Ang Munting Ibon (Maikling
Kwento) ng Maranao
Upang mapagtibay ang
relasyon sa kapwa, maging magalang, matapat, at mabuti ka.
Noong unang panahon, may mag-asawang nanininrahan
sa malayong bayan ng Agamaniyog. Sila sina Lokes a Babay at Lokes a Mama. Pangangaso
ang ikinabubuhay ng mag-asawa subalit hindi lang ang lalaking si Lokes a Mama
ang nangangaso kundi maging ang kanyang maybahay na si Lokes a Babay. Bago
sumapit ang takipsilim ay inilalagay na
ng mag-asawa ang kani-kanilang bitag sa gubat at ang mga ito’y kanilang
binabalikan sa madaling araw.
Isang gabi, habang nahihimbing si Lokes a Babay ay
dahan-dahang lumabas ng bahay si Lokes a Mama upang tingnan ang kanilang mga
bitag. Anong laking gulat niya nang makitang ang kanyang bitag na nakasabit sa
puno ay nakahuli ng isang munting ibon samantalang ang bitag ng kanyang asawang
nasa lupa sa tabi ng ugat ng isang malaking puno ay nakahuli ng isang malusog
na usa. “Hmmm, hindi maaari ito,” ang sabi ni Lokes a Mama sa sarili. “Matabang
usa ang nahuli ng bitag niya samantalang ang sa aki’y isang munting ibon lang
ang nadale. Alam ko na. Pagpapalitin ko ang mga hayop na nahuli ng aming mga
bitag,” ang nakangising wika ni Lokes a Mama habang inililipat ang usa sa
kanyang bitag at saka itinali ang ibon sa bitag ng asawa. Umuwi si Lokes a Mama
nang nasisiyahan sa kanyang ginawa kahit alam niyang isang panloloko ito sa
kanyang asawa.
Kinabukasan, maagang ginising ni Lokes a Mama ang
asawa. Gusto niya kasing sabay silang magtungo sa kagubatan upang sabay ring
Makita ang mga huli ng kani-kanilang mga bitag. Gulat na gulat si Lokes a Babay
nang makita ang matabang using nakasabit sa bitag ng asawang nasa itaas ng puno
samantalang ang kanyang bitag na nasa tabi ng puno ay nakahuli lang ng isang
maliit na ibon. Ipinagtataka niya kung paanong ang bitag na nasa itaas ng puno
ang nakahuli ng isang usa subalit hindi na lang siya kumibo. Sa halip, iniuwi
niya ang munting ibon at inilagay ito sa isang hawla.
Samantalang, iniuwi naman ni Lokes a Mama ang
kanyang huli at saka iniluto. Umaamoy sa kapaligiran ang nakakagutom na amoy ng
nilulutong usa subalit nang handa na’y agad itong nilantakan ng lalaki nang
hindi man lang nag-alok sa kanyang asawa. Sinolo niyang kainin ang buong usa sa
loob ng tatlong araw kahit alam niyang gusto rin ito ng kanyang asawa. Isa pa’y
ang bitag naman talaga ni Lokes a Babay ang totoong nakahuli sa usa. Likas
siyang maramot at walang pagpapahalaga sa asawa kaya hanggang sa maubos ang usa
ay hindi niya binigyan si Lokes a Babay na nanatiling walang kibo sa kabila ng
ginagawa ng asawa.
Nang maubos niya ang nilutong usa ay muling niyaya
ni Lokes a Mama ang asawa. “Gusto ko uling makatikim ng matabang usa. Halika,
maglagay tayong muli ng bitag sa gubat,” ang kanyang paanyaya sa asawa. Muli,
naglagay ang dalawa ng kani-kanilang mga bitag. Subalit hindi marunong umakyat
ng puno si Lokes a Babay at dahil hindi man lang siya tinulungan ni Lokes a
Mama ay inilagay na lang niya uli ang
kanyang bitag sa tabi ng puno kung saan siya dating naglalagay.
Hatinggabi nang mamalayan ni Lokes a Babay ang
kanyang asawang bumangon at dahan-dahang lumabas ng pinto. Nagkunwari siyang
tulog. Matalinong babae si Lokes a Babay at nahulaan niya ang ginagawa ng
asawa. Subalit wala siyang intensyong sundan ito. “Alam kong niloloko mo lang
ako, pero hindi kita papatulan”, ang tahimik niyang naibulong sa sarili at saka
niya pinilit makatulog kahit pa siya’y nagdaramdam sa ginagawang pagtrato
sa kanya ng asawa.
Nang siya’y makatulog ay nanaginip siya.
Napanaginipan niyang pinakakain daw niya ng palay ang kanyang alaga at anong
laking gulat niya nang mangitlog ito ng isang montias o isang mamahaling hiyas.
Nagising na lang siya dahil tinatawag na pala siya
ni Lokes a Mama para tingnan ang kanilang mga bitag. Subalit wala na siyang
interes sa bitag. “Ikaw na lang ang pumunta,” ang sabi niya sa asawa. “Masakit
ang ulo ko at mas gusto ko pang magpahinga na lang.” ang dugtong pa niya.
“Bahala ka. Basta’t pag may nahuli ako ay hindi
uli kita bibigyan. Kanya-kanya tayo,” ang sabi ni Lokes a Mama habang pababa ng
hagdan. Hindi sumagot si Lokes a Babay. Sanay na siya sa pagiging tuso at
madamot ng kanyang asawa. Wala rin itong pagpapahalaga sa kanya at hindi niya
naramdamang mahal siya nito.
Pagkaalis ng kanyang asawa ay agad niyang pinuntahan
ang kanyang munting ibon. Kumuha siya ng palay at ipinatuka sa ibon. Gayon na
lang ang kanyang panggigilalas nang makitang pagkalunok nito sa palay ay
biglang nangitlog ng isang maningning na diyamante ang ibon. Dinampot niya ang
diyamante. “Mayaman na ako! Mayaman na ako!” ang paulit-ilit niyang sabi sa
sarili habang itinatago ang mamahaling bato.
Tulad ng dati, pag-uwi ng kanyang asawa ay
iniluluto nito ang kanyang huli at mag-isang kumakain nang hindi man lang
nag-aalok. Subalit hindi na ito pansin ni Lokes a Babay ngayon. Sa halip ay
masaya siyang humuhuni ng paborito niyang himig habang gumagawa sa bahay na
labis namang ipinagtataka ng kanyang
asawa.
Araw-araw nga, pagkaalis ng kanyang asawa upang
kunin ang anumang nahuli ng kanilang bitag ay pinakakain naman niya ng palay
ang ibon at saka mag-aabang sa ilalabas nitong diyamante. Walang kamalay-malay
si Lokes a Mama na marami na palang naiipong diyamante si Lokes a Babay.
Isang araw, habang mag-isa na namang kinakain ni
Lokes a Mama ang kanyang inilutong huli ay nagsalita si Lokes a Babay. “Hindi
ko na matiis ang pakikitungo mo sa akin. Alam ko na ang ginagawa mong panloloko
sa akin. Bukod pa riyan hindi ko na rin kayang tiisin ang pagiging maramot mo
at kawalan mo ng pagpapahalaga sa akin,” ang buong kapaitan niyang sabi sa
asawa na hindi man lang tumingala mula sa pagngasab sa niluto niyang ligaw na
pato. “Payag na ako sa dati mo pang sinasabing pakikipaghiwalay sa akin.
Magmula ngayon, lilipat na ako ng tirahan at hindi na kita aabalahin subalit
huwag na huwag mo na rin akong aabalahin.” ang pangwakas na sabi ni Lokes a
Babay.
Medyo nakonsensya naman ang lalaki dahil totoong
lahat ang sinabi sa kanya ng asawa. Pero ito na ang pinakahihintay niyang
pagkakataon. Ngayon ay Malaya na siya. Matagal na niyang sinasabi kay Lokes a
Babay na gusto niyang makipaghiwalay subalit hindi ito pumapayag. Ngayon ay
heto at pumapayag na siya sa kanyang kagustuhan.
Nag-impake si Lokes a Babay ng kanyang mga gamit
at dala ang pinakamamahal niyang ibon at umalis siya ng bahay. Naiwan naman si
Lokes a Mama at ipinagpatuloy lang ang kanyang pangangaso.
Samantala si Lokes a Babay ay bumili ng isang
malawak na lupain at nagpatayo ng isang torogan o malapalasyong tahanan. Kumuha
siya ng mga guwardiya at mga katulong na magsisilbi sa kanya. Naging maayos at
masagana ang kanyang pamumuhay. Nabalitaan ni Lokes a Mama ang napakagangdang
kalagayan sa buhay ng kanyang dating asawa kaya’t muli siyang nagplano.
“Babalikan ko si Lokes a Babay para makasalo rin
ako sa kanyang kayamanan. Hindi ko alam kung saan niya kinuha ang kanyang
kayamanan subalit dapat lang na makinabang din ako,” ang sabi sa sarili ng
tusong lalaki.
Subalit napaghandaan na pala ito ni Lokes a Babay.
Kilala niya kasi ang pagiging tuso at manloloko ng asawa kaya’t pinabilinan
niya ang kanyang mga guwardiya na huwag na huwag itong palalapitin man lang sa
kanyang magarang tahanan. Kahit anong gawin ni Lokes a Mama ay hindi na
nagpaloko sa kanya ang asawa.
At magmula noon, namuhay sa bayan ng Agamaniyog si
Lokes a Babay nang maligaya, masagana, at payapa.