Sa isang kaharian ay may isang lalaking mahirap na walang tanging kapisan sa kanilang maralitang kubo maliban sa anak na dalaga, na bukod sa kaniyang pambihirang katalinuhan ay may angkin pa ring kagandahan sadyang karapat-dapat maging sa lalo mang pihikang pagtatangi. Ang gawa ng mag-ama ay magpalimos. Ang anak ang nagtuturo sa ama ng mga kaibig-ibig na gawi at mga pangungusap upang kalugdan ng mga pinagpapalimusan.
Minsan ang matandang lalaki ay nagtungo sa hari upang humingi ng limos. Itinanong ng hari kung saan siya nagmula at kung sino ang nagturo sa kaniya ng mga pangungusap na kagiliw-giliw. Ipinagtapat ng lalaki, kung saan siya nagmula at sinabing ang nagturo sa kaniya ay ang kaniyang anak.
"At sino naman ang nagturo sa iyong anak?" ang tanong ng hari. Ang lalaki ay tumugon, "Ang Diyos po at ang aming malaking kahirapan."
Sa gayo'y binigyan siya ng hari ng tatlumpung itlog at sinabing, "Dalhin mo sa iyong anak ang mga itlog na ito, at sabihing ibig kong mapisa at maging mga kiti at ikaw ay aking gagantimpalaan, nguni't kapag hindi nagawa ang ganito, masama ang mangyayari sa iyo."
Ang lalaki ay lumuluhang bumalik sa kaniyang kubo. Isinalaysay sa kanyang anak ang nagyari. Nakita at napansin kapagdaka ng dalaga na ang mga itlog na yaon ay nilaga na. Pinagpayuhan ang ama na magpahinga na at siya na ang bahalang umayos ng lahat.
Kumuha ang dalaga ng isang palayok, pinuno ng tubig, nilagyan ng mga butil ng mais, at yao'y pinakuluan. Kinaumagahan, ang mga butil ng mais ay naging binatog. Iniutos sa ama na kumuha ng kalabaw at araro, at mag-araro sa daang maaaring pagdaanan ng hari.
"At saka," ang dugtong pa, "pag nakita ninyo ang hari, kunin ang binatog, isabog na pahasik at isigaw, Sige, kalabaw ko! Sige! Tulungan ako ng langit na tumubo ang aking mga butil na binatog." "At kung ang hari ay magtanong sa inyo kung paano maaring tumubo ang binatog, tanungin ninyo siya kung paano rin maaaring mapisa't maging sisiw ang mga nilagang itlog."
Sinunod ng ama ang bilin ng anak, lumisan at nagsimulang mag-araro . Nang mamataan niya ang hari, sinimulan niyang humiyaw.
"Sige, kalabaw ko! Sige! Tulungan ako ng Diyos na tumubo ang aking binatog." "Hoy, baliw! Paano maaring tumubo ang binatog?" At tumugon ang lalaki. " Pagpalain kayo ng Diyos, mahal na hari!. Maaari pong tumubo ang binatog tulad din na maaaring mapisa ang nilagang mga itlog."
Nahulaan kapagdaka ng hari na ang gayong sagot ng lalaki ay walang-salang turo ng kaniyang anak. Iniutos sa mga utusang dakpin ang lalaking iyon at iharap sa kaniya, inabutang muli ang lalaki ng isang supot na bulak.
"Dalhin mo ang bulak na ito sa iyong anak, at ipagawa mong lubid upang magamit sa mga barko at layag para sa aking bangka. At iyong tandaan, pag hindi ninyo nagawa iyon, ay pagbabayaran ng inyong ulo."
Tinanggap ng kaawa-awang lalaki ang supot ng bulak at umuwing nalulumbay sa kaniyang anak na pinagsalaysayan ng lahat ng mga nangyari. Nguni't muli siyang pinagsabihan ng anak na matulog at mamahinga na at ipinangakong ang lahat ay kaniyang isasaayos.
Kinabukasan siya ay kumuha ng kaputol na kahoy. Ginising ang ama. "Dalhin ninyo ang kaputol na kahoy na ito sa hari. Ipagawa ninyo itong isang malaking gulong na lubiran at saka isa ring habihan at diyan ko gagawin ang lahat ng kaniyang ipinagagawa sa akin."
Sinunod na muli ng kaawa-awang ama ang utos ng anak. Nagulumihanan ang hari nang marinig ang gayon at nagsimulang mag-isip ng kung ano ang kaniyang maaring muling ipagawa. Sa wakas ay kumuha siya ng isang maliit na sartin, at ang wika habang iniaabot sa ama: "Dalhin mo ang sarting ito sa iyong anak at bayaan mong tuyuin niya ang dagat sa pamamagitan niyan, hanggang sa iyo'y maging parang isang natuyong kabukiran."
Sumunod ang isang kahabag-habag na ama na sa mata ay may nangingilid na luha. Dinala ang sartin sa kaniyang anak at sinabi ang bilin ng hari. Ngunit ang dalaga ay hindi rin kinabakasan ng ano mang pag-aalala at pangamba. Mairog na pinagsabihan ang ama na mamahinga na at siya na ang bahalang umisip ng paraan hanggang kinabukasan.
Kinaumagahan, ginising niya ang kaniyang ama. Binigyan ng kapirasong basahan upang dalhin sa hari at ipinasasabi sa hari ang ganito: "Sa hari ay inyong sabihin na sarhan ang lahat ng bukal na pinagmumulan ng tubig at ang lahat ng bunganga ng ilog sa daigdig sa pamamagitan ng kapirasong basahang iyan. Pag nagawa niya iyan, ay aking tutuyuin ang dagat para sa kaniya."
At lumisan ang ama at sinabi ang gayon sa hari. Noo'y nakilala ng hari na ang dalaga ay higit na matalino kaysa kaniyang sarili at pinag-utos na iyon ay dalhin sa kaniya. At nang ang mag-ama ay maiharap sa hari, tinanong ang dalaga. "Sabihin mo, marilag na paraluman, kung anong bagay na pinakamalayong naririnig ng tao." "Dakilang hari! Ang pinakamalayong naririnig ng tao ay ang kulog at ang kasinungalingan."
Sa pagkakarinig ng hari sa gayong kasagutan, hindi niya namalayan ay nahawakan ang kaniyang balbas. Sa harap ng kaniyang matatalinong kasangguni ay kaniyang naitanong ang ganito: "Magkano sa akala ninyo maaaring magkahalaga ang aking balbas na ito." At iyon ay nilagyan ng halaga ng isa. Pinataas ng ikalawa at lalo pang pinataas ng ikatlo hanggang sa umabot ang halaga sa kasukdulan. Nguni't ang dalaga ay nagwika. ''Hindi ninyo mahuhulaan ang tunay na halaga niyan. Ang halaga ng balbas ng hari ay kasinghalaga ng tatlong maulang araw sa panahon ng tag-araw.''
Namangha ang hari at nagwika, "Ang dalaga ang lalong may pinakamahusay at tumpak na tugon.'' Sa gayo'y kaniyang hiniling na ang dalaga ay maging kabiyak ng puso niya. Ang dalaga ay yumukod sa hari, ''Marangal na hari! Matutupad ang inyong kahilingan, nguni't hinihiling ko sa inyong isulat sa papel ng inyong sariling kamay ang ganito: na kung kayo ay magalit at magsawa sa akin, at ako ay inyong ipagtabuyan at paalisin sa palasyong ito, malaya kong madadala sa aking paglisan ang bagay na aking minamahal.''
At pumayag ang hari, at nilagdaan ang kasunduan. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang inaasahan ng dalaga. Ang hari ay nagalit sa kaniya at ang sabi: ''Lisanin mo ang palasyong ito. Hindi na kita ibig na ituring na aking kabiyak. Pumaroon ka magbalik sa iyong ama o kung saan mo man ibig pumaroon.'' ''Dakilang hari,'' ang tugon ng reyna, ''ikaw ay aking susundin, at masusunod ang iyong nais, ngunit aking isinasamo sa inyong kamahalan na sa akin ay iyong ipaubaya ang tanging gabing ito, at bukas ng umaga, ako ay handa nang lumisan.''
Pinahintulutan ng hari ang kaniyang pakiusap. At ang reyna, bago maghapunan, ay naghanda ng lalong matatapang na alak at isinamo sa asawang siya ay saluhan bilang pahimakas ng kanilang walang kapalarang pagsasama. ''Uminom ka, dakilang hari, magpakalasing at magpakaligaya. Bukas ako ay lilisan upang tayo ay magkalayo. Nguni't tandaan mo na sa aking pag-alis, ako ay liligaya nang higit kaysa unang sandaling tayo ay makasal, noong ikaw ay maging mahal na kabiyak ng aking puso.''
Ang hari ay tumungga at uminom nang marami hanggang sa siya ay labis na malasing at tuluyang mahimbing. Sinamantala ng reyna ang pagkakataong ito. Iniutos nya na buhatin ang hari at isakay sa karitong inihanda niya na pagsasakyan nito. Pinalakad ng reyna ang kariton, hanggang sa makarating sila sa ituktok ng isang mabatong kabundukan. Nang magising ang hari, at makita niya ang kanilang kinaroroonan, siya ay nag wika, ''Sino ang nagdala sa akin dito? Bakit mo ginawa ito? Hindi ba ikaw ay pinalayas ko na?''
Ang reyna ay tumugon, habang kanyang inilalabas ang isang kapirasong papel. ''Tunay ang iyong sabi, nguni't tingnan mo at basahin ang sinulat ng iyong sariling kamay: na kung kayo'y magalit at magsawa sa akin at ako'y inyong ipagtabuyan at paalisin sa palasyong ito, malaya kong madadala sa aking paglisan ang bagay na aking minamahal.
Nang marinig ito ng hari, natimbang at nauri niya ang pagmamahal sa kaniya ng kaniyang mahal na reyna. Nilapitan niya ito, niyakap nang mahigpit at sila ay masayang bumalik sa palasyo.