pang-aapi. At binalaan din sila ni Gandhi sa maaaring danasin sa hindi nila pagsunod. Ibinigay niyang halimbawa ang di-ilang ulit niyang pagkaaresto at pagkakulong.

Nang bumalik siya sa Timog Africa mula sa sandaling pagdalaw sa India, isang pangkat o grupo ng mga taong galit nag alit ang naghihintay sa kanya sa pantalan. Hindi sila sang-ayon sa kanyang simulain. Napigilan lamang ng asawa ng hepe ng pulisya ang mga tao kaya siya’y pinayagang makaalis at makapunta sa bahay ng kanyang kaibigan.

Nang gabi ring iyon, ang pulutong ng mga taong nag-aabang sa kanya sa daungan ay pinaligiran ang bahay ng kanyang kaibigan. Kailangang iligtas ni Gandhi ang kanyang kaibigan pati na ang tahanan nito. Nagpanggap siyang pulis at siya’y tumakas patungong istasyon ng tren.

Makalipas ang ilang taon, si Gandhi ay nagbalik sa India. Siya’y nagtatag ng mga pangkat na kakalaban sa mga Ingles. Sa pamumuno niya, tumanggi silang magbayad ng di-makatarungang buwis, hindi bumili ng panindang Ingles, nag-adhikaing maging Malaya, at nagsimulang di sumunod sa pinaiiral na mga kautusang Ingles.

Maraming ulit siyang napiit ngunit binalewala niya ito. Siya’y nakahandang makulong para sa marangal na dahilan. Maraming pagpapakasakit, at pagtititis ang ginawa niya upang makamit ang mabuting pagtingin at pakikitungo sa mga mayayaman, mga kaawa-awa at sa mababang pangkat ng lipunan sa India.

Ibig niyang sumapit ang kalayaan ng India. Ngunit nang ito’y maisakatuparan, wala ring namagitang kapayapaan sa dalawang malaking pangkat panrelihiyon, ang Muslim at Indian. Kapwa nagkasala ang dalawang grupong ito ng kabangisan at pagdanak ng dugo


Subalit ang pagpapakasakit ng isang tulad ni Gandhi upang maging tiwasay ang buhay ay hindi pinahalagahan ng ilan niyang kababayan. Noong ika-30 ng Enero, 1948, siya’y pinatay ng isang panatikong Indian na hindi makaunawa sa pagmamahal at paggalng ni Gandhi sa lahat ng uri ng relihiyon sa daigdig. 

HUMARAP SI DINONG SA DIYOS (Maikling kwento)

Buhay na buhay siya nang ipasok sa luntiang silid nang lumipas na labinlimang minute. Nang muli siyang ilabas ay bangkay nang tuwid na tuwid sa kamilya. Dalawang matipunong tanod ang may dala ng kamilyang natatakpan ng kumot na puti, dadalhin nila ang bangkay sa morge ng bilangguan.

Kasalukuyan pa lamang gumagapang ang apoy ng kuryente sa kanyang katawan sa pagkabaliti niya sa silya ng kamatayan ay nagpaunang tumakas na ang kaluluwa ni Dinong. Lumigtas na ng mag-isang tulad ng isang kaibigang walang mahal kundi ang sarili.

Gayon na lamang ang mangyayari, ayon sa babala ng pari. Hindi na hiniwalayan si Dinong ng pari sapul nang basahin sa kanya ng puno ng bilangguan ang patalastas na bibitayin siya sa loob ng apatnapu’t walong oras.

“Magsisi ka sa ‘yong mga kasalanan at tanggapin mo ang habag ng Diyos,” bilin ng pari kay Dinong habang isinasabit sa leeg niya ang rosaryong may malapad na kalmen. “Sa pagkamatay ng ‘yong katawang-lupa, ang kaluluwa mo’y mabubuhay nang walang hanggan sa bayan ng mga banal.”

Mataas ang boses na iginiit ni Dinong, gaya ng ginawi niya sa hukuman at sa ibang pagkakataon, na wala siyang kasalanan. “Nalalaman ng Diyos na ako’y inosente,” tahas na sabi niya. Ngunit iginiit din naman ng pari na siya’y magsisi, sapagkat walang taong nabuhay sa ibabaw ng lupa na hindi may sukat pagsisihan.

Tungkol sa ikinahatol sa kanya ng bitay, pauli-ulit na isisisigaw ni Dinong na iyo’y hindi niya ginawa.

“Huminahon ka, Anak,” tagubilin ng pari sa kanya. Haharap ka sa Kanya, ang kaluluwa mo at wala kang maitatago sa Kanya.

Ikinahapis ni Dinong na pati ang pari’y lumilitaw na walang paniwala hindi siya nagkasala, na walang batik ng dugo ang kanyang kamay sa katampalasang ipinasagot sa kanya ng hukuman. Datapwat ano ang kanyang magagawa, isa siyang sawimpalad na napag-itingan ng batas at kapisanan ng mga tao?

Hindi lumabas agad ang kaluluwa ni Dinong sa bibitayang silid. Natanto niyang walang nakakakita ni nakapapansin sa kanya. Nagyao’t dito siya, nagmalas, nakinig.

Tumigil siya sa harap ng silya elektrika at pinagmasdang mabuti ang kanyang dating katawan. Walang iniwan ito sa isang tiniban ng punong saging na biglang nawalan ng dagta, natuyo at naging balumbon ng marupok na saha. Nakalungayngay ang ulo sa dibdib, ngunit nakakapit pa nang mariin ang mga daliri sa dalawang pasamano ng silyang bakal. Kung hindi sa sinturong asero na nakasalo sa dibdib ay bumagsak na sana sa lapag ang katawang tinayantang ng elektrisidad, pati ng kaliit-liitang ugat. Nakatiim nang mahigpit ang mga labi, subalit nakadilat nang bahagya ang mga mata na ang dating liwanag ng mga balintataw ay nagtila malabong Kristal na nangingitim.

Kanyang pinanonood ang mga mukha ng mga pinuno at kawaning nasa loob ng silid. Walang isa mang may badha ng lumbay, ni pagkabahala, ni munting pagkaawa. Waring nasisiyahan ang lahat sa ginawa nilang sinadyang pagpatay sa kanya na hindi nagkaroon ng anumang sangka. Nasa anyo nila ang pagmamalaki ng isang taong nakaganap sa tungkulin nang buong katapatan. Nakalarawan sa ayos at kilos nila ang tamis ng tagumpay ng isang nakapaghiganti sa kinapopootan. Parang isang daga lamang ang kanilang kinitil.

Nakadama si Dinong ng lubos na pangungulila.

Ni isang kamag-anak ay walang nakaalalang makipagkita sa kanya bago siya bitayin o nagmalasakit na angkinin ang bangkay nitong siya’y patay na. Nagunita ni Dinong na talaga namang wala na siyang kamag-anak. At kung may mangisa-ngisa man siyang kaibigan ay nangawala’t sukat nang siya’y nabilanggo na, katulad ng mga ibong nagsilayo sa unang banta ng unos.

May asawa siya, si Tinay, na nagdadalang-tao noon. Ngunit ano ang nangyari sa kanya? Dumalaw siyang minsan, makalawa at hindi na naulit. Walang malay si Dinong hanggang noon na si Tinay ay namatay sa panganganak at nasawi rin pati supling sa sinapupunan. Talastas ni Dinong na si Tinay ay isinumpa ng ama niyon nang sumama sa kanya sa pagtatanan.

Iniwan ng kaluluwa ni Dinong ang bilangguan pagkalipat sa morge ng kanyang bangkay. Nakikita niya ang lahat ay walang nakakakita sa kanya. Siya’y kaluluwa, walang kalamnan at tagusang parang anino. Gayunma’y naiwan sa kanya ang pinakamahalagang sangkap ng isang nilikha at ito’y ang pag-iisip. Maliwanag at matalas ang kanyang pag-iisip na gaya noong siya’y buhay.

Tunay nga palang ganap na Malaya ang kaluluwa ng isang tao, o kung espiritu’y mahiwalay na sa katawan. Ngayo’y hindi na siya maaaaring piitin. Nakakakilos siya nang matulin at walang balakid. Halos kasimbilis ng kanyang isipan. At malayo siya pati sa daigdig na kanyang kinikilusan.

Unang tinungo ng kaluluwa ni Dinong ang dati nilang tinitirhan ni Tinay. Isang balangkas sa kumpul ng mga barung-barong. At doon nya nalaman ang nangyari. Namatay ang kawawa niyang asawa nang hindi man lang nadaluhan ng doktor. Ilang mahabaging kapitbahay ang sumaklolo, ngunit tuluyan ding pumanaw, pati ang sanggol ay hindi nailigtas. Nailibing si Tinay sa kawanggawa ng mga dukhang nakapaligid sa kanila. Hanggang sa kamataya’y tinikis siya ng kanyang ama, o baka kaya hindi man lamang babalitaan niyon.

Ipinasiya ng kaluluwa ni Dinong paghanapin ang mga kaluluwa ng kanyang mga mahal sa buhay. Dumalaw muna siya sa libingan, ngunit ng gabi’y hindi niya natunton ang huling himlayan ng nasirang asawa. Natiyak niyang inilibing si Tinay, sapagkat ito’y namatay, ngunit maaaring ang bauna’y hindi man lamang nalagyan ng tanda.

Isang pook ang dapat niyang paghanapan sa kanila, iyong tinukoy ng pari na “kabilang buhay”. Ninasa ni Dinong na makasapit doon sa madaling panahon.

Wala siyang alinlangan na iisang lugar ang pagtatalagahan ng Diyos sa kaluluwa ng kanyang asawa’t anak. Sa pagsunod niya sa pagdarasal nila ng pari ay kanya nang naisaulo ang “Mapapalad kayong mga dukkha, sapagkat inyo ang kaharian ng Diyos. mapapalad kayong nagugutom, sapagkat kayo’y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisistangis ngayon, sapagkat kayo’y magsisitawa. Mapapalad kayo kung kayo’y kapootan ng tao at kung kayo’y itakwil nila at kayo’y alimurahin at kasuklaman ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao. Magalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan, sapagkat naririto ang ganti sa inyo’y malaki sa langit… Datapwat sa aba ninyong mayayaman, sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong mga kaaliwan…”

At ang tila kawalang pag-asa ni Dinong na pasimula ay napalitan ng sariwang pag-asa. Kaya’t tumingala siya sa tayog ng himpapawid, at tinanaw niya ang dakong pinanggalingan ng mainit na liwanag ng araw.

Hindi nalaunan ay naramdaman ni Dinong na mandi’y nagkaroon siya ng mga pakpak at bigla siyang napaimbulog sa itaas. Pagkuwan ay nadama niyang anaki’y nakalulan siya sa isang eroplanong jet na inihahagibis siya sa kalawakan. Ngunit hindi nalulula ni natatakot. At hindi siya napapagod. Nasiyahan siya sa sarili, sapagkat kailanman ay hindi siya nagkaroon ng ganitong karanasan. Wala rin naman siyang gutom ni uhaw, mga damdaming hindi nahiwalay sa kanya noong siya’y buhay, maging nang batang paslit pa at hanggang noong may ganap nang gulang. Nakalipas na ang ilang araw sapul nang handaan siya ng saganang piging sa bilangguan, nang araw ring iupo siya sa silya elektrika.

Habang siya’y naglalakbay o lumilipad sa ibabaw ng panganorin ay nagbulay-bulay si Dinong. Sinariwa niya ang kanyang mga karanasan sa buhay. Nagising siya sa isang barung-barong. May sakit na paralysis ang kanyang ama, at ang kanyang ina ang tanging naghahanapbuhay. Tatlo silang magkakapatid na ang pinakabunso ay siya, lalaki ang panganay at babae ang kanyang sinusundan.

Ang ama niya’y dating anluwagi, ngunit minsa’y napahamak nang mahulog mula sa bubungan ng bahay na ginagawa nila. Nagtamo siya ng malaking sugat sa ulo, at sapul noo’y namatay ang kalahati ng kanyang katawan. Ang kanyang ina ang nagdala ng kanilang kabuhayan sa pagpasok sa isang pabrika.

Silang magkakapatid ay hindi man lang nakapag-aral. Kung natuto siyang bumasa’t sumulat ay utang sa kanyang sariling pagsisikap. Ang kanyang kuya ay naglalako ng peryodiko at ang kanyang ate’y siyang nag-aasikaso sa bahay.

Isang araw, ang kapatid niyang lalaki’y nagulungan ng trak at namatay sa ospital. Tumakas at hindi nakilala ang tsuper na nakasagasa.

Hindi nalaunan ay biglang namatay ang kanyang ina gayong ang akala nilang mag-anak ay wala itong sakit. Ang matandang babae’y inutas ng sakit sa puso.

Ilang buwan lamang pagkaraan noon ay nagisnan nilang magkapatid na hindi humihinga ang kanilang ama. Sinadya niyang magpatiwakal.

Ang kanyang ate ang humalili sa gawain ng kaniyang ina sa pabrika at siya namang naglako ng peryodiko. Nakaraos sila nang maluwag-luwag kaysa noong buhay pa ang kanilang mga magulang at kapatid na panganay, ngunit sa kanilang puso’y higit nilang minabuti kung buhay pa sana ang tatlong yaon.

Parang hinuhugot ang panahon. Walang anu-ano ang ate niya’y isa nang dalaga at siya’y nagpantalon na ng mahaba. May itsura ang kanyang ate, at ilang binata sa  lugar nila ang madalas magpalipad-hangin sa kanya. Kung minsa’y sasabayan siya sa pagpasok at pag-uwi buhat sa pabrika.

Samantala, sa isip ni Dinong ay hindi pumapasok ang babae. Ngayong magbibinata na’y aprentis siya sa isang talyer. Ibig niyang maging mekaniko. Bilang aprentis, siya’y binibigyan lamang ng panggastos sa isang pagkain, sa pasahe at sa sabon. Ang ate niya ang bahala sa kanilang kailangan sa bahay.

Isang araw, ang ate niya’y hindi umuwi kinahapunan. Pinaroonan niya sa pabrika’y wala na roon, umuwi raw sa oras ng labasan. Naghanap siya at nagtanong sa dalawang araw na sumunod, ngunit hindi na niya natunton.

Ipinalagay ng pulisya na ang kanyang ate’y dinukot ng ilang paslang na lalaki, ngunit wala siyang katibayan. Wala ring masabi ang mga binata sa kanilang lugar na nagpapahiwatig ng kanilang pagkakagusto sa kapatid na dalaga.

Nang sumasahod na si Dinong sa talyer ay narahuyo siya sa anak ng kanilang kapatas. Kanyang niligawan at itinanan nang sila’y magkagustuhan. Ang doteng tinanggap niya sa ama ng kanyang naging asawa’y ang palayasin siya sa talyer.

Nag-iibigan sila ni Tinay, ngunit madalas silang makaramdam ng kalam ng sikmura. Si Tinay ay lubusang itinakwil ng kanyang ama, sa galit niyon sa anak na iniwan ang pag-aaral at mga magulang at sumama sa isang patay-gutom.

Walang pinagkakakitaan at walang mapag-ukulan ng panahon, nakahalubilo si Dinong ng ilang binata sa lugar nila. May nagtanong sa kanya kung siya’y marunong magmaneho ng awtomobil. Mangyari pa, sabi ni Dinong. Kinasundo siya ng kanyang mga kausap na babayaran siya ng sampung piso sa ilang oras na pagmamaneho sa gabi.

Ikasiyam ng gabi nang hawakan niya ang manibela ng isang awtomobil. Isang binata ang nasa tabi niya sa unahan at dalawa ang nasa likuran.

“Mag-iislaming lamang tayo at magpapakorner-korner,” wika sa kanya ng pinakakapural. Sinabi sa kanyang ituloy niya sa naitklub sa Boulevard.

Umakyat sa bahay-aliwan ang tatlo, ngunit si Dinong ay nagpaiwan sa awtomobil. Pagkaraan ng isang oras, sila’y nagpasinaog uli. Sinabi kay Dinong na dalhin sa San Nicolas, iniliko sa isang eskinita at itinigil sa harap ng isang pintuan. Naiwan din si Dinong sa manibela.

Walang dalawampung minute ay ginulantang ang gabi ng sunod-sunod na putok ng punglo. Di kaginsa-ginsa’y humahagibis sa loob ng awto ang pinakakapural at humahangos na inutos kay Dinong na patakbuhin ang sasakyan. Ilang metro buhat sa kanilang pinanggalingan ay nasabat na sila ng dalawang police patrol. Nagpaputok ang kapural ngunit nalugmok siya sag anti ng mga alagad ng batas.

Nang gabi ring yaon, sa pagsisiyasat sa himpilan ng pulisya, nabatid ni Dinong ang buong nangyari. Tinangka nilang dambungin ang bodega, pinatay nila ang tanod, at sa pagpuputukan ay nakapatay sila ng isang pulis, nasawi ang dalawang kasama at nautas din ang kapural. Si Dinong ang lumitaw na puno ng masasamang-loob.

Nilitis siya sa sakdal na sama-samang panloloob at pagpatay.

Walang manananggol ni walang saksi, liban ang kanyang sarili, si Dinong ay hinatulan ng bitay.

Taglay ang panggigipuspos sa kawalang-katarungan ng buhay sa ibabaw ng lupa, nagunita ni Dinong ang sabi sa kanya ng pari sa bibitayang silid na “Tanggapin mo ang habag ng Diyos at …. ang kaluluwa mo’y mabubuhay nang walang hanggan sa bayan ng mga banal.”

Patungo siya ngayon sa bayan ng mga banal. Ang pagkakataong ipinagkait sa kanilang mag-anak, mula sa kanyang ama at ina, hanggang sa kanyang mga kapatid, gayon din sa kanya, sa kabila ng malinis na buhay, marangal na hangarin at walang sawang pagtitiis sa “kapatagan ng luha” sa inaasahan ni Dinong na gagantimpalaan sa kaharian ng mga langit. Sapagkat hindi ba ang Diyos ay katarungan, kawanggawa, pag-ibig?

Matiwasay na sumapit si Dinong sa pinto ng kalangitan. Maluwang ang pinakatanggapan ng bantay-pinto, ngunit naging maliit din sa kapal ng mga kaluluwang naghihintay. Nagunita ni Dinong ang mga desempleado sa Maynila, kung sila’y nag-aagawang magprisinta sa isang puwestong bakante na nabasa sa anunsiyos klasipikados ng pahayagan.

Naisip niyang katakut-takot pala ang kaluluwang nagnanais makapasok sa langit. at itsura ng mga nakapila sa harap ng takilya ng isang sine sa Avenida Rizal na nagtatanghal ng isang bantog na pelikula.

Inilibot ni Dinong ang kanyang paningin sa pagbabakasakaling may makilala siya o makakilala sa kanya, ngunit wala. Ni ang tatlong napatay ng pulisya sa panlooob na naging dahilan ng pagbitay sa kanya.

Tungkol sa kanyang mga magulang at kapatid, anaakala niyang nasa loob na sila. at si Tinay, ang mabait niyang asawa, at ang kanyang bunso? Di sasalang sila’y nasa loob na rin. Ngunit makilala kaya ng kanyang ama’t ina ang kanyang asawa at ang kanilang apo? Hindi na sila nagkita-kita sa lupa. Ngunit bahala na. Pagtatagpo nila’y magiging isang maligaya silang mag-anak, na hindi na babagabagin ng kawalan ng bigas na isasaing, ng banta ng kubrador sa ilaw, ng bubong na tumutulo pag-umuulan.

Walang anu-ano’y biglang nabuksan ang pintong pambungad, lumabas si San Pedro at kasunod ang isang langkay ng mga anghel na tumutugtog at nagsisiawit. Si San Pedro’y kamukhang-kamukha ng kanyang larawan, at nakasuot ng puti na parang isang Papa at sa ulo’y nakapatong ang koneteng pula. May malaki silang pagkakahawig ni Papa Juan XXIII. Sa malas ay hindi tumatanda si San Pedro. Matatag ang kanyang mga hakbang.

Lalapit sana si Dinong, ngunit pinigil siya ng isang kaluluwang naghihintay din. Sinabi nitong huwag niyang gambalain si San Pedro, sapagkat kasalukuyang idinaraos ang marangal na pagsalubong sa kaluluwa ng isang multi-milyunaryong taga-lupa.

Umasim ang mukha ni Dinong pagkarinig sa ibinalita ng kanyang katabi.

“Marangal na pagsalubong sa kaluluwa ng isang multi-milyonaryo?” taglay ang hinanakit na turing niya. “Isip ko ba’y mahirap umakyat ang mayaman sa pook na ito? Di ba ang Kristo ang nagsabi na lalong madaling magdaan ang isang kamelyo sa butas ng karayom kesa isang mayaman sa pinto ng langit? E, ba’t eto atang multi-milyonaryo sinalubong pa ni San Pedro sa gitna ng mga tugtugan at awitan. Samantalang tayo’y napapanis sap ag-aantay.”

“Tama ang sinabi ng Diyos Anak na mahirap makaraan sa pinto ng langit ang isang mayaman,” paliwanag ng kaluluwang kausap ni Dinong. “Mahirap makaraan, ngunit hindi niya sinabing hindi makaraan. Ano ang tagubilin ni Kristo sa nagnanasang sumama sa kanya? Di ba aniya’y ipagbili mo ang ‘yong mga ari-arian, ilimos sa mahihirap at sumunod ka sa ‘kin.’

“E, ganoon ba’ng ginawa ng multi-milyonaryong ito?”

“Pihong gano’n, pagkat kung hindi’y pa’no s’yang makapapasok dito? Siguro’y tumulong siya sa mga paaralan, nagpatayo ng mga ospital at ampunan, nagbukas ng mga aklatan at museo.”

“Talagang iba na’ng maimpluwensya,” bulong ni Dinong.

Nang matapos ang seremonya’y binalingan ni San Pedro ang makapal na naghihintay, na mga kaluluwa ng mga karaniwang karamdaman, kaya’t sinentensyahan upang lumapit sa kanya.

Halos hindi pa siya nagtatanong ay nagmamadaling isinalaysay ni Dinong ang kanyang buhay.

“Alam ko, alam ko,” sabi ni San Pedro.

Ikinumpas nito ang kanang kamay niya at biglang nagkaroon iyon ng isang pluma at dalawang pilas na papel.

“Isulat mo riyan,” aniya. “At ihaharap ko agad sa Diyos Ama.”

Maingat na itinala ni Dinong ang buong istorya niya sa kalupaan, ang kanyang mga kasawian pagkabata pa, ang disgrasya ng kanyang ama, ang pagkamatay ng kanyang ina sa kahirapan, ang sakuna ng kanyang kapatid na lalaki, ang pagdukot sa kanyang ate, ang pagkasawi ng asawa niya sa pagsisilang at sa dalamhati, at ang malupit na parusa at pagbitay sa kanya, gayong nalalaman ng Diyos na wala siyang kasalanan. Inihabol ni Dinong na wala siyang sinisisi sa lahat ng nangyari, sapagkat nananalig siyang ang tunay na katarungan ay maigagawad lamang ng Di-Matingkalang Kapangyarihan na batas ng lahat ng katarungan at pag-ibig.

Nang makaalis si San Pedro ay ibig batiin ni Dinong ang kanyang sarili at waring ipinagmamalaki ang mabuting kapalaran niya sa ibang nangaroon. Sa dinami-dami nga naman ng mga naunang naghihintay ay siya ang bukod-tanging pinili na binigyan ng pluma at papel. At ang kanyang application ang isang mag-isang ipinasok upang isulit.

Payapang tinunghayan ng Diyos ang papel na iniabot sa kanya ng tanod sa pinto ng kalangitan. Pagkuwa’y nailing siya, nangagat-labi at atubiling nagturing.

“Pedro, wala akong mukhang maihaharap sa taong ito. Labis ang kanyang kaapihan. Sino sa ‘ting mga santo ang nagtiis nang higit sa kanyang mga tiniis, at sa gitna ng bagong sibilisasyong nagpapanggap na may loob sa Diyos?”

Magmumungkahi sana si San Pedro, ngunit naunahan siya ng Diyos.

“Mabuti’y sabihin mong saka na siya magbalik,” iniatas niyon.


Biglang naunsiyami sa hapis ang kaluluwa ni Dinong nang marinig niya ang pasiya ng Diyos, sa bibig ni San Pedro. Ngunit yuko ang ulong tumalima siya, bagaman wala siyang malay kung saan siya paroroon at kung kalian siya dapat bumalik. Habang paalis siya ay nasa isip ni Dinong ang ginaawang pagsalubong sa mapalad na multi-milyunaryo.

ANG PAGHULI SA IBONG ADARNA (Kwentong Bayan)

Halos tumigil ang paghinga ni Don Juan nang matanawan ang ibong lumilipad na papalapit. Ito na marahil, naisaloob niya, ito na ang ibong hinahanap niya.

Mula nang umalis siya sa sariling bayan upang hanapin ang Ibong Adarna ilan na bang bundok ang nilakbay niya? Hindi na halos mabilang ni Don Juan. Ang tanging alam niya, kailangang matagpuan niya at maiuwi ang ibong ito.

Parang hapung-hapong dumapo ang ibong sa isang malabay na sanga ng puno ng Piedras Platas. Sa pagkakaupo sa ilalim ng punong ito, na tahanan ng Adarna, muling nagbalik sa isip ni Don Juan ang mga pangyayaring naghatid sa kanya sa pook na iyon. Malubha ang kanyang amang hari at ayon sa manggagamot ng kanilang kaharian, tanging ang awit ng Adarna ang makapagpapagaling dito.

Unang naglakbay ang panganay niyang kapatid na si Don Pedro. Pagkalipas ng ilang buwan, nang hindi bumabalik si Don Pedro, si Don Diego naman ang  naglakbay. Hindi rin nakabalik si Don Diego, kaya’t siya, ang bunsong si Juan, ang lumisan upang maghanap sa ibon, at sa dalawang kapatid na naunang umalis. Ilanga raw siyang naglakbay hanggang sa nakatagpo siya ng matandang pulubi na pinakain niya at pinainom ng kanyang baon. Bilang pabuya sa kanyang kagandahang loob, tinulungan siya ng matanda-sinabi nito kung saan matatagpuan ang ibong hanap niya.

Di nagtagal, narinig ni Don Juan ang malambing na awit ng ibon. Napakatamis ng awit ng ibon, parang hinihila siyang matulog. Kinuha ng binata ang kutsilyo sa kanyang bulsa at sinugatan ang sariling palad. Pagkatapos, gaya ng bilin sa kanya ng matandang ermitanyo, pinatakan niya ng katas ng dayap ang sugat. Halos maiyak ang prinsipe sa tindi ng kirot kaya’t biglang napalis ang kanyang antok.

Matapos umawit, nagbago ang kulay ng balahibo ng ibon. Ang kanina’y parang perlas na balahibo ng ibon ay nagkaroon ng iba’t ibang masisiglang kulay na higit na maganda kaysa una.

Tama ang sabi ng ermitanyo, naisaloob ni Juan. Ayon sa matandang ermitanyo, pitong beses na await ang ibon, at pitong beses ding mag-iiba ang kulay ng balahibo. Nakapagpapaantok ang matamis na awit ng ibon, kaya’t upang di siya makatulog, sinunod ni Don Juan ang bilin ng matanda. Ang kutsilyong ibinigay sa kanya ang ipinanghiwa niya sa sariling palad at katas ng pitong dayap ang ipinatak niya sa sugat.

Magmamadaling-araw na nang makatapos ng pitong awit ang Ibong Adarna. Gaya ng sinabi ng matandang ermitanyo, ugali ng ibon na magbawas bago matulog. Alam na ni Don Juan ang kanyang gagawin. Umilag siya nang makitang pabagsak na sa kanya ang dumi ng ibon-kung di siya nakaiwas, tiyak na naging bato siya.

Naghintay-hintay pa ng ilang sandal ang prinsipe at nang inaakalang mahimbing na ang ibon ay dahan-dahan niyang inakyat ang puno at biglang sinunggaban sap aa ang ibon. Dali-dali niyang inilabas ang gintong paneling kaloob ng ermitanyo at itinali ang ibon na tulog na tulog pa rin-nakabuka ang mga pakpak at dilat na dilat ang mga mata na parang gising.

Tuwang-tuwa si Don Juan. Hawak ang nakataling ibon ay masiglang nilandas ng prinsipe ang daang pabalik sa kubo ng ermitanyo. Noon pa’y nakikini-kinita na ng binata ang muling paglusog ng kanyang amang hari sa sandaling maiuwi niya ang Ibong Adarna.


ANG KODLA NG MGA IFUGAO (Kwentong-bayan)

Ang mga Ifugao ay may isang mahalagang agimat na nagpapatapang sa kanila kung sila ay makikidigma, maglalakbay ng malayo, mangangaso sa masinsing kagubatan o tatawid sa malalaking ilog. Tinatawag itong kodla o kiwil. Ang agimat na ito ay maaaring sa anyo ng isang maliit na bato, isang pirasong buto, isang maliit na bubuli, o tinipong mga damo ngunit ang paniniwala sa kanyang kapangyarihan ay di kailanman mapag-aalinlanganan ng mga matatandang Ifugao. Ang kodla ay isang pambihirang ari-arian at mapalad ang isang Ifugao na nagmamay-ari ng isa nito, dahil igagalang at katatakutan ng mga kapatid niyang di naging mapalad.

Ang kodla ay isang agimat na pinaghirapang makamit ng unang nagmay-aring mga Ifugao. Isasalaysay ng kwentong ito kung paano nakamit ni Cabigat ang unang kodla na isinalin mula sa nakaraang henerasyon hanggang sa kasalukuyan.

Noong unang panahon ay may mag-asawang nanirahan sa Lamut na nagngangalang Cabigat at Bugan. Sila ay masasaya dahil marami silang panustos na pagkain at mga hayop. Isang araw, lumabas si Cabigat para sa kanyang karaniwang pamamasyal sa mga kalapit na nayon. Habang siya’y wala, inilabas ng kanyang asawang si Bugan ang kanyang panghabi upang humabi ng isang tapis. Noong dakong hapon, isinampay niya ang dinatapos na tapis sa silong ng bahay. Siya’y nagbayo ng palay para sa hapunan at agahan.

Sa Ambato, naisipan ni Puwek, ang bathala ng bagyo, na mamasyal sa mga kabundukan, burol at lambak. Sinimulan niya ang kanyang paglalakbay sa pamamagitan ng pagdaraan sa ilang nayon hanggang sa makarating siya sa Lamut isa itong mapanirang paglalakbay dahilsa lahat ng maraanang mga punong-kahoy at pananim ay walang-awang nasisira. ang panghabi rin ni Bugan ay tinangay at nasira at ang palay na kanyang binabayo ay kumalat sa lupa. Ang kaawa-awang si Bugan ay umiiyak na napaupo samantalang nagdaraan ang nagngangalit na hangin. Pagkatapos ng bagyo, si Cabigat ay umuwi.

Subalit ano ang kanyang nakita? Nakita niyang ang lahat ng kanyang mga punong namumunga ay nabuwal at ang panghabi at palay ay nakakalat sa lupa. Namamaga rin ang mga mata ni Bugan dahil sap ag-iyak. Walang kibo si Cabigat. Wala siyang masabi kahit isang salita dahil sa kaloob-looban ng kanyang puso ay pulos pagkagalit. Minsan pang tinanaw ang naging masamang kapalaran. “Bakit? Sino ang gumawa ng lahat ng ito?” punung-puno ng damdaming nawika ni Cabigat.

Dahan-dahang itinaas ni Bugan ang kanyang ang kanyang ulo at sumagot, “Dumating sa hapong ito si Puwek at walang awing ibinuwal ang lahat ng ating namumungang puno, sinira ang aking panghabi at ikinalat ang lusong. sumisigaw ako sa pagmamakaawa ngunit hindi niya ako pinakinggan.”

Tulad sa isang ulol na leon, pumasok sa bahay si Cabigat at kinuha ang kanyang sibat at palakol. Nagbalot siya ng ilang pandikit at nanaog. At saka sinabi sa kanyang asawa, “Bugan dumito ka sa bahay at alagaan ang naiwan nating ari-arian. Susundan ko si Puwek, ang bathala ng bagyo. Nais kong ipaghiganti ang lahat ng paninirang kanyang dinala sa ating masayang tahanan.” At pagkatapos ay di na naghintay ng kasagutan, si Cabigat ay nagsimula sa kanyang mapanganib na paglalakbay.

Madali niyang nasundan ang kanyang kaaway dahil sinundan lamang niya ang mga daang may palatandaan ng paninira. Mahaba ang paglalakbay ngunit matapang niyang nilakbay ang mga kabundukan hanggang sa wakas ay narrating niya ang Ambato. Sa kanyang labis na pagkamangha, natagpuan niyang ang bahay ni Puwek na isang engkantadong lugar. Ito ay malaki at panay bato. Sa ilalim ay may isang tunnel na siyang kinaroroonan ng kuwarto ni Puwek. Walang nabubuhay na bagay sa paligid-ligid ng bato. Pagpapakamatay sa sinuman ang lumapit sa engkantadong lugar, ngunit di natakot si Cabigat. Naroon siya upang maghiganti.

“Ano’ng aking gagawin upang siya ay mapatay?” tanong niya sa kanyang sarili. “A, siyanga pala, sasarhan ko ang kanyang pintuan at hahayaan siyang mamatay sa gutom sa sarili niyang kuwarto.”

Sinimulang isagawa ni Cabigat ang kanyang balak. Kinuha niya ang kanyang palakol at pinutol ang lahat ng malalaking puno ng pino. Isinalansan niyang lahat ang mga pinutol na puno sa pintuan. “Ngayon, Puwek, hipan mong mabuti at tingnan kung gaano ka kalakas,” sigaw ni Cabigat.

Nagmamadaling lumabas ang bathala ng bagyo at hinipang lahat ang mga troso. Lumipad silang lahat nang mataas sa lahat ng direksiyon. Muling pumasok si Puwek sa kanyang kuwarto nang walang sinabi kahit na isang salita.

Hindi nawalan ng pag-asa, si Cabigat na galit na galit ay naupo upang umisip ng ibang balak para makapaghiganti. Naisip niyang sarhan ang pinto ng mabibigat na mga troso. Kinuha niyang muli ang kanyang palakol at nanguha ng mga punong yakal. Dinala niya sa bungad ng pinto at itinayo niya ang kanyang pader sa pangalawang pagkakataon. Sa pamamagitan ng dinala niyang pandikit, pinagdikit niya ang mga siwang sa mga troso. At pagkatapos ay buong lakas siyang sumigaw, “Puwek, hipan mong muli gusto kong subukin ang iyong lakas.”

Kaya muling lumabas si Puwek at hinipang palayo ang bakod. Pinagsikapan niyang mabuti subalit hindi siya makalabas. Naramdaman niyang nahihirapan siyang huminga.

“Sino kang napakatapang para pumarito sa engkantado kong tahanan? Ikaw lamang ang taong nakarating sa pugad ng aking pintuan,” sigaw ng bathala ng bagyo.”

“Ako si Cabigat ng Lamut sinundan kita dahil sinira mo ang aking mga namumungang puno at ang panghabi ng aking asawa, at iyong itinapon ang palay na kanyang binabayo.”

Naramdaman ni Puwek na siya ay lalong hindi makahinga sa loob ng kanyang kuwarto, kaya nagmakaawa siya kay Cabigat na buksan ang pinto at nangakong di siya sasaktan.

“Hindi,” galit na sagot ni Cabigat “Hindi mo kinaawaan ang aking asawa nang siya’y magmakaawa sa iyo. Kaya gusto kong ipaghiganti ang lahat ng mga paninirang iyong ginawa sa aking masayang tahanan.

Sa loob ng tunnel, humina nang humina si Puwek. Pinilit niyang hipan ang bakod ngunit wala siyang magawa. Halos hindi siya makahinga dahil ang pintuan ay sinarhan, kaya muli siyang nagmakaawa.

“Cabigat, maawa ka iligtas mo ang aking buhay. Kung ako’y iyong ililigtas, ituturo ko sa iyo ang seremonyas sa paglilinang ng palay. Magiging higit kang mayaman kaysa noon kung matutuhan mo ang bagay na ito,” sigaw ni Puwek.

Muling sumagot si Cabigat, “Hindi, hindi ko kailangan ang iyong iniaalok. Mayaman ako sa Lamut at alam ko ang seremonyas sa paglilinang ng palay.”

Nang ang bathala ng bagyo ay nasa bingit na ng kamatayan, muli siyang nagmakaawa. Ang wika niya’y, “Ibibigay ko sa iyo ang aking kodla at ituturo ko sa iyo ang kiwil. Isang bagay itong makapangyarihan at magpapayaman sa iyo.”

Dahil sa kiwil, napaniwala si Cabigat. Inalis niya ang mga troso at masayang lumabas si Puwek. Pagkatapos ay ngumanga siya ng hitso.

Inilabas ni Puwek ang mahiwagang bato at ipinakita sa kanyang bagong kaibigan. “Mahalaga sa akin ang batong ito,” wika niya. “Hindi ako nararapat mawalay dito, ngunit iniligtas mo ang aking buhay. Ibibigay ko ito sa iyo gaya ng aking pangako.” Pagkatapos ay itinuro niya kay Cabigat ang seremonya. “Sa iyong pag-uwi, huwag mong kalilimutang alayan ako at ang ibang mga bathala ng mga manok at baka, katutubong alak, upang manatili magpakailanman ang kapangyarihan ng iyong kodla.”

“Oo,” wika ni Cabigat “Gagawin kong lahat ang iyong mga sinabi.”

Kaya tinanggap ni Cabigat ang kodla mula sa nag-aatubiling kamay ni Puwek.


Sa kanyang daraanan, nakakita si Cabigat ng isang pulang ibong umaawit ng isang nagbababalang awit na nangangahulugan ng masamang kapalaran. Nagalit siya at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay itinuro niya ang pulang ibon. Ang tuka ng pulang ibon ay agad nabuksang tulad sa isang pares ng gunting. Ang kaawa-awang ibon ay di makapagsalita. Pagkatapos ay tumawa si Cabigat. “Mabuti, isa na akong makapangyarihang tao ngayon,” wika niya sa kanyang sarili. Ipinagpatuloy ni Cabigat ang kanyang paglalakbay. Sa isang bahagi ng daan, nakita niya ang isang kawan ng mga balang nagliliparan sa kanyang daraanan. Batid niyang isa itong masamang palatandaan para sa isang manlalakbay. Kaya kinuha ni Cabigat ang kanyang sibat at tinungayawan ang kawan ng mga balang. Ang kapangyarihan ng kanyang kodla ay muling nasubok sa pangalawang pagkakataon. Mula noon, si Cabigat ay lubos na naniwala sa kapangyarihan ng kanyang gantimpala.

Pagdating niya sa kanyang tahanan, tinipon niya ang kanyang mga kamag-anak at kapitbahay. Sa pamamagitan ng mga inihandang alak at mga manok, isinagawa nila ang seremonya ng pasasalamat. Hiningi nila ang pagpapala ng mga bathala sa daigdig sa itaas, gitnang daigdid, daigdig sa ibaba at kay Puwek na nagkaloob kay Cabigat ng kodla at nagturo sa kanya ng kiwil. Ipinagtapat ni Cabigat sa kanila kung paano niya nakamit ang gantimpala. Iginalang ng mga tao ang kanilang pinuno nang higit kaysa noon.

Masayang namuhay si Cabigat at ang kanyang asawa. Naging higit silang mayaman at higit na minahal ng mga tao. Tinuruan ni Cabigat ng kiwil ang ilan sa kanyang mga tao. Lagi siyang tinatawag upang magsagawa ng seremonya para sa kanila. Mula noon, ang Lamut ay naging higit na mapayapaa at maunlad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kodla at kiwil.

Sa kasalukuyan, ang mga Ifugao, lalo na ang mga matatanda, ay nagmamay-ari pa ng kodla. Natatandaan nilang mabuti sina Bugan at Cabigat para dito. Ang seremonya ng kodla at kiwil ay binibigkas sa gayong mga okasyon, gaya ng kung ang isang Ifugao ay makikidigma, bago at matapos ang isang mahabang paglalakbay, kung nag-uuwi sa bahay ng ilang bagong karne at sa pagkakasakit gaya ng pinaniniwalaan na dala ng masasamang espiritu. Pinaniniwalaan pa rin na ang taong nagmamay-ari ng kodla ay ligtas sa alinmang panganib saan man siya magtungo.  

ANG ALAMAT NG BALINTAWAK (Alamat)

Ang Balintawak ay isa sa pinakamasaysayang pook sa Pilipinas. At habang ang mundo ay mundo, iyo’y mananatiling buhay na sagisag ng isang madugong himagsikang nabunsod dahil sa malabis na pagkauhaw sa kalayaan at kasarinlan ng lahing kayumanggi sa bahaging ito ng sandaigdigan. Hanggang ngayon ay nariyan at makikita pa sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio at ng kanyang mga kasama ang bakas ng isang kahapong natigmak sa dugo, Balintawak!... Diyan naganap ang makaysayang “Unang Sigaw” ayon sa mga unang tala ng kasaysayan.

Ang Balintawak ay isang pook sa Kalookan na napabantog sa buong daigdig sapagkat diyan naganap ang makasaysayang “Unang Sigaw” ng mga manghihimagsik na pinamumunuan ni Andres Bonifacio bilang hudyat ng pagsisimula ng himagsikan noong 1896. Kung paanong napangalanang Balintawak ang pook na iyon ay siyang mababatid natin sa alamat na ito.

Si Baleng ay isang magandang dalaga na naninirahan sa pook na iyan maraming taon na ang nakalilipas. Siya’y isinilang na isang ahas ang kakambal na kung tawagin ay Tawak. Dahil sa ahas na iyon ay nakagagamot si Baleng ng mga taong natutuklaw ng ahas. Si Baleng ay may kasintahang ang pangalan ay Arsenio. Pagkaraan ng ilang buwan nilang pag-iibigan ay nagkasundo silang pakasal. Napabalita sa buong nayon ang nalalapit na pag-iisang dibdib ng dalawa. Ngunit isang masakit na biro ng kapalaran ang nangyari. Ang kasala’y hindi natuloy, nagtaksil si Arsenio. Nagpakasal sa ibang babae. Gayon na lamang ang paghihinagpis ni Baleng. Magkahalong galit at pagdaramdam ang namugad sa kanyang dibdib.

“Taksil na lalaki!”…. ang nagngingingit na sabi ni Baleng. “Salamat na lamng at nakilala ko agad ang uri ng kanyang pagkatao. Darating ang panahon na magmamakaawa siya sa akin.” Hindi nagkabula ang sinabi ni Baleng sapagkat isang araw ay dinala si Arsenio sa bahay niya ng asawa nito at ilang mga kasama. Namaril daw si Arsenio sa gubat at doon ay natuklaw ng ahas. “Baleng, parang awa mo na, gamutin mo ako,” ang sumasamong sabi ni Arsenio…

“Ikinalulungkot ko,” ang sabi ni Baleng na halatang-halata ang pagdaramdam,… “wala akong magagawa. Humanap na kayo ng iba na makagagamot sa kanya..” baling niya sa mga kasama ni Arsenio.

“Baleng, maawa ka na kay Arsenio,” sabi naman ng asawa nito na noo’y umiiyak. “Gamutin mo siya. Kung tunay mang siya’y nagkasala sa iyo ay patawarin mo na siya. Ang Diyos na ang bahalang gumanti sa iyo.”

“Dinaramdam ko, ngunit hindi ko magagawa ang pinagagawa ninyo sa akin pagkatapos na ako’y inyong apihin…” ang matigas na sagot ni Baleng.

“Subali’t Baleng, nasaan ang damdamin mong makatao?” anang mga taong nangaroon at nakapaligid sa napahamak na si Arsenio.

“Dahil lamang bas a iyong hinanakit ay titiisin mong pagkaitan ng tulong ang isang taong buhay ay tanging sa mga kamay mo lamang nakasalalay?”


Nagmatigas pa rin si Baleng. Subalit nang Makita niyang nangingitim na ang agaw-buhay na si Arsenio, ang kanyang pusong umiibig pa rin sa lalaki ay kusang naantig. Kaya’t hiniwa niya ang bahaging natuklaw ng ahas at sinipsip niya ang dugo upang maalis ang lason. Pagkatapos ay tinapalan niya iyon ng dahong gamut para sa natuka ng ahas. Gumaling si Arsenio, ngunit ang kahabag-habag na dalaga naman ang napahamak. Ang kawawang si Baleng ang namatay sapagkat siya ay nalason ng kamandag nang sipsipin niya ang dugo ni Arsenio. Nagdalamhati ang buong nayon nang mamatay si Baleng. Bilang alaala sa kanya ng mga kanayon ay pinangalanan nilang Balen-Tawak ang nasabing nayon na nang malauna’y nauwi sa pangalang Balintawak.