Noong unang panahon, isang
matandang mangingisda at ang kanyang pitong anak na dalaga ang naninirahan sa
isang tahanang nakaharap sa baybayin ng Dagat-Bisaya. Ang kanilang tirahan ay
nasa bayan ng Dumangas, isang bayang nasa gawing hilagang-silangan ng lalawigan
ng Iloilo na bahagi ng Isla ng Panay. Araw-araw makikita ang pitong dalagang
masayang nagsasagawa ng mga gawaing-bahay o kaya nama’y nasa dalampasigan at
nagtatampisaw o masayang lumalangoy, naghahabulan, at nagtatawanan. Tila sila
mga nimpang kay gaganda habang nakikipaghabulan sa mga alon sa baybayin.
Ang kagandahan ng pitong
dalaga ay bantog hindi lang sa kanilang bayan kundi maging sa malalayong lugar.
O kaya naman, hindi kataka-takang ang kanilang tahanan ay dinarayo ng maraming
binatang naghahangad na makuha ang kamay ng isa sa mga dalagang napupusuan.
Mahal na mahal ng ama ang mga anak at ang labis niyang ikinatatakot ay ang
makapag-asawa ang sinuman sa kanyang mga dalaga ng mga lalaking maaaring maglayo
sa kanya. “Sana, kung makakahanap man ng mapapangasawa ang aking mga anak ay
tagarito lang sa aming isla upang hindi sila mapalayo sa akin,” ang naibubulong
ng ama sa sarili habang pinagmamasdan ang kanyang mga anak na abala sa mga
gawaing bahay.
Isang araw nga ay isang
pangkat ng makikisig na binatang mangangalakal ang dumating sa kanilang bayan.
Nabalitaan din pala ng mga binata ang kagandahan ng mga dalaga kaya’t nagsadya
sila sa bayang iyon hindi lang para sa kanilang mga kalakal kundi para makilala
rin ang mga dalaga. Sakay sila ng magagara at mabibilis na bangka.
Mamahaling regalo ang
ibinigay ng mga bisita sa mga dalaga. Naging mabilis ang pagkakaunawaan ng
pitong dalaga at ng pitong binatang estranghero. Inanyayahan nilang magtungo sa
kanilang bayan ang pitong dalaga na agad namang nagsipayag.
Subalit hindi naging
madali ang paghingi nila ng pahintulot sa kanilang ama. “Hindi n’yo pa kilala
nang lubusan ang mga bianatang iyan. Bakit kayo sasama? Hindi ako papaya.” Ang
matigas na wika niya kahit pa nagpupumilit ang kanyang mga anak na sumama sa
mga binata.
Isang araw, habang nasa
dagat at nangingisda ang ama ay gumawa ng isang mapangahas na pasya ang mga
dalaga. “Sasama ako sa aking kasintahan, sa ayaw at sa gusto ni Ama,” ang wika
ng panganay na si Delay.
“Ako man, ako man,” ang
sunod-sunod na sabi ng iba pang dalaga. Sinamantala ng magkakapatid ang
pag-alis ng ama upang mangisda. Bitbit ang kani-kanilang mga pansariling gamit
ay sumakay ang mga suwail na anak sa tatlong bangkang dala ng mga binata palayo
sa kanilang tahanan.
Nang sila’y nasa bahagi na
ng baybayin ng Guimaras kung saan nangingisda ang kanilang ama ay natanaw niya
ang tatlong bangka ng mga estranghero lulan ang kanyang pitong anak na dalaga.
Buong lakas na sumagwan ang ama para mahabol ang kanyang pinakamamahal na mga
anak subalit lubhang mabagal ang kanyang maliit na bangka kompara sa makabagong
bangka ng mga estranghero kaya hindi na niya nahabol ang mga anak.
Buong pait na lumuha at
nagmakaawa ang ama sa kanyang mga anak. “Mga anak, huwag kayong umalis. Bumalik
kayo!, ang walang katapusang pagsigaw at pagmamakaawa ng ama habang patuloy
siya sa paggaod subalit hindi siya pinakinggan ng walang turing niyang mga anak.
Laylay ang mga balikat sa matinding pagod sa paggaod at sa labis na kalungkutan
sa paglisan ng kanyang mga anak, walang nagawa ang matanda kundi lumuha nang
buong kapaitan. Wari’y nakidalamhati sa kanya maging mga kalangitan sapagkat
ang maliwanag na sikat ng araw ay biglang naparam at sa halip ay napalitan ng
pagdilim ng himpapawid. Gumuhit ang matatalim na kidlat na sinabayan ng
malalakas na dagundong ng kulog. Biglang pumatak ang malakas na ulan kaya’t
walang nagawa ang matanda kundi umuwi na lamang.
Sa kanyang pag-uwi ay
isang napakatahimik at napakalungkot na tahanan ang kanyang dinatnan. Hindi
napigil ng matanda ang muling pagluha nang masagana. Wari’y sinasabayan din ng
malalakas na patak ng ulan sa bubungan ng kanyang ulilang tahanan ang walang
katapusang pagluha ng kaawa-awang matanda. Labis-labis ang kanyang kalungkutan
at pangungulila sa kanyang mga anak. Sa kabila ng ginawa ng mga suwail na anak
ay ang kanila pa ring kaligtasan ang inalala ng ama lalo pa’t masamang panahon
ang kanilang nasalubong sa paglalakbay.
Kinaumagahan, indi pa
sumisikat ang araw ay pumalaot na ang matanda. Inisip niyang maaaring sumilong
ang bangka ng mga estranghero dahil sa sama ng panahon nang nagdaang gabi. Baka
sakaling mahabol niya pa ang kanyang mga anak. Subalit anong laking pagtataka
niya nang siya’y nasa laot na. Nakatanaw siya ng maliliit na islang tila
isinabog sa gitna ng laot sa pagitan ng kanilang isla ng Dumangas at isla ng
Guimaras. Sa lugar na ito siya nangisda kahapon at alam na alam niyang walang
mga islang tulad nito sa lugar nang nagdaang araw.
Kinabahan ang matanda at
kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso ang mabilis niyng paggaod
papunta sa mga mumunting isla. Anong laking panlulumo niya nang makita ang
nagkalat na bahagi ng bangkang sinakyan ng kanyang mga anak na nakalutang sa
paligid. Binilang niya ang mumunting isla. Pito! Pito rin ang kanyang mga anak
na dalaga. Humagulgol ang matanda. Parang nahulaan na niya ang nangyari.
Nalunod ang kanyang mga anak nang ang sinasakyan nilang mga bangka ay hinampas
ng malalakas na along dala ng biglang pagsama ng panahon kahapon at sumadsad sa
mga korales at matatalas na batuhan kaya nagkahiwa-hiwalay ang mga ito.
Ang mga mumunting isla ay
tinawag na Isla de los Siete Pecados o Mga Isla ng Pitong Makasalanan. Ito ay
bilang pag-alala sa pagsuway at kasalanng nagawa ng pitong suwail na dalaga sa
kanilang mapagmahal na ama.
WHY?
ReplyDeleteITS NOT FINE~
ReplyDeleteWHAT DID YOU SAY?
Deletehello
ReplyDelete