Tuesday, November 7, 2017

Ang Sariling Wika

Ang sariling wika ng isang lahi
Ay mas mahalaga sa kayamanan
Sapagkat ito’y kaluluwang lumilipat
Mula sa henerasyon patungo sa iba
Nangangalap ng karanasan, gawi,
Pagsamba, pagmamahal, pagtatangi at pagmithi.

Nais mo bang mabatid layunin ng kanyang puso,
Ang kanyang mga pangarapin.
Mainit na pagmamahal na sa puso’y bunubukal
Kasama ng mahalagang layuning nabubuo sa isipan?
Pakinggan ang makahulugang gintong salita
Na sa kanyang bibig ay nagmumula.

Minanang wikang itinanim sa isipan
Iniwan ng ninuno, tula ng iniingatang yaman
Pamanang yamang di dapat pabayaan
At dapat pagyamanin ng mga paghihirap
Para sa kaunlaran, di dapat masayang
Tulad ng halaman na natuyot at nangalagas sa tangkay.

Minana nating wika’y
Maihahambing sa pinakadakila
Ito’y may ganda’t pino,
Aliw-iw at himig na nakakahalina
Init nito’t pag-ibig mula sa musa
Pagpapahayag ng pagmamahal ay kanyang kinuha.

Wikang Kapampangan, buo ang iyong ganda
Ang himig ng iyong tunog
Tulad ng pagaspas ng bagwis ng mga ibon
Tulad ng awit na likha ng brilyanteng makinang
Tulad ng lagaslas na himig ng tubigan
Tulad ng awit ng malamig na hanging amihan.

Wikang Kapampangan, ikaw ay mahalaga
Sa lahat ikaw ay maikokompara
Ikaw ang mapagmahal at matamis na pahayag ng pag-ibig
Tulad mo’y walang katapusang awit

Ang lahat sa iyo ay tulad ng bumubukang bulaklak.

Monday, November 6, 2017

Si Ipot-Ipot at Si Amomongo (Pabulang Bisaya)

Isang gabi, tahimik na lumilipad-lipad upang dumalaw sa kaibigan si Ipot-Ipot (isang alitaptap). Tulad ng dati’y dala-dala niya ang kanyang ilawan. Maya-maya’y nakasalubong niya ang isang buskador na gorilyang nagngangalang Amomongo. “Hoy, Ipot-ipot, bakit ba lagi mong dala-dala ang iyong ilawan? Nakatatawa ka tuloy tignan. Ha-ha-ha!” ang sabi ni Amomongo habang palundag-lundag na tumatawa sa harap ng alitaptap.

            Tinignan muna siya ng alitaptap bago ito matatag na sumagot. “Alam mo, Amomongo, dinadala ko ang aking ilawan, una, upang makita ko ang aking daraanan; at pangalawa, upang makita ko ang mga lamok at nang sila’y aking maiwasan,” paliwanag nito.

            “Gusto mong iwasan ang mga lamok? Isa kang duwag! Takot ka sa lamok! Duwag! Duwag! Ha-ha-ha!” pambubuska ni Amomongo kay Ipot-Ipot.

            Hindi na lang pinansin ng alitaptap ang pambubuska ng gorilya. Nagpatuloy na lamang siya sa tahimik niyang paglalakbay. Subalit hindi roon tumigil ang buskador na gorilya. Tinungo nito ang iba pa niyang mga kalahing unggoy at saka ipinagsabing ang alitaptap ay duwag at takot sa lamok kaya’t laging nagdadala ng ilawan saanman ito magpunta. Nagtawanan ang iba pang gorilya na nakarinig sa kuwento tungkol sa pagiging duwag ng alitaptap.

            Hindi nagtagal at kumalat na rin ang kuwento sa iba pang mga hayop sa kagubatan. Nang lumaon ay nakarating ito kay alitaptap. Halos liparin ng alitaptap ang pagtungo sa bahay ni Amomongo. Nadatnan niya itong natutulog. Itinapat ng alitaptap ang kanyang ilaw sa mukha ni Amomongo upang magising ito. “Hoy, Amomongo, gising! Bakit ipinamamalita mo raw na duwag ako? Sadya nga yatang maitim ang budhi mo. Sige, bukas ng gabi, pumunta ka sa plasa at sa harap ng lahat ay patunayan kong hindi ako duwag.”

            “Hoy Ipot-Ipot, huwag ka ngang balat sibuyas. At ngayo’y naghahamon ka sa isang labanan? Iyang liit mong iyan? Pupulbusin kita. Ha-ha-ha! Sige nga, sino ang dadalhin mo para labanan ang isang malaking gorilyang tulad ko?” nagmamalaking tanong ni Amomongo.

            “Mag-isa akong pupunta subalit kung gusto mo ay dalhin mo pa lahat ang mga kaibigan mo,” matatag na sabi ni Ipot-ipot.
           
            Lalong tumawa nang tumawa si Amomongo. “Mag-isa kang pupunta! Hah! Maganda yan para makita mo kung ano ang gagawin ng malalakas na nilalang na tulad naming sa munting alitaptap na tulad mo.”

            Nalaman ng iba pang hayop ang tungkol sa napipintong labanan. Kinabukasan ay napuno ang plasa ng mga hayop na gustong makapanood sa labanan ng nag-iisang alitaptap at ng malalaking gorilya.

            Maagang dumating si Ipot-Ipot. Maya-maya pa’y dumating na rin ang pulutong ng mga gorilya. May dala-dala ang mga itong malalaki at mahahabang pamalo. Masigla silang nagtatawanan sapagkat para sa kanila, ang paghahamon ni Ipot-Ipot ng labanan ay isang malaking kahibangan.

            Pagkakita ni Amomongo kay Ipot-Ipot ay inutusan niya agad ang mga kalahing atakihin ang naghihintay na alitaptap. Subalit mabilis itong lumipad at dumapo sa ilong ni Amomongo. Nag-unahan ang mga unggoy sa pagpalo sa alitaptap na nakadapo sa ilong ng kanilang kasamahan subalit mabilis itong nakalipad palayo kaya’t ang ilong ni Amomongo ang  inabot ng mga pamalo. Bumagsak ito sa lupa. Pagkatapos ay sa ilong naman ng isa pang gorilya dumapo ang alitaptap. Muling sinugod ng iba pang gorilya ang alitaptap subalit tulad ng nangyari kay Amomongo, hindi rin nila tinamaan ang alitaptap kaya’t ang ilong na naman ng pangalawang gorilya ang tinamaan. Bumagsak din ito sa lupa. Gayon ng gayon ang nangyari sa iba pang gorilya. Pinapalo nila ang alitaptap na nakadapo sa ilong ng isa sa kanila subalit sa halip na tamaan ito, ang mga gorilya ang isa-isang bumabagsak sa lupa dahil mabilis umilag ang alitaptap kaya’t sila-sila ang nagkakatamaan. Hanggang sa isang kisap mata ay bumagsak sa lupa ang lahat ng gorilya.


            “Ngayon, sino sa inyong mga gorilya ang magsasabing duwag ako?” ang mataginting na tanong na maliit na alitaptap. Yukong-yuko ang ulo ng mga gorilya. Bahag ang buntot dahil sa kahihiyang dala ng nangyari kaya’t hindi sila makapagsalita. Tinignan muna sila ng alitaptap na umiiling-iling sa kinahinatnan ng isang pulutong ng mga unggoy at saka ito tahimik na lumipad palayo upang ipagpatuloy ang kanyang sariling lakad tulad ng dati.

Thursday, November 2, 2017

Si Pinkaw (Maikling Kwentong Hiligaynon)

Naalimpungatan ako sap ag-idlip nang hapong iyon dahil sa napakaingay na sigawan at tawanan ng mga bata sa lansangan. Napilitan akong bumangon, nagpahid ng pawis, at dumungaw sa bintana. Si Pinkaw pala na sinusundan ng mga bata. May karga-kargang kung ano at pasayaw-sayaw na naglalakad. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian, at ang isang paa’y may medyas na marahil ay asul o berde. Hindi ko matiyak dahil malayo-layo na rin ang kanyang kinaroroonan. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel na may nakakabit na lata ng gatas sa dulo. Sa kanyang ulo, may nakaputong na palara na kumikinang tuwing tinatamaan ng sinag ng araw.

            “Hoy, Pinkaw,” sigaw ng isang batang nakasandong abot tuhod at may itinatawing-tawing na daga, “kumanta ka nga ng black is black.” “Sige na, Pinkaw,” udyok ng iba pang mga bata. “Ayoko nga, nahihiya ako,” pakiyemeng sagot ng babae sabay subo sa daliri. “Kung ayaw mo, aagawin naming ang anak mo!” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat. Mahaba ang buhok at nakakorto lamang. At umambang aagawin ang karga ni Pinkaw. Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga. Nagsigawan ang mga bata habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pinkaw. “Sige, agawin natin ang kanyang anak,” sabi nila sabay halakhak. Maya-maya’y Nakita kong sumalampak si Pinkaw at nag-iiyak na tumatadyak-tadyak sa lupa.

            “Huwag n’yo naming kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa mayor.” Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga bata sa babae. Lalong lumakas ang hagulgol ni Pinkaw. Naaawa ako sa babae at nainis sa mga bata. Kaya’t sinigawan ko sila upang takutin. “Hoy, mga bata! Mga salbahe kayo. Tigilan n’yo iyang panunukso sa kanya.”Marahil natakot sa lakas ng pagsigaw ko ang mga bata kaya’t isa-isang nag-alisan, Nang wala na ang mga bata, tumingala sa akin si Pinkaw at nagsabing: “Meyor, kukunin nila ang aking anak.” Hindi ko napigilan ang pagngiti. May koronel, may sardyen, may senador siyang tawag sa akin at ngayon nama’y mayor. “O sige, hindi na nila kukunin iyan. Huwag ka nang umiyak.” Nginitian niya ako. Inihele ang karga. Nahulog ang basahang nakabalot doon at Nakita kong lata pala iyon ng biskwit. Dali-dali niyang pinulot iyon at muling ibinalot ang lata. “Hele-hele, tulog muna, wala rito ang iyong nanay…” ang kanyang kanta habang ipinaghehele at siya’y patiyad na sumasayaw-sayaw. Natigilan ako. Lumala na ang pagkaloka ni Pinkaw. Nakakaawa naman. At naalala ko ang Pinkaw na dating kapitbahay naming sa tambakan, nang hindi pa iyon nababaliw.

            Paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (narito sa amin ang tambakan ng basura ng siyudad); ditto siya nakakakuha ng makakain, magagamit o maipagbibili. Dati-rati, madalas siyang kumakanta. Hindi kagandahan ang kanyang patagulaylay na pagkanta. Habang tumutulak sa karitong may tatlong gulong , pababa sa lubak-lubak at maputik na lansangan, sinusundan siya ng mga asong kumakahol. Isang bagay lamang ang kaagad mong mapupuna sa kanya – lagi siyang kumakanta. Hindi naman maganda ang kanyang boses – basag nga at boses lalaki. Subali may kung anong kapangyarihan na bumabalani sa pandinig. Marahil ay dahil ito sa malungkot na tono ng kanyang awit o marahil sa iyong pagtataka kung bakit ganoon siya kasaya gayong naghahalukay lamang siya ng basura.

            Kadalasan, oras na ng pananghalian kung siya’y umuwi mula sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng karton, papel, bote, basahan, sirang sapatos; at sa bag na burin na nakasukbit sa gilid ng kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Mga tira-tirang sardinas, karne norte o kaya’y pork-en-bins, pan de sal na kadalasa’y nakagatan na, at kung minsang sinusuwerte, may buto ng prayd tsiken na may lamang nakadikit. Sa kanyang payat na katawan, masasabing tunay na mabigat ang kanyang itinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at madalas pang kumakanta ng kundimang Bisaya.

            Pagdating niya sa harap ng kanyang barungbarong, agad niyang tatawagin ang mga anak: “Poray, Basing, Takoy, nandito na ako.” At ang mga ito’y kaagad magtatakbuhang pasalubong sa kanya habang hindi magkaringgan sa pagtatanong kung may uwi siyang jeans na istretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili raw ba siya ng bitsukoy?

            Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lang nabatid ang tunay niyang pangalan. “Pinkaw” ang tawag ng lahat sa kanya. Ayon sa kanya, balo na raw siya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit na epilepsy habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Subalit sinusumpa ni Pisyang sugarol sa kanyang paboritong santo na hindi raw kailanman nakasal si Pinkaw. Iba-iba raw ang mga ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang panganay na si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at napakapayat. Tuwing makikita mo itong nakasuot ng istretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, agad mong maaalala ang mga panakot-uwak sa maisan. Si Basing ang pangalawa, sungi na ngunit napakahilig pumangos ng tubo gayong umaagos lamang ang katas nito sa kabiyak ng kanyang labi. Ang bunso na marahil ay mga tatlong taon pa lamang ay maputi at gwapong-gwapo. Ibang-iba siya sa kanyang mga kapatid kaya minsa’y maiisip mon a totoo nga ang sinasabi ni Pisyang sugarol.

            Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pinkaw ang laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata, ang mga bote, ang mga karton, at iba pang bagay na napupulot sa tambakan katulong ang kanyang mga anak. Kinasanayan na ni Pinkaw na umawit habang gumagawa. Kung minsan, sumasabay ang kanyang mga anak at ang sungi ang siyang pinakamalakas na tinig. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Intsik na tagabili.

            Mahal na mahal ni Pinkaw ang kanyang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mon a sinasaktan ng mga ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lang makikita si Pinkaw na inaambaan ang kanyang mga anak.

            “Ang mga bata,” nasabi niya minsang, bumubili siya ng tuyo sa tindahan at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na nahuling tumitingin sa malaswang larawan. “Hindi kailangang paluin; sapat nang sabihan sila nang malumanay. Iba ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang bata kung saktan, susunod siya sa iyo subalit magrerebelde at magkikimkim ng sama ng loob.”

            Sa tunggalian ng kabuhayan sa tambakan, kung saan ang tao ay handing tumapak sa ilong ng kapwa-tao upang mabuhay, nakapagtataka ang katangian ni Pinkaw. Lubha siyang matulungin, lalo na sa katulad niyang naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba, lalo na ng matatanda at bata. Sinasabi rin na sa pagsisimba niya tuwing Linggo’y hindi kukulangin sa beinte sentimos ang ipinamamahagi niya sa pulubi.

            Batid ng lahat sa tambakan ang mga ito. Minsan, nagkasakit ng El Tor ang sunging anak ni Pinkaw. Nagtungo siya sa suking Intsik. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Intsik ngunit sa isang kondisyon. Bukambibig na ang pagkahayok sa babae ng Intsik na ito, kaya pinagdugtong-dugtong ng mga taga-tambakan kung ano ang kundisyong iyon, sapagkat wala naman talagang nakasaksi sap ag-uusap ng dalawa. Batid na ng lahat ang sumunod na nangyari. Ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pinkaw sa ulo ng Intsik.

            Hindi rin nadala ni Pinkaw sa doctor ang kanyang anak. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahoon ng bayabas at ipinainom sa anak. Iyon lamang ang nagpagaling sa bata. “Nagpapatunay pa rin na may awa ang Diyos. Kung ninais niyang mamatay ang aking anak, sana’y namatay na. Ngunit dahil nais pa Niyang mabuhay ito, nabuhay na kahit hindi naipaduktor,” sabi ni Pinkaw nang magpunta siya sa tindahan bago pa man gumaling ang kanyang anak.

            Minsan, napag-usapan ng mga nagtitipon sa tindahan ang tungkol sa bigas, relip, at iba pang bagay na ipinamimigay ng ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa mga mahihirap. Sumabat si Pinkaw na nagkataon na naroon. “Bakit iaasa ko sa pamahalaan ang aking pamumuhay? Malakas at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang maging palamunin. Marami pang iba riyan na nararapat bigyan ng tulong. Ang hirap lang sa ating gobyerno, kung sino ang higit na nangangailangan ay siyang hindi tinutulungan. Ngunit ang ibang tao riyan na Mabuti naman ang kalagayan sa buhay ang siyang nagkakamal ng tulong. Kalokohan…”

            Iyan si Pinkaw. Kontento na sya sa kanyang maaabot sa buhay. Naganap ang sumunod na pangyayari nang wala ako sa amin sapagkat nasa bahay ako ng kapatid kong may sakit. Isinalaysay na lamang ito ng aking mga kapitbahay pagkabalik ko, at matinding galit ang aking nadama sa kanila.

            Isang araw pala, matapos mananghalian ang mag-anak, bigla na lamang namilipit sa sakit ng tiyan ang mga bata. Marahil, sardinas o anumang panis na pagkain ang naging sanhi nito. Natuliro si Pinkaw. Nagsisigaw. Tumakbo sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang maitulong maliban sa pagsabihan siyang dalhin ang anak sa ospital.

            Walang nagdaraang sasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pinkaw ang mga anak. Nagtungo siya sa bahay ng doktor na malapit lamang ngunit wala ang doctor dahil naglalaro raw ng golf, ayon sa katulong.

            Kaya natarantang itinulak na naman ni Pinkaw ang kanyang kariton sa isa pang doktor. Matagal siyang tumimbre sa tarangkahan ngunit walang nagbukas gayong Nakita niyang may sumisilip-silip sa bintana.

            Litong-lito, itinulak na naman ni Pinkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. Halos hindi na makakilos sa pangangapos ng hininga, bukod pa sa lubhang kalungkutan sa pagiging maramot ng kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
            Nang makarating siya sa punong-kalsada, maraming sasakyan ang kanyang pinahihinto upang isakay ang may sakit na mga anak, ngunit wala ni isa man lang ang tumigil. Maya-maya’y napansing hindi na kumikilos ang kanyang panganay. Sinalat niya ito at para siyang sinakluban ng langit nang mabatid niyang hindi na ito humihinga. Humahagulgol niyang ipinagpatuloy ang pagtulak ng kariton upang sikaping mailigtas ang buhay ng dalawa pa niyang anak. Maraming tao ang nagmamasid lamang sa kanya ngunit nakapagtataka kung bakit wala isa man lang ang lumapit upang tumulong. Tumatalbog-talbog ang katawan ng kanyang mga anak sa kariton tuwing dumaraan ito sa lubak lubak na kalsada.

            Pakiramdam niya’y isang daang taon na ang lumipas bago niya narrating ang ospital ng pamahalaan. Matapos ang pagtuturuan ng mga doktor at nars, na ang binibigyang-pansin lamang ay ang mga pasyenteng mukhang mayaman, nalapatan din ng gamut ang dalawang anak ni Pinkaw.

            Kinagabiha’y namatay si Basing, ang sungi. Dalawang araw pa ang lumipas at sumunod naming namatay ang bunso.

            Nakarinig na naman ako ng mga ingay. Muli akong dumungaw. Bumalik si Pinkaw, sinusundan na naman ng mga pilyong bata.


            “Hele-hele, tulog muna. Wala rito ang iyong nanay…” ang kanta niya habang ipinaghehele sa kanyang mga bisig ang binibihisang lata.

Wednesday, November 1, 2017

HINILAWOD (epiko ng mga Bisaya)

Ang Pakikipagsapalaran ni Labaw Donggon

Ang Pag-iibigan nina Diwatang Alunsina at Datu Paubari

            Ipinag-utos ni Kaptan, ang hari ng mga diyos at diyosa na ang magandang diwatang si Alunsina ay ikasal pagsapit niya sa edad ng pagdadalaga. Maraming makikisig na diyos sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang naghangad sa kanyang kamay subalit silang lahat ay nabigo dahil si Alunsina ay umibig at nagpakasal sa isang mortal na si Datu Paubari, ang pinuno ng Halawod.

            Dahil dito’y nagalit ang mga manliligaw ni Alunsina at nagkaisa silang gantihan ang bagong kasal. Binalak nilang sirain ang Halawod sa pamamagitan ng isang malaking baha. Mabuti na lamang at nalaman ni Suklang Malayon, kapatid ni Alunsina ang maitim na balak ng mga nabigong manliligaw kaya’t ang magkabiyak ay nakatakas patungo sa isang mataas na lugar kaya’t sila’y nakaligtas sab aha. Bumalik sila nang napawi na ang baha. Tahimik silang nanirhan sa bukana ng Ilog Halawod.

            Pagkalipas ng ilang buwan ay nagsilang ng tatlong malulusog na sanggol na lalaki si Alunsina. Labis-labis ang kaligayahan ng mag-asawa sa pagdating ng kanilang mumunting biyaya. Pinangalanan nilang Labaw Donggon, Humadapnon, at Dumalapdap ang tatlong sanggol. Ipinatawag nila agad si Bungot-Banwa, ang iginagalang na pari ng kanilang lahi upang isagawa ang ritwal na magdudulot ng mabuting kalusugan sa tatlo. Nagsunog si Bangot-Banwa ng talbos ng halamang alanghiran na sinamahan niya ng kamangyan at saka inialay sa isang altar. Pagkatapos ay binuksan niya ang bintana at sa pagpasok ng malamig na hangin mula sa hilaga, ang tatlong sanggol ay biglang nagging malakas at makikisig na binate.

Ang Pakikipagsapalaran ng Panganay na si Labaw Donggon

            Sa tatlong magkakapatid, si Labaw Donggon ang nagpakita ng interes sa magagandang babae. Nang marinig niyang may isang magandang babaeng bagngangalang Angoy Ginbitinan mula sa bayan ng Handug ay nagpaalam agad siya sa ina upang hanapin ang dalaga. Pagkalipas ng ilang araw na paglalakbay sa mg kapatagan, kabundukan, at mga lambak ay narrating din niya ang Handug. Kinausap niya ang ama ng dalaga upang hingin ang kamay ng anak. Sinabi ng ama na papaya lamang siyang makasal ang anak na si Angoy Ginbitinan kay Labaw Donggon kung mapapatay niya ang halimaw na si Manalintad. Agad pinuntahan ni Labaw Donggon ang halimaw at nakipaglaban siya rito. Napatay niya ang halimaw at binigay ang pinutol na buntot nito sa ama ni Anggoy Ginbitinan bilang patunay ng kanyang tagumpay. Ikinatuwa ito ng ama kaya’t pumayag siyang ipakasal ang anak kay Labaw Donggon. Pagkatapos ng kasal ay naglakbay ang dalawa pabalik sa tahanan nina Labaw Donggon.

            Sa kanilang paglalakbay ay may nasalubong silang mga binate na nag-uusap-usap tungkol sa isang napakagandang dalagang nagngangalang Abyang Durunuum na nakatira sa Tarambang Burok. Narinig niya mula sa usapan ng mga binate na sila’y papunta sa tirahan ng dalaga upang manligaw sa kanya. Naging interesado sa narinig si Labaw Donggon kaya naman pagkalipas lang ng ilang linggong pagsasama ay inihabilin niya ang bagong asawa sa inang si Alunsina at siya’y naglakbay na patungo sa Tarambang Burok upang suyuin si Abyang Duruunum. Nagtagumpay si Labaw Donggon na mapaibig ang napakagandang si abyang Durunuum.

            Subalit hindi pa roon nagtapos ang kanyang paghahanap ng mapapangasawa sapagkat pagkalipas ng ilang panahon nabalitaan na naman niyang may isa pang napakagandang babae, si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata na asawa ni Buyong Saragnayan, ang diyos ng kadiliman. Nais din niyang mapangasawa ito. Sinabi ni Donggon ang kanyang balak sa dalawang asawa. Ayaw man nila, wala naman silang nagawa.

            Sumakay si Labaw Donggon sa isang inagta o itim na bangka at naglayag sa malalawak na karagatan patungong Gadlum. Naglakbay rin siya sa malalayong kaulapan at sa mga batuhan hanggang sa marating niya ang Tulogmatian, ang tahanan ni Buyong Saragnayan. Agad siyang hinarap ni Saragnayan at tinanong kung ano ang kanyang kailangan. Sinabi niyang gusto niyang mapangasawa si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Pinagtawanan ng diyos ng kadiliman si Labaw Donggon at sinabing imposible ang hinahangad nito dahil asawa na niya ang diwata.

            Subalit hindi basta sumuko si Labaw Donggon. Hinamon niya sa isang labanan si Saragnayan at sila’y naglaban sa loob ng maraming taon. Inilubog ni Labaw Donggon ang ulo ni Saragnayan sa tubig sa loob ng pitong taon subalit hindi niya pa rin napatay ang diyos ng kadiliman. Binayo niya nang binayo subalit hindi rin niya ito nagapi. Sa pamamagitan ng pamlang o anting-anting ni Saragnayan ay natalo niya ang noo’y nanghihina at pagod na pagod nang si Labaw Donggon. Ibinilanggo niya si Labaw Donggon sa isang kulungan sa ilalim ng kanyang tahanan.

            Samantala, kapwa nanganak ang dalawang asawa ni Labaw Donggon. Parehong lalaki ang nagging anak nila. Ang anak ni Angoy Ginbitinan ay tinawag niyang Asu Mangga samantalang ang anak ni Abyang Durunuum ay pinangalanang Abyang Baranugon. Nakapagsalita at nakatindig agad ang mga bata. Hinanap nila kapwa ang kanilang ama.

            Sa kanilang paghahanap ay nagkasalubong ang magkapatid sa karagatan. Naglalakad sa ibabaw ng tubig si Baranugon at lulan naman ng bangka si Asu Mangga. Napag-alaman nilang kapwa nila hinanap ang amang mahilig sa magagandang babae. Naglakbay sila patungong Tulogmatian kung saan nila nalaman ang ginawa ni Saragnayan sa kanilang ama. Sinabihan nila itong pakawalan ang kanilang ama. Pinagtawanan lamang ni Saragnayan ang sinabi ng mga anak ni Labaw Donggon kaya’t hinamon siya ng mga ito sa isang labanan. Buong tapang na nakipaglaban ang magkapatid kay Saragnayan.

            Ngunit napakahusay ni Saragnayan kaya’t hindi nila ito matalo-talo. Bumalik si Baranugon sa kanilang lolang si Abyang Alunsina upang sumangguni. Dito niya nalamang ang kapangyarihan pala ni Saragnayan ay nakatago sa isang baboy-ramo. Mapapatay lamang daw si Saragnayan kapag napatay ang baboy-ramong kinatataguan ng kanyang hininga. Sa tulong ng taglay nilang anting-anting ay natagpuan at napatay ng magkapatid ang baboy-ramo. Sa pagkamatay ng baboy-ramo ay nanghina si Saragnayan kaya’t madali na siyang napatay ng palaso ni Baranugon. Gayunma’y hindi rin nila nakita ang ama sa bilangguan nito. Maging ang mga tiyo nilang sina Humadapnon at Dumalapdap ay tumulong na rin sa paghahanap kay Labaw Donggon. Pagkalipas ng mahabang panahon ng paghahanap, natagpuan din nila ang ama sa loob ng isang lambat na nasa  may pampang malapit sa bahay ng asawa ni Saragnayan.


            Subalit wala na ang dating kakisigan at kagitingan ni Labaw Donggon. Nawala ito dahil sa matagal na pagkakakulong nang dahil sa labis na paghahangad sa magaganda, kahit na may asawa nang babae. Naibalik ng magkapatid sa kanilang tahanan si Donggon subalit hindi pa rin nawala ang pagnanais nitong makahanap pang muli ng magagandang mapapangasawa. Ikinagalit ito ng kanyang dalawang asawa subalit ipinaliwanag niyang pantay-pantay ang gagawin niyang pagmamahal sa kanyang mga asawa. Ipinagdasal ng dalawang babaeng nagmamahal sa kanya na muling lumakas si Donggon. Hindi nga nagtagal ay muling nagbalik ang kakisigan at lakas ni Labnaw Donggon.

Alamat ng Isla ng Pitong Makasalanan

Noong unang panahon, isang matandang mangingisda at ang kanyang pitong anak na dalaga ang naninirahan sa isang tahanang nakaharap sa baybayin ng Dagat-Bisaya. Ang kanilang tirahan ay nasa bayan ng Dumangas, isang bayang nasa gawing hilagang-silangan ng lalawigan ng Iloilo na bahagi ng Isla ng Panay. Araw-araw makikita ang pitong dalagang masayang nagsasagawa ng mga gawaing-bahay o kaya nama’y nasa dalampasigan at nagtatampisaw o masayang lumalangoy, naghahabulan, at nagtatawanan. Tila sila mga nimpang kay gaganda habang nakikipaghabulan sa mga alon sa baybayin.

Ang kagandahan ng pitong dalaga ay bantog hindi lang sa kanilang bayan kundi maging sa malalayong lugar. O kaya naman, hindi kataka-takang ang kanilang tahanan ay dinarayo ng maraming binatang naghahangad na makuha ang kamay ng isa sa mga dalagang napupusuan. Mahal na mahal ng ama ang mga anak at ang labis niyang ikinatatakot ay ang makapag-asawa ang sinuman sa kanyang mga dalaga ng mga lalaking maaaring maglayo sa kanya. “Sana, kung makakahanap man ng mapapangasawa ang aking mga anak ay tagarito lang sa aming isla upang hindi sila mapalayo sa akin,” ang naibubulong ng ama sa sarili habang pinagmamasdan ang kanyang mga anak na abala sa mga gawaing bahay.

Isang araw nga ay isang pangkat ng makikisig na binatang mangangalakal ang dumating sa kanilang bayan. Nabalitaan din pala ng mga binata ang kagandahan ng mga dalaga kaya’t nagsadya sila sa bayang iyon hindi lang para sa kanilang mga kalakal kundi para makilala rin ang mga dalaga. Sakay sila ng magagara at mabibilis na bangka.

Mamahaling regalo ang ibinigay ng mga bisita sa mga dalaga. Naging mabilis ang pagkakaunawaan ng pitong dalaga at ng pitong binatang estranghero. Inanyayahan nilang magtungo sa kanilang bayan ang pitong dalaga na agad namang nagsipayag.

Subalit hindi naging madali ang paghingi nila ng pahintulot sa kanilang ama. “Hindi n’yo pa kilala nang lubusan ang mga bianatang iyan. Bakit kayo sasama? Hindi ako papaya.” Ang matigas na wika niya kahit pa nagpupumilit ang kanyang mga anak na sumama sa mga binata.

Isang araw, habang nasa dagat at nangingisda ang ama ay gumawa ng isang mapangahas na pasya ang mga dalaga. “Sasama ako sa aking kasintahan, sa ayaw at sa gusto ni Ama,” ang wika ng panganay na si Delay.

“Ako man, ako man,” ang sunod-sunod na sabi ng iba pang dalaga. Sinamantala ng magkakapatid ang pag-alis ng ama upang mangisda. Bitbit ang kani-kanilang mga pansariling gamit ay sumakay ang mga suwail na anak sa tatlong bangkang dala ng mga binata palayo sa kanilang tahanan.

Nang sila’y nasa bahagi na ng baybayin ng Guimaras kung saan nangingisda ang kanilang ama ay natanaw niya ang tatlong bangka ng mga estranghero lulan ang kanyang pitong anak na dalaga. Buong lakas na sumagwan ang ama para mahabol ang kanyang pinakamamahal na mga anak subalit lubhang mabagal ang kanyang maliit na bangka kompara sa makabagong bangka ng mga estranghero kaya hindi na niya nahabol ang mga anak.

Buong pait na lumuha at nagmakaawa ang ama sa kanyang mga anak. “Mga anak, huwag kayong umalis. Bumalik kayo!, ang walang katapusang pagsigaw at pagmamakaawa ng ama habang patuloy siya sa paggaod subalit hindi siya pinakinggan ng walang turing niyang mga anak. Laylay ang mga balikat sa matinding pagod sa paggaod at sa labis na kalungkutan sa paglisan ng kanyang mga anak, walang nagawa ang matanda kundi lumuha nang buong kapaitan. Wari’y nakidalamhati sa kanya maging mga kalangitan sapagkat ang maliwanag na sikat ng araw ay biglang naparam at sa halip ay napalitan ng pagdilim ng himpapawid. Gumuhit ang matatalim na kidlat na sinabayan ng malalakas na dagundong ng kulog. Biglang pumatak ang malakas na ulan kaya’t walang nagawa ang matanda kundi umuwi na lamang.

Sa kanyang pag-uwi ay isang napakatahimik at napakalungkot na tahanan ang kanyang dinatnan. Hindi napigil ng matanda ang muling pagluha nang masagana. Wari’y sinasabayan din ng malalakas na patak ng ulan sa bubungan ng kanyang ulilang tahanan ang walang katapusang pagluha ng kaawa-awang matanda. Labis-labis ang kanyang kalungkutan at pangungulila sa kanyang mga anak. Sa kabila ng ginawa ng mga suwail na anak ay ang kanila pa ring kaligtasan ang inalala ng ama lalo pa’t masamang panahon ang kanilang nasalubong sa paglalakbay.

Kinaumagahan, indi pa sumisikat ang araw ay pumalaot na ang matanda. Inisip niyang maaaring sumilong ang bangka ng mga estranghero dahil sa sama ng panahon nang nagdaang gabi. Baka sakaling mahabol niya pa ang kanyang mga anak. Subalit anong laking pagtataka niya nang siya’y nasa laot na. Nakatanaw siya ng maliliit na islang tila isinabog sa gitna ng laot sa pagitan ng kanilang isla ng Dumangas at isla ng Guimaras. Sa lugar na ito siya nangisda kahapon at alam na alam niyang walang mga islang tulad nito sa lugar nang nagdaang araw.

Kinabahan ang matanda at kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso ang mabilis niyng paggaod papunta sa mga mumunting isla. Anong laking panlulumo niya nang makita ang nagkalat na bahagi ng bangkang sinakyan ng kanyang mga anak na nakalutang sa paligid. Binilang niya ang mumunting isla. Pito! Pito rin ang kanyang mga anak na dalaga. Humagulgol ang matanda. Parang nahulaan na niya ang nangyari. Nalunod ang kanyang mga anak nang ang sinasakyan nilang mga bangka ay hinampas ng malalakas na along dala ng biglang pagsama ng panahon kahapon at sumadsad sa mga korales at matatalas na batuhan kaya nagkahiwa-hiwalay ang mga ito.


Ang mga mumunting isla ay tinawag na Isla de los Siete Pecados o Mga Isla ng Pitong Makasalanan. Ito ay bilang pag-alala sa pagsuway at kasalanng nagawa ng pitong suwail na dalaga sa kanilang mapagmahal na ama.