Naalimpungatan
ako sap ag-idlip nang hapong iyon dahil sa napakaingay na sigawan at tawanan ng
mga bata sa lansangan. Napilitan akong bumangon, nagpahid ng pawis, at dumungaw
sa bintana. Si Pinkaw pala na sinusundan ng mga bata. May karga-kargang kung
ano at pasayaw-sayaw na naglalakad. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang
ulit nang tinagpian, at ang isang paa’y may medyas na marahil ay asul o berde.
Hindi ko matiyak dahil malayo-layo na rin ang kanyang kinaroroonan. Sa kabilang
binti, may nakataling pulang papel na may nakakabit na lata ng gatas sa dulo.
Sa kanyang ulo, may nakaputong na palara na kumikinang tuwing tinatamaan ng
sinag ng araw.
“Hoy, Pinkaw,” sigaw ng isang batang
nakasandong abot tuhod at may itinatawing-tawing na daga, “kumanta ka nga ng
black is black.” “Sige na, Pinkaw,” udyok ng iba pang mga bata. “Ayoko nga,
nahihiya ako,” pakiyemeng sagot ng babae sabay subo sa daliri. “Kung ayaw mo,
aagawin naming ang anak mo!” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat. Mahaba
ang buhok at nakakorto lamang. At umambang aagawin ang karga ni Pinkaw. Umatras
ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga. Nagsigawan ang mga bata
habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pinkaw. “Sige, agawin natin ang
kanyang anak,” sabi nila sabay halakhak. Maya-maya’y Nakita kong sumalampak si
Pinkaw at nag-iiyak na tumatadyak-tadyak sa lupa.
“Huwag n’yo naming kunin ang anak
ko. Isusumbong ko kayo sa mayor.” Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga bata sa
babae. Lalong lumakas ang hagulgol ni Pinkaw. Naaawa ako sa babae at nainis sa
mga bata. Kaya’t sinigawan ko sila upang takutin. “Hoy, mga bata! Mga salbahe
kayo. Tigilan n’yo iyang panunukso sa kanya.”Marahil natakot sa lakas ng
pagsigaw ko ang mga bata kaya’t isa-isang nag-alisan, Nang wala na ang mga
bata, tumingala sa akin si Pinkaw at nagsabing: “Meyor, kukunin nila ang aking
anak.” Hindi ko napigilan ang pagngiti. May koronel, may sardyen, may senador
siyang tawag sa akin at ngayon nama’y mayor. “O sige, hindi na nila kukunin
iyan. Huwag ka nang umiyak.” Nginitian niya ako. Inihele ang karga. Nahulog ang
basahang nakabalot doon at Nakita kong lata pala iyon ng biskwit. Dali-dali
niyang pinulot iyon at muling ibinalot ang lata. “Hele-hele, tulog muna, wala
rito ang iyong nanay…” ang kanyang kanta habang ipinaghehele at siya’y patiyad
na sumasayaw-sayaw. Natigilan ako. Lumala na ang pagkaloka ni Pinkaw. Nakakaawa
naman. At naalala ko ang Pinkaw na dating kapitbahay naming sa tambakan, nang
hindi pa iyon nababaliw.
Paghahalukay ng basura ang kanyang
hanapbuhay (narito sa amin ang tambakan ng basura ng siyudad); ditto siya
nakakakuha ng makakain, magagamit o maipagbibili. Dati-rati, madalas siyang
kumakanta. Hindi kagandahan ang kanyang patagulaylay na pagkanta. Habang
tumutulak sa karitong may tatlong gulong , pababa sa lubak-lubak at maputik na
lansangan, sinusundan siya ng mga asong kumakahol. Isang bagay lamang ang
kaagad mong mapupuna sa kanya – lagi siyang kumakanta. Hindi naman maganda ang
kanyang boses – basag nga at boses lalaki. Subali may kung anong kapangyarihan
na bumabalani sa pandinig. Marahil ay dahil ito sa malungkot na tono ng kanyang
awit o marahil sa iyong pagtataka kung bakit ganoon siya kasaya gayong
naghahalukay lamang siya ng basura.
Kadalasan, oras na ng pananghalian
kung siya’y umuwi mula sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng karton, papel,
bote, basahan, sirang sapatos; at sa bag na burin na nakasukbit sa gilid ng
kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Mga tira-tirang sardinas, karne
norte o kaya’y pork-en-bins, pan de sal na kadalasa’y nakagatan na, at kung
minsang sinusuwerte, may buto ng prayd tsiken na may lamang nakadikit. Sa
kanyang payat na katawan, masasabing tunay na mabigat ang kanyang itinutulak,
ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at madalas pang kumakanta ng
kundimang Bisaya.
Pagdating niya sa harap ng kanyang
barungbarong, agad niyang tatawagin ang mga anak: “Poray, Basing, Takoy,
nandito na ako.” At ang mga ito’y kaagad magtatakbuhang pasalubong sa kanya
habang hindi magkaringgan sa pagtatanong kung may uwi siyang jeans na
istretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili raw ba siya ng bitsukoy?
Dalawang taon kaming magkapitbahay
ngunit hindi ko man lang nabatid ang tunay niyang pangalan. “Pinkaw” ang tawag
ng lahat sa kanya. Ayon sa kanya, balo na raw siya. Namatay ang kanyang asawa
sa sakit na epilepsy habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong
anak. Subalit sinusumpa ni Pisyang sugarol sa kanyang paboritong santo na hindi
raw kailanman nakasal si Pinkaw. Iba-iba raw ang mga ama ng kanyang tatlong
anak. Ang kanyang panganay na si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang
gulang na labintatlong taon at napakapayat. Tuwing makikita mo itong nakasuot
ng istretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, agad mong maaalala ang mga
panakot-uwak sa maisan. Si Basing ang pangalawa, sungi na ngunit napakahilig
pumangos ng tubo gayong umaagos lamang ang katas nito sa kabiyak ng kanyang
labi. Ang bunso na marahil ay mga tatlong taon pa lamang ay maputi at
gwapong-gwapo. Ibang-iba siya sa kanyang mga kapatid kaya minsa’y maiisip mon a
totoo nga ang sinasabi ni Pisyang sugarol.
Pagkatapos mananghalian, aalisin na
ni Pinkaw ang laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata, ang mga bote, ang mga
karton, at iba pang bagay na napupulot sa tambakan katulong ang kanyang mga
anak. Kinasanayan na ni Pinkaw na umawit habang gumagawa. Kung minsan,
sumasabay ang kanyang mga anak at ang sungi ang siyang pinakamalakas na tinig.
Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Intsik na tagabili.
Mahal na mahal ni Pinkaw ang kanyang
mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mon a sinasaktan ng mga ina ang
kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lang makikita si Pinkaw na inaambaan ang
kanyang mga anak.
“Ang mga bata,” nasabi niya minsang,
bumubili siya ng tuyo sa tindahan at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit
na anak na nahuling tumitingin sa malaswang larawan. “Hindi kailangang paluin;
sapat nang sabihan sila nang malumanay. Iba ang batang nakikinig sa magulang
dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang bata kung saktan, susunod siya sa iyo
subalit magrerebelde at magkikimkim ng sama ng loob.”
Sa tunggalian ng kabuhayan sa
tambakan, kung saan ang tao ay handing tumapak sa ilong ng kapwa-tao upang
mabuhay, nakapagtataka ang katangian ni Pinkaw. Lubha siyang matulungin, lalo
na sa katulad niyang naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong
sa pagtutulak ng kariton ng iba, lalo na ng matatanda at bata. Sinasabi rin na
sa pagsisimba niya tuwing Linggo’y hindi kukulangin sa beinte sentimos ang
ipinamamahagi niya sa pulubi.
Batid ng lahat sa tambakan ang mga
ito. Minsan, nagkasakit ng El Tor ang sunging anak ni Pinkaw. Nagtungo siya sa
suking Intsik. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Intsik
ngunit sa isang kondisyon. Bukambibig na ang pagkahayok sa babae ng Intsik na
ito, kaya pinagdugtong-dugtong ng mga taga-tambakan kung ano ang kundisyong
iyon, sapagkat wala naman talagang nakasaksi sap ag-uusap ng dalawa. Batid na ng
lahat ang sumunod na nangyari. Ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni
Pinkaw sa ulo ng Intsik.
Hindi rin nadala ni Pinkaw sa doctor
ang kanyang anak. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahoon ng bayabas at ipinainom
sa anak. Iyon lamang ang nagpagaling sa bata. “Nagpapatunay pa rin na may awa
ang Diyos. Kung ninais niyang mamatay ang aking anak, sana’y namatay na. Ngunit
dahil nais pa Niyang mabuhay ito, nabuhay na kahit hindi naipaduktor,” sabi ni
Pinkaw nang magpunta siya sa tindahan bago pa man gumaling ang kanyang anak.
Minsan, napag-usapan ng mga
nagtitipon sa tindahan ang tungkol sa bigas, relip, at iba pang bagay na
ipinamimigay ng ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa mga mahihirap.
Sumabat si Pinkaw na nagkataon na naroon. “Bakit iaasa ko sa pamahalaan ang aking
pamumuhay? Malakas at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang
maging palamunin. Marami pang iba riyan na nararapat bigyan ng tulong. Ang
hirap lang sa ating gobyerno, kung sino ang higit na nangangailangan ay siyang
hindi tinutulungan. Ngunit ang ibang tao riyan na Mabuti naman ang kalagayan sa
buhay ang siyang nagkakamal ng tulong. Kalokohan…”
Iyan si Pinkaw. Kontento na sya sa
kanyang maaabot sa buhay. Naganap ang sumunod na pangyayari nang wala ako sa
amin sapagkat nasa bahay ako ng kapatid kong may sakit. Isinalaysay na lamang
ito ng aking mga kapitbahay pagkabalik ko, at matinding galit ang aking nadama
sa kanila.
Isang araw pala, matapos
mananghalian ang mag-anak, bigla na lamang namilipit sa sakit ng tiyan ang mga
bata. Marahil, sardinas o anumang panis na pagkain ang naging sanhi nito.
Natuliro si Pinkaw. Nagsisigaw. Tumakbo sa mga kapitbahay upang humingi ng
tulong. Ngunit wala silang maitulong maliban sa pagsabihan siyang dalhin ang
anak sa ospital.
Walang nagdaraang sasakyan sa
kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pinkaw ang mga anak. Nagtungo siya sa
bahay ng doktor na malapit lamang ngunit wala ang doctor dahil naglalaro raw ng
golf, ayon sa katulong.
Kaya natarantang itinulak na naman
ni Pinkaw ang kanyang kariton sa isa pang doktor. Matagal siyang tumimbre sa
tarangkahan ngunit walang nagbukas gayong Nakita niyang may sumisilip-silip sa
bintana.
Litong-lito, itinulak na naman ni
Pinkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. Halos hindi na makakilos sa
pangangapos ng hininga, bukod pa sa lubhang kalungkutan sa pagiging maramot ng
kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
Nang makarating siya sa punong-kalsada,
maraming sasakyan ang kanyang pinahihinto upang isakay ang may sakit na mga
anak, ngunit wala ni isa man lang ang tumigil. Maya-maya’y napansing hindi na
kumikilos ang kanyang panganay. Sinalat niya ito at para siyang sinakluban ng
langit nang mabatid niyang hindi na ito humihinga. Humahagulgol niyang
ipinagpatuloy ang pagtulak ng kariton upang sikaping mailigtas ang buhay ng
dalawa pa niyang anak. Maraming tao ang nagmamasid lamang sa kanya ngunit
nakapagtataka kung bakit wala isa man lang ang lumapit upang tumulong.
Tumatalbog-talbog ang katawan ng kanyang mga anak sa kariton tuwing dumaraan
ito sa lubak lubak na kalsada.
Pakiramdam niya’y isang daang taon
na ang lumipas bago niya narrating ang ospital ng pamahalaan. Matapos ang
pagtuturuan ng mga doktor at nars, na ang binibigyang-pansin lamang ay ang mga
pasyenteng mukhang mayaman, nalapatan din ng gamut ang dalawang anak ni Pinkaw.
Kinagabiha’y namatay si Basing, ang
sungi. Dalawang araw pa ang lumipas at sumunod naming namatay ang bunso.
Nakarinig na naman ako ng mga ingay.
Muli akong dumungaw. Bumalik si Pinkaw, sinusundan na naman ng mga pilyong
bata.
“Hele-hele, tulog muna. Wala rito
ang iyong nanay…” ang kanta niya habang ipinaghehele sa kanyang mga bisig ang
binibihisang lata.