Wednesday, April 13, 2016

Ang Mabuting Anting-Anting (Kwentong-bayan)

Noong unang panahon  ay may isang mabait na datu na ang nasasakupan ay isang pulo rito sa Pilipinas. Tatlo ang kanyang anak na pawang lalaki na nangasigulang na.

Isang araw ay inutusan niya ang tatlong anak na ito upang magtungo sa ibang pook at maghanap ng isang mabuting anting-anting. Sinabi niya sa tatlo na kung sino ang makapaghaharap sa kanya ng mabuting anting-anting ay siyang magmamana sa kanyang kapangyarihan bilang datu yaman din lamang na matanda na siya.

Matapos makapaghanda na ang magkakapatid ng mga babaunin sa paglalakbay ay nagpaalam na sila sa matanda, kinabukasan din matapos silang basbasan ng datu.

Pagkaraan ng isang taon ay nagbalik ang pinakamatandang anak. Sinalubong siya ng malakas na tunog ng gong at nagdaos ng sayawan ang mga kabig ng datu.

Isinalaysay ng anak sa kanyang ama ang ginawa niyang paglalakbay. Sinabi niya na malalayong pook ang kanyang narrating sa paghahanap ng mabuting anting-anting. Inakyat niya ang matataas na bundok, pinasok niya ang mga yungib sa paghahanap ng anting-anting na inaakala niyang magiging dapat sa pamimili ng kanyang ama.

Sa bulwagan ng tahanan ng amang datu ay parang naagmamalaking pang inihagupit ang dala-dalang buntot-pagi na may tatlong dipa ang haba.

“Narito po, Mahal kong Ama, ang aking anting-anting na pasalubong sa inyo.” wika ng panganay na anak.

“Anong kabutihan ng anting-anting na iyan?” tanong na masusi ng amang datu. “Ipaliwanag mo nga.”

Tumingin muna ang anak sa maraming taong nasa paligid niya at saka ibinaling ang mata sa kanyang ama. Pagkatapos ay tatlong ulit na inihagupit ang dalang buntot-pagi.

“Mabuti po ang anting-anting na ito,” sabi ng anak at hinaplus-haplos ang agimat. “Kung may kaaway kayo’y magagamit itong panghagupit, malayo man ang kaaway o kahit hindi ninyo nakikita. Magsusumigaw siya sa sakit habang inihahagupit ninyo sa hangin hanggang sa mamatay ang kaaway, kung ibig ninyo.”

Nagpasiya ang matanda, “Hintayin muna natin ang dalawa mo pang kapatid at saka ko hahatulan ang inyong anting-anting.

Lumipas ang ilang araw at umuwi na rin ang pangalawa  sa panganay. Ipinahayag ang kanyang pagdating sa pamamagitan ng pagtugtog ng malalaking gong at sayawan ng tribu ng datu, katulad ng pagdiriwang sa pagdating ng unang anak.

Walang iniwan sa unang anak, ang pangalawang anak ay waring nagmamarangya sa kanyang uwing anting-anting.

“Mahal na Ama,” ang kanyang pagmamalaki, “narito nap o ang aking anting-anting, itlog poi to ng tagak na itim. Nakipagbuno muna ako sa higante na nag-aalaga sa pugad ng tagak bako ko nakuha ang itlog na ito sa punong-kahoy na nasa pampang ng dagat.”

“Anong kabutihan mayroon ang anting-anting na iyan?” tanong ng wari’y  gulilat na ama. “Isalaysay mo sa akin.”

“Ang anting-anting pong ito’y may tagabulag. Hindi po kayo makikita ng sinuman kung dadasalan ninyo na may kasamang orasyon ang agimat na ito. Marami po akong uwing salapi, ginto, alahas, brilyante pagkat ginamit ko ang anting-anting na ito sa pang-umit at pagnanakaw sa mga kahon ng mayayamang hari. Marami pong panggagamitan ang anting-anting na ito gaya ng pamimihag sa babae at kung anu-ano pa.”

Isang impit na ngiti ang lumuwal sa labi ng matanda at saka nagturing “Hintayin muna natin ang pangatlo ninyong kapatid at saka ko hahatulan kung alin ang pinakamabuti sa inyong mga anting-anting.”

Lumipas ang ilang araw at umuwi na rin ang bunsong anak ng datu. Inihudyat ng malaking gong ang kanyang pagdating. Subalit kakaiba sa dalawang naunang kapatid, ang bunso’y walang dala na labis na pinagtakhan at ikinalungkot ng kabig ng datu. Hindi ganoon ang kanilang inaasahan. Maging ang datu ay kinabakasan ng pagtataka at pagkabigo. Gayunpaman, walang kalungkutan o pagkabahalang masisinag sa mukha ng bunsong anak ng datu. Kapayapaan ng kalooban ang mababakas sa kanyang mukha at kilos.

“Diyata’t ikaw pa naman ang pinakahuling dumating,” paninisi ng ama sa bunso, “ay ikaw pa ang walang dalang agimat kahit ano!” Nanlisik ang mga mata ng datu.

“Mahal kong Ama, panimula ng anak, “napakarami pong mga bayan at lunsod at kaharian ang aking narrating. Napakarami rin pong nag-alok sa akin ng kung anu-anong agimat. Ginalugad ko po ang kagubatan at ako’y nagtawid-dagat. Hindi ko po nagustuhan lahat ng anting-anting na aking natuklasan pagkat kung gagamitin ko poi yon, tiyak na makaaapi ako ng aking kapwa-tao na labag sa Gintong Tuntunin. Sa madaling sabi po, ang mabuting anting-anting na handog ko sa inyo ay ang aking mabuting pakikisama sa kapwa-tao.”

“Sa pamamagitan po ng anting-anting kong ito,” patuloy ng anak at tinutop pa niya ng kanang palad ang dibdib sa tapat ng puso, “ay marami akong magiging kaibigan at kapalagayang-loob saan man ako mapadako.”

Biglang napatayo ang matandang datu sa pagkakaupo sa laki ng tuwa sa isinalaysay na yaon ng kanyang bunsong anak. Niyakap niya ang anak at ganito ang ipinahayag sa lahat. “Mula ngayon, ikaw ang kahalili ko bilang datu sapagkat ang anting-anting na uwi mo , di man nahahawakan ay makabuluhan sa buhay. Iyan ay PAG-IBIG na makapagbabago sa mundong ito na ginagalawan ng mga taong makasalanan at SAKIM.”


Ang Magulang ay Magulang (Pabula)



Isang araw, tahimik na naglalaro ang ilang maliliit na kanduli sa tabi ng mga halamang-dagat.

“Huwag kayong masyadong lalayo,” sabi ni Tatay Kanduli. “Kaya pa kayong kainin ng mga kaaway natin,”

“Hindi po kami lalayo, Itay,” sabi ni Unang Munti.

“Dito-rito lang po kami maglalaro, Itay,” sabi naman ni Pangalawang Munti.

“Masyado naming takot si Tatay,” ungol ni Pangatlong Munti. “Akala mo pirming may mangyayari sa atin!”

“Ssshhh!” saway ni Pang-apat na Munti. “Marinig ka…”

“Malayo na si Tatay, hindi na maririnig si Pangatlo,” sabi ni Pangalawang Munti.

“Pero bakit ka ba laging ganyan, ha?” Hinarap ni Unang Munti ang sutil na kapatid. “Galit ka pa sa Tatay, e, tayo na nga ang inaalagaan niya!”

“Bakit si Nanay, hindi katulad niya? Hindi tayo lagging sinasaway?” sagot ni Pangatlong Munti.

“Iba naman si Nanay ,e,” sabi ni Pangalawang Munti. “E, si Tata yang nag-aalaga sa atin buhat daw nang mga itlog pa lamang tayo sa kanyang bibig,hanggang mapisa tayo. At hanggang ngayong kakawag-kawag na tayo.”

“Hus, talagang nerbyoso siya!” sabi ni Pangatlong Munti. “Talagang mas malakas ang loob ni Nanay kaysa sa kanya!”

At biglang sumibad ng langoy si Pangatlo nang makitang susugurin siya ng mga kapatid. Nagtago siya sa kakapalan ng halamang-dagat.

Buhat sa pinagkakanlungan, nakita niyang palinga-linga ang kanyang mga kapatid.

“Bayaan mo nga silang maghanap.” sabi sa sarili ni Pangatlong Munti.”Mahilo sila sa paghahanap! Ayaw na ayaw mapipintasan si Tatay! Asa mo, si Tatay lamang an gaming magulang!”

Nang hindi Makita ng tatlong munting kanduli si Pangatlo, nagsumbong sila sa ama.

“Lumayo po si Pangatlo,” sumbong ni Unang Munti.

“Doon po nagsuot sa makapal na mga halamang-dagat,” sabi ni Pangalawa.

“Hindi po naming makita, kahit hinanap na naming nang hinanap,” sabi ni Pang-apat.
“Bayaan ninyo, ako na ang hahanap sa kanya,” sabi ni Tatay Kanduli, “Diyan lamang kayo…ligtas kayo riyan.”

“Opo, Itay,” pangako ni Unang Munti.

“Hindi po kami aalis ditto,” sabi ni Pangalawang Munti.

“Hihintayin po namin kayo,” sabi ni Pang-apat. At naghanap na si Tatay Kanduli. Ngunit nagalugad na niya ang kakapalan ng mga halamang-dagat, hindi pa rin niya Makita ang pangatlong anak.

“Saan kaya nagsuot ang batang ‘yon?” Nag-aalala na si Tatay Kanduli.

At noon niya nakita ang ilang isdang matutulis ang mga ngipin. Nakanganga. Waring gutom na gutom.

“May hinahabol sila!” at sabay ng kanyang naisip na iyon, binilisan ni Tatay Kanduli ang paglangoy. Naunahan niya ang grupo ng mga tumutugis nang bigla siyang pumailalim sa tubig at saka sumibat na paitaas. Sinabat niya ang hinahabol ng grupo.

At nakita niya ang takot na takot na anak.

Biglang ngumanga si Tatay Kanduli. Kaagad pumasok sa bibig ng magulang ang kakawag-kawag na anak.

Nagpaligid-ligid ang grupo ng mga tumutugis. Ngunit hindi nila nakita ang hinahabol na munting kanduli.

Nagbalik na si Tatay Kanduli sa iba pang mga anak. At nang naroon na, saka ngumanga muli at pinawalan si Pangatlong Munti.


“Tatay, mahal na mahal ko kayo,” sabi ni Pangatlong Munti. “Sa uli-uli po, hindi ko na kayo susuwayin.”

Ang Alibughang Anak (Parabula)



May isang mayamang lalaki na may dalawang anak na kapwa lalaki. Isang araw, kinausap sya ng bunsong anak. “Ama, ibigay nap o ninyo sa akin ang parte ko’t mamanahin.”

At ibinahagi ng ama sa dalawang anak ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang minanang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain na taglay ang buo niyang kayamanan. Doon ay nilustay niyang lahat ito sa hindi wastong pamumuhay. Nang naubos ng lahat ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon. Dahil ditto, siya’y nagpunta sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit mga bungangkahoy na ipinakakain sa mga baboy, ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa kanyang sarili: Ang mga alila ng aking ama ay may sapat sa pagkain at lumabis pa, samantalang ako’y namamatay sa gutom ditto. Babalik ako sa kanya at sasabihin ko, “Ama nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi nap o ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak. Ibilang na lamang ninyo ako na isa sa inyong alila.” At noon di’y naghanda siya at nagbalik sa kanyang ama.

Malayo pa ay natanaw na siya ng kanyang ama. Labis itong nabagbag sa kanya kaya’t patakbo siyang sinalubong at niyakap at hinagkan.

Sinabi ng anak, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.”

Ngunit tinawag ng ama ang kanyang alila. “Madali at dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at pangyapak. Kunin ang pinakamatabang guya at patayin. Kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito ngunit muling nabuhay… Nawala ngunit nasumpungan.” At sila’y nagsaya.

Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya at nang malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong. “Bakit, may ano sa atinn?” Dumating po ang inyong kapatid,” tugon ng alila. “Ipinapatay po  ng inyong ama ang pinakamatabang guya sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.”

Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamo-amo siya.

Ngunit sinabi ng panganay, “Pinaglingkuran kop o kayo sa lob ng maraming taon at kailanman ay hindi ko kayo sinuway. Ngunit kahit minsan ay hindi ninyo ako binigyan ng kahit bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit dumating ang inyong anak na lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinakamatabang guya. “


Sumagot ang ama, “Anak, lagi kitang kapiling, ang lahat ng ari-arian ko ay sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak sapagkat namatay na ang kapatid mo ngunit muli siyang nabuhay…. Nawala ngunit nasumpungan.”

Thursday, March 24, 2016

Maria Makiling (Mito)

Noong unang panahonang mga tao’y maaaring makipamuhay sa mga bathala. Maaaring makipag-usap ang mga tao sa bathalamaaari silang  magkatabi sa lilim ng isang punong-kahoy. Maaaring patulong sa bathala ang isang taong nasa kagipitan.  At sa panahong yaon nangyari ang dakilang pag-iibigan nina Maria Makiling at Gat Dula.

  Si Maria ay tila taga-lupa bagama’t siya’y nakikiulayaw sa madlang kinapal. Siya ay isang engkantada, isang bathala. Kaisa-isa siyang anak nina Gat Panahon at Dayang Makiling na para-parang bathala. Siya’y bugtong na aliw ng kanyang ama’t ina. Siya ang liwanag ng kanilang paningin at galak ng kanilang puso.


  Naging ugali ni Maria, sa araw-araw halos, ang lumuwas sa bayan at mamili sa talipapa. Siya’y nakasuot ng sutla. Ang kanyang maitim at malagong buhok na kung ilugay ay abot hanggang sakong ay may pahiyas na sariwang bulaklak-suha. Sa tapat ng kanyang dibdib ay nakayakap ang mabangong kuwintas ng ilang-ilang. Magiliw siyang mangusap at lipos ng galang. Mahinhin siyang kumilos na waring nahihiya. Ang hawan niyang mukha’y salamin ng kagandahan at ang kanyang mga mata’y sakdal ng amo. Maging ang kapwa niya babae’y naakit bumati sa kanya at ang mga maginoo ay nagyuyuko ng ulo sa kanya.

  Si Maria ay laging may kasamang dalawang Ita sa kanyang pamimiliAng dalawang utusan ay di lumalayo sa likod ni Maria. Sa kanilang dalang buslo ay mapapansin ang mga luyang kulay ginto na pinamamalit ni Maria sa mga bagay na maibigan niya sa talipapa. Sari-saring bagay ang matatagpuan doon. May mga pinatuyong balat ng hayop na may magagandang balahibo, banig na yari sa buli’t sa pandang may salit na kulay, mga sutlang habi at kung anu-ano pang kagamitan sa loob ng bahay.

  May tanging araw ng pagpapalitan. Sa araw na yaon, lumuluwas sa bayan ang maraming tao upang makipamalit. Karaniwan nang dayuhin ang tanging araw ng pamamalitan. Bukod sa mga tagabayan, dumarayo rin ang mga tagakaratig-bayan.

  Nawiwili ang lahat sa pagpapalitan ng kanilang dala-dalahan. Naroon din si Maria at namimili. Palibhasa’y tunay na ginto ang mga luyang ipinamamalit niya, kaya marami ang nagbibili sa kanya ng iba’t ibang lako. Nang tanging araw na yaon, kabilang sa mga dayong liping mahal na namamalit ay si Gat Dula, ng bayan ng Bai. Bukod sa ilang kawal na lingkod, ang makisig na binata’y may kasama pang mga dugong-mahal. Nagkasabay sa pagdampot sina Maria at Gat Dula sa balat ng hayop na may magandang balahibo. Di sinasadyang nagkabunggo ang kanilang mga balikat at nagtama ang kanilang mga mata. Wala sa loob na nahawakan ni Gat Dula ang malasutlang daliri ng dalaga. Sandali silang nagkatinginan. Dahil sa taglay na kayumian ni Maria’y nagyuko ng ulo si Gat Dula tanda ng paggalang at paghingi ng paumanhin. Bago sila nagkalayo, isang mahiyaing ngiti ang naitugon ng dalaga sa mapagkumbabang binata.

  Buhat noo’y naging malimit ang pagdalaw ni Gat Dula sa Makiling. Subalit makalipas ang ilang panahon bago muling napalarang mamasdan ng binata ang diwata. Banayad siyang lumapit kay Maria at nagbigay galang. Walang kasing tamis na ngiti ang isinagot naman ng dalaga sa kanya. 

  Mula noon, naging matalik silang magkakilala na humantong sa matamis na pag-iibigan. Ngunit ang gayong pagsusuyuan sa nilakad-lakad ng araw ay di nailihim sa kaalaman ng ama’t ina ng Maria.

  Gayon na lamang ang galit ni Gat Panahon. Halos mayanig ang buonglawa ng Bai. Ganoong damdamin ang nilasap ni Dayang Makiling nang matantong may kasuyong tagalupa si Maria. Subalit dahil sa malabis na pagmamahal sa anak, sa halip na tanungin, pinagbawalan na lamang ang anak. Sapu; noon, hindi na nakapanaog sa lupa si Maria. Pinutol ni Gat Panahon ang pagtungo-tungo ni Maria sa talipapa. Binawi sa  kanya ang engkanto ng pagiging tunay na kinapal. Yaon ang pinagmulan ng paghihiwalay ng mga bathala at madlang tao.

  Subalit walang kasing dakila ang pag-ibig ni Maria. Kung di man siya makapanaog sa lupa, sa alaala ni Gat Dula’y di nagkukulang ang kanyang pagdalaw. Naroong pamalas siya sa sandaling nag-iisa ang mabunying Gat, ngunit pag nilapitan niya nito upang yakapin, bigla siyang maglalaho. Naroong umawit siya nang lubhang matimyas kung nangungulila si Gat Dula ngunit pag hinanap nito kung saan nanggagaling ang tinig, ay hindi naman malaman. Anupa’t ang lahat sa binata ay parang panaginip. Wala ring kasingwagas ang pagmamahal ni Gat Dula kay Maria. Ang lahat ng pook at nayong niyapakan ni Maria, maging ang tabing batis na madalas nilang pagtagpuan ay di niya nakaliligtaang dalawin.

  Nang panahong yaon, malimit ang pakikidigma ng mga bayan sa kapwa bayan. Di kataka-takang lusubin ni Lakan Bunto ang kaharian ng Bai na sakop ni Gat Dula. Bagamat kung ilang kaharian na ang nakipaghimok sa matapang na Gat, di man lamang siya napipilayan o kaya’y nasugatan. Ang dahila’y tinatangkilik siya ng engkanto ni Maria. Ang pag-ibig ng paraluman ay naging baluti at kalasag ng mabunying Gat Dula. Marami na siyang napasukong kaharian; marami na siyang napagtagumpayang tabak, ngunit ang di niya napasuko at napagwagian ay ang kamandag ng pangungulila sa pag-ibig. Yaon ang dahilan ng kanyang pagiging malungkutin. Yaon ang dahilan ng kanyang pagkakasakit, hanggang sa siya’y maputulan ng hininga.

  Hiniling ni Maria sa Bathalang Maykapal na ang kaluluwa ng kanyang irog ay ibigay sa kanya. Noo’y yumao na rin ang kanyang mga magulang, kaya, sina Maria at Gat Dula ang nag-iwi sa naiwang kayamanan at lupain. Subalit hindi nalilimot ni Maria ang pagkamasintahin ng kanyang inang si Dayang Makiling sa mga nasasakupan.Ang pagkamahabagin nng ina’y minana ni Maria sa kanyang puso. Sa bakuran ng Kanyang sakop ay ibinubudbod niya ang mga luyang ginto. Ang sino mang ikakasal na walang magagamit na magarang kasuotan ay hinahandugan niya. Ang isang mag-anak na naghahanda ngunit walang magamit na kasangkapan ay kanyang pinahihiram. Ang lahat ng daing at kahilinagn ng kanyang mga sakop ay tinutugon niya ng mapagpalang kandili.

  Ngunit ang gayong malimit na pagpapahiram at kagandahang-loob ay madalas magbuga ng di-mabuti. Ang karamihan sa mga tinangkilik ni Maria ay di marunong tumanaw ng utang na loob. Nang lumaon, nakaisip ang ibang mag-imbot sa di nila pag-aari. Ang mga kasangkapang ipinahiram sa kanila ni Maria, palibhasa’y pawang ginto, ay di na ibinalik. Hindi lamang inangkin na yaon ng iba kundi ipinagpapalit pa sa mataas na halaga sa mga taga-ibang bayan. Sa gayon, nayamot si Maria. Nagtampo siya sa mga tao.

  Binawi niya pati pahintulot na iginawad niya upang makapanguha ang sinuman ng mga bungangkahoy sa gubat. Dahil sa pagmamalupit ng tao sa hayop, ipinagbawal din niya ang pangangaso, ang paninilo ng mga manok-labuyo at pamamana ng mga ibon. Kung ang kanyang utos ay sinusuway ninuman, pinagdidilim ni Maria ang panahon at pinabubuhos ang malakas na ulan; pinagugulong niya ang malalaking tipak ng bato sa bundok; hinahagkis niya ng baliti ang pinawalang mababangis na kalabaw nang manugis ang mga ito ng tao at lumikha rinsiya ng matinding kidlat. Ang mga yao’y panakot lamang naman ni Maria upang ang mga mangangasong gumagambalang malabis sa katahimikan ng sakop niyang kagubatan ay magsilayo at tuluyang umalis.