Saturday, January 14, 2017

Natalo Rin Si Pilandok (Pabula)

Natalo Rin Si Pilandok (Pabula)
Maging maingat sa iyong pakikitungo sa mga taong tuso at manloloko upang maiwasang maging biktima nito.

Kilala si Pilandok sa kanyang pagiging tuso at mapanlinlang. Katunayan, madalas na panlilinlang o panloloko ang ginagamit ni Pilandok sa kanyang mga laban kaya naman lagi siyang nananalo. Subalit sa pagkakataong ito, bumalik sa kanya ang mga nagawa niyang panloloko o panlilinlang kaya siya naman ang natalo. Sino kaya ang hayop na nakatalo sa kanya. Isa kaya itong malaki at makapangyarihang hayop? At sa paanong paraan kaya niya natalo ang Pilandok? Halina’t iyong alamin.

Isang hapon, mainit ang sikat ng araw kaya’t nagpasya ang matalinong pilandok na magpunta sa paborito niyang malinaw na batis upang doon magpalamig at uminom. Isang malaki at gutom na gutom na baboy-ramo pala ang nakatago sa gilid ng malalabay na puno at naghihintay ng anumang darating na maaaring makain. Nang makita niya ang pilandok ay agad na nagningning ang kanyang mga mata. Mabilis siyang lumabas at humarang sa daraanan ng pilandok. “Sa wakas, dumating din ang aking pagkain. Gutom na gutom na ako sa maghapong hindi pagkain, Pilandok, kaya’t humanda ka na dahil ikaw ngayon ang aking magiging hapunan,” ang tatawa-tawang sabi ng baboy-ramo. Kitang-kita ng pilandok ang matutulis na ngipin at pangil na baboy-ramo.

Takot na takot ang pilandok dahil alam niyang sa isang sagpang lang sa kanya ay tiyak na magkakalasog-lasog ang kanyang payat na katawan subalit hindi siya nagpahalata. “Kawawa ka naman baboy-ramo, maghapon ka na palang hindi kumakain,” ang sabi na tila awing-awa nga sa kalagayan ng kausap. “Puwede mo nga akong maging pagkain pero alam mo, sa gutom mong iyan at sa liit kong ito, tiyak na hindi ka mabubusog sa akin.” Ang dugtong pa nito.

“Kung gayon, ano ang gagawin ko? Gutom na gutom na ako!” ang malakas na sigaw ng baboy-ramo.

“Ha! Matutulungan kita riyan, Baboy-ramo,” ang sabi ni Pilandok habang mabilis na nag-iisip. “Tao, tao ang dapat mong kainin para mabusog ka. Sasamahan kita sa paghahanap ng isang taong tiyak na makabubusog sa iyo”. ang paniniyak nito.

“Ano ba ang tao? Tiyak ka bang mabubusog ako sa tao?” ang tanong ng baboy-ramo.

“Ang tao ang pinakamalakas na hayop sa buong mundo,” ang sagot naman ng  pilandok.

“Mas malakas pa kaya sa akin?” ang tanong ng baboy-ramo habang hinihipan at pinalalaki ang kanyang dibdib.

“Oo, malakas talaga ang tao subalit sa talas ng iyong mga ngipin at pangil, at sa bilis mong tumakbo, tiyak na kayang-kaya mong sagpangin at kainin ang tao,” ang pambobola pa ng pilandok sa baboy-ramo.

Nahulog na nga ang baboy-ramo sa bitag ng pilandok. Paniwalang-paniwala ito sa kanyang matatamis na pananalita. “Kung gayon, samahan mo na ako sa tao at nang ako’y makakain na. Basta’t tandaan mo, kapag hindi ako nakakain ng tao ay ikaw pa rin ang magiging hapunan ko,” sabi ng baboy-ramo sa pilandok.

“Oo, basta, ako ang bahala sa iyo. Tiyak na mabubusog ka, kaibigan,” ang paniniyak pa ng pilandok sa baboy-ramo.

Naglakad-lakad nga ang dalawa sa kagubatan hanggang sa mapunta sila sa isang talon. Nakarinig sila ng tinig ng isang batang tila tuwang-tuwa sa paglangoy. Nakita nila ang isang batang lalaking nagtatampisaw sa batis na nasa ibaba ng talon. “Iyan, iyan na ba ang tao? Susunggaban at kakainin ko na,” ang mabilis na sabi ng baboy-ramo.

“Kaibigan, hindi pa iyan ang tao. Sumisibol pa lang iyan kaya’t hindi ka pa masisiyahan diyan,” ang sagot ng pilandok.

“Kung gayon, saan natin makikita ang taong gagawin kong hapunan?” ang naiinip nang tanong ng baboy-ramo.

“Doon, sag awing hilaga,” ang sagot ng pilandok.

Nakakita sila ng isang taniman ng mga kamote. May isang matandang lalaking nagtatanim. Nakabaluktot na ang likod niya at nakalalakad na lamang sa tulong ng baston.

“Iyan na ba? Iyan na ba ang taong gagawin kong hapunan? Ayoko niyan, payat at ni hindi ako matitinga riyan,” ang sabi ng baboy-ramo.

“Tama ka, kaibigan. Payat masyado iyan at hindi ka mabubusog diyan. Tira-tirahan na lang iyan. Hindi iyan nababagay sa isang matikas na baboy-ramong tulad mo,” ang muling sabi ng pilandok.

Galit na ang baboy-ramo.” Kung gayon, saan ko makikita ang taong kakainin ko? Gutom na gutom na ako! Niloloko mo lang yata ako eh. Ikaw na lang ang kakainin ko!” ang gigil na sabi nito sa pilandok.

“Huwag! Huwag, kaibigan. Hayun na, hayun na ang taong laan para sa iyong hapunan,” ang sabi ng pilandok sabay turo sa isang matikas at matangkad na mangangasong naglalakad sa gilid ng gubat.

“Tiyak na mabubusog ka riyan dahil malaman iyan at tiyak, hindi mo na gugustuhin pang kumain ng isang munting hayop na tulad ko pagkatapos mo siyang makain,” ang nakangising sabi ng pilandok.

“Tama ka, Pilandok. Ito na nga ang hapunan ko,” ang sigaw ng baboy-ramo sabay sugod sa nabiglang mangangaso. Subalit nabigla man at natumba ang mangangaso ay mabilis pa rin itong nakabangon at napaputok ang dalang ripple kaya’t tinamaan ang baboy-ramo.

Nakahinga nang maluwag ang tusong Pilandok. Ngayon siya nakadama ng matinding uhaw kaya’t naisip niyang muling bumalik sa batis upang ipagpatuloy ang naputol na pag-inom. Tahimik na umiinom ang pilandok nang bigla niyang maramdamang may sumunggab sa kanyang isang paa. Paglingon niya ay nakita niya ang buwayang makailang beses na niyang nalinlang. Alam niyang galit sa kanya ang buwaya pero galit din siya rito dahil sa lagi siyang pinipigilang umiinom sa batis.

Sa halip na magsisigaw sa sakit ay mabilis na umisip ng solusyon ang matalinong pilandok. “Hay naku, kawawa naman ang buwayang ito. Hindi niya makilala ang pagkakaiba ng patpat sa paa ng isang usa,” ang tila nang-uuyam na sabi ng pilandok.

Subalit hindi siya binitawan ng buwaya. Sanay na kasi itong naiisahan ni Pilandok kaya ngayon ay natuto na siya. Baka isa na namang patibong ito ng pilandok.

Subalit hindi tumigil doon ang pilandok. “Buwaya, bulag ka ba? Patpat lang ang kagat-kagat mo. Heto ang paa ko, o,” ang malakas na sabi niya sabay taas sa isang binti. Biglang binitawan ng buwaya ang kagat-kagat nap aa ng pilandok. Akmang susunggaban n asana nito ang isang paang itinaas ng pilandok nang mabilis itong makalundag palayo. Sising-sisi ang buwaya, naisahan na naman siya ng matalinong pilandok

Habang naglalakad pauwi ang pilandok ay nasalubong niya ang isang suso. Dahil maliit ang suso ay naisip ng Pilandok na kayang-kaya niyang magyabang dito. Hinamon niya ang suso sa isang karera at anong laking gulat niya nang pumayag ang suso at nagsabi pa itong kayang-kaya niyang talunin ang pilandok.

Ang hindi alam ng pilandok ay kalat na kalat na sa kaharian ng mga hayop ang kanyang pagiging tuso o mapanlinlang kaya’t napaghandaan na ang suso ang araw na siya naman ang maaring pagdiskitahan ng pilandok. Kinausap na niya ang kanyang mga kapatid. Magkakamukha sila at aakalain mong iisang suso lang sila dahil sa kanilang parehong-parehong itsura.

Nagsimula na nga ang karera. Agad umarangkada at tumakbo nang ubod bilis ang pilandok. Subalit paghinto niya sa kalagitnaan upang silipin kung nasaan na ang kalaban ay anong laking gulat niya nang magsalita ang suso. “O, ano Pilandok, pagod ka na ba?” ang tanong nito. Gulat na gulat sa kung paanong nagawa ng suso na mauna pa sa kanya kaya’t mabilis na tumakbo uli ang pilandok hanggang sa makarating sa dulo ng karera nang halos lumawit ang dila sa pagod. Subalit, hayun at nauna na naman ang suso na ipinagbubunyi na ng ibang mga hayop bilang nagwagi. Hindi makapaniwala ang pilandok na natalo siya ng isang suso. Natalo niya ang mabangis na baboy-ramo, natalo niya ang malaki at mahabang buwaya, minsa’y naisahan na rin niya ang isang matalinong sultan subalit, heto, siya naman ngayon ang natalo ng isang munting suso. Kinamayan niya ang suso at buong pagpapakumbaba niyang sinabi,”Suso, kung sa paanong paraan mo man ginawa iyon, tinatanggap kong tinalo mo ako.

Matalino ka nga. Binabati kita at dahil diyan, ipinangangako kong iiwasan ko na ang ginagawa kong panlalamang sa kapwa.” Muling nagbunyi ang mga hayop sa nakarinig kay Pilandok.


Kuwentong-bayan (Kahulugan at Halimbawa)

Kuwentong-bayan (Kahulugan at Halimbawa)
Ang mga kuwentong-bayan ay bahagi ng ating katutubong panitikang nagsimula bago pa man dumating ang mga Espanyol. Ito’y lumaganap at nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon sa paraang pasalindila o pasalita. Nasa anyong tuluyan ang mga luwentong-bayan at karaniwang naglalahad ng kaugalian at tradisyon ng lugar kung saan ito nagsimula at lumaganap.

Maraming kuwentong-bayan ang pumapaksa sa mga hindi pangkaraniwang pangyayari tulad ng ibong namgimgitlog ng ginto o kaya’y mga nilalang na may pambihirang kapangyarihan tulad ng mga diyosa, mga anito, diwata, engkantada, sirena, siyokoy, at iba pa. Masasalamin sa mga kuwentong-bayan ang kaugalian, pananampalataya, at mga suliraning panlipunan sa panahon  kung kalian ito naisulat. May mga kuwentong-bayang ang pangunahing layunin ay makapanlibang ng mga mambabasa o tagapakinig subalit ang karamihan sa mga ito ay kapupulutan din ng mahahalagang aral sa buhay.

May mga tampok o kilalang kuwentong-bayan ang bawat rehiyon sa Pilipinas. Nagkaroon na nga lang ng iba’t ibang bersiyon ang mga ito dahil sa lumaganap ito nang pasalita, kaya’t minsa’y binabago ng tagapagkuwento ang mga detalye na nagdudulot ng ibang bersiyon dahil sa pagbabago sa banghay o pagdaragdag ng mga tauhan bagama’t nananatili ang mga pangunahing tauhan gayundin ang tagpuan kung saan naganap ang kuwentong-bayan.

Uri ng Kuwentong-bayan
1. Kuwentong-bayan Tagalog
Si Mariang Makiling
Si Malakas at Si Maganda
Mga Kuwento ni Juan Tamad

2. Mga Kuwentong-bayan sa Bisaya
Ang Bundok ng Kanlaon
Ang Batik ng Buwan

3. Mga Kuwentong-bayan sa Mindanao
Isang Aral Para sa Sultan
Si Monki, si Makil, at ang mga Unggoy

Ang Munting Ibon

Ang Munting Ibon (Maikling Kwento) ng Maranao

Ang Munting Ibon (Maikling Kwento) ng Maranao
Upang mapagtibay ang relasyon sa kapwa, maging magalang, matapat, at mabuti ka.

Noong unang panahon, may mag-asawang nanininrahan sa malayong bayan ng Agamaniyog. Sila sina Lokes a Babay at Lokes a Mama. Pangangaso ang ikinabubuhay ng mag-asawa subalit hindi lang ang lalaking si Lokes a Mama ang nangangaso kundi maging ang kanyang maybahay na si Lokes a Babay. Bago sumapit  ang takipsilim ay inilalagay na ng mag-asawa ang kani-kanilang bitag sa gubat at ang mga ito’y kanilang binabalikan sa madaling araw.

Isang gabi, habang nahihimbing si Lokes a Babay ay dahan-dahang lumabas ng bahay si Lokes a Mama upang tingnan ang kanilang mga bitag. Anong laking gulat niya nang makitang ang kanyang bitag na nakasabit sa puno ay nakahuli ng isang munting ibon samantalang ang bitag ng kanyang asawang nasa lupa sa tabi ng ugat ng isang malaking puno ay nakahuli ng isang malusog na usa. “Hmmm, hindi maaari ito,” ang sabi ni Lokes a Mama sa sarili. “Matabang usa ang nahuli ng bitag niya samantalang ang sa aki’y isang munting ibon lang ang nadale. Alam ko na. Pagpapalitin ko ang mga hayop na nahuli ng aming mga bitag,” ang nakangising wika ni Lokes a Mama habang inililipat ang usa sa kanyang bitag at saka itinali ang ibon sa bitag ng asawa. Umuwi si Lokes a Mama nang nasisiyahan sa kanyang ginawa kahit alam niyang isang panloloko ito sa kanyang asawa.

Kinabukasan, maagang ginising ni Lokes a Mama ang asawa. Gusto niya kasing sabay silang magtungo sa kagubatan upang sabay ring Makita ang mga huli ng kani-kanilang mga bitag. Gulat na gulat si Lokes a Babay nang makita ang matabang using nakasabit sa bitag ng asawang nasa itaas ng puno samantalang ang kanyang bitag na nasa tabi ng puno ay nakahuli lang ng isang maliit na ibon. Ipinagtataka niya kung paanong ang bitag na nasa itaas ng puno ang nakahuli ng isang usa subalit hindi na lang siya kumibo. Sa halip, iniuwi niya ang munting ibon at inilagay ito sa isang hawla.

Samantalang, iniuwi naman ni Lokes a Mama ang kanyang huli at saka iniluto. Umaamoy sa kapaligiran ang nakakagutom na amoy ng nilulutong usa subalit nang handa na’y agad itong nilantakan ng lalaki nang hindi man lang nag-alok sa kanyang asawa. Sinolo niyang kainin ang buong usa sa loob ng tatlong araw kahit alam niyang gusto rin ito ng kanyang asawa. Isa pa’y ang bitag naman talaga ni Lokes a Babay ang totoong nakahuli sa usa. Likas siyang maramot at walang pagpapahalaga sa asawa kaya hanggang sa maubos ang usa ay hindi niya binigyan si Lokes a Babay na nanatiling walang kibo sa kabila ng ginagawa ng asawa.

Nang maubos niya ang nilutong usa ay muling niyaya ni Lokes a Mama ang asawa. “Gusto ko uling makatikim ng matabang usa. Halika, maglagay tayong muli ng bitag sa gubat,” ang kanyang paanyaya sa asawa. Muli, naglagay ang dalawa ng kani-kanilang mga bitag. Subalit hindi marunong umakyat ng puno si Lokes a Babay at dahil hindi man lang siya tinulungan ni Lokes a Mama ay  inilagay na lang niya uli ang kanyang bitag sa tabi ng puno kung saan siya dating naglalagay.

Hatinggabi nang mamalayan ni Lokes a Babay ang kanyang asawang bumangon at dahan-dahang lumabas ng pinto. Nagkunwari siyang tulog. Matalinong babae si Lokes a Babay at nahulaan niya ang ginagawa ng asawa. Subalit wala siyang intensyong sundan ito. “Alam kong niloloko mo lang ako, pero hindi kita papatulan”, ang tahimik niyang naibulong sa sarili at saka niya pinilit makatulog kahit pa siya’y nagdaramdam sa ginagawang pagtrato sa  kanya ng asawa.

Nang siya’y makatulog ay nanaginip siya. Napanaginipan niyang pinakakain daw niya ng palay ang kanyang alaga at anong laking gulat niya nang mangitlog ito ng isang montias o isang mamahaling hiyas.

Nagising na lang siya dahil tinatawag na pala siya ni Lokes a Mama para tingnan ang kanilang mga bitag. Subalit wala na siyang interes sa bitag. “Ikaw na lang ang pumunta,” ang sabi niya sa asawa. “Masakit ang ulo ko at mas gusto ko pang magpahinga na lang.” ang dugtong pa niya.

“Bahala ka. Basta’t pag may nahuli ako ay hindi uli kita bibigyan. Kanya-kanya tayo,” ang sabi ni Lokes a Mama habang pababa ng hagdan. Hindi sumagot si Lokes a Babay. Sanay na siya sa pagiging tuso at madamot ng kanyang asawa. Wala rin itong pagpapahalaga sa kanya at hindi niya naramdamang mahal siya nito.

Pagkaalis ng kanyang asawa ay agad niyang pinuntahan ang kanyang munting ibon. Kumuha siya ng palay at ipinatuka sa ibon. Gayon na lang ang kanyang panggigilalas nang makitang pagkalunok nito sa palay ay biglang nangitlog ng isang maningning na diyamante ang ibon. Dinampot niya ang diyamante. “Mayaman na ako! Mayaman na ako!” ang paulit-ilit niyang sabi sa sarili habang itinatago ang mamahaling bato.

Tulad ng dati, pag-uwi ng kanyang asawa ay iniluluto nito ang kanyang huli at mag-isang kumakain nang hindi man lang nag-aalok. Subalit hindi na ito pansin ni Lokes a Babay ngayon. Sa halip ay masaya siyang humuhuni ng paborito niyang himig habang gumagawa sa bahay na labis namang  ipinagtataka ng kanyang asawa.

Araw-araw nga, pagkaalis ng kanyang asawa upang kunin ang anumang nahuli ng kanilang bitag ay pinakakain naman niya ng palay ang ibon at saka mag-aabang sa ilalabas nitong diyamante. Walang kamalay-malay si Lokes a Mama na marami na palang naiipong diyamante si Lokes a Babay.

Isang araw, habang mag-isa na namang kinakain ni Lokes a Mama ang kanyang inilutong huli ay nagsalita si Lokes a Babay. “Hindi ko na matiis ang pakikitungo mo sa akin. Alam ko na ang ginagawa mong panloloko sa akin. Bukod pa riyan hindi ko na rin kayang tiisin ang pagiging maramot mo at kawalan mo ng pagpapahalaga sa akin,” ang buong kapaitan niyang sabi sa asawa na hindi man lang tumingala mula sa pagngasab sa niluto niyang ligaw na pato. “Payag na ako sa dati mo pang sinasabing pakikipaghiwalay sa akin. Magmula ngayon, lilipat na ako ng tirahan at hindi na kita aabalahin subalit huwag na huwag mo na rin akong aabalahin.” ang pangwakas na sabi ni Lokes a Babay.

Medyo nakonsensya naman ang lalaki dahil totoong lahat ang sinabi sa kanya ng asawa. Pero ito na ang pinakahihintay niyang pagkakataon. Ngayon ay Malaya na siya. Matagal na niyang sinasabi kay Lokes a Babay na gusto niyang makipaghiwalay subalit hindi ito pumapayag. Ngayon ay heto at pumapayag na siya sa kanyang kagustuhan.

Nag-impake si Lokes a Babay ng kanyang mga gamit at dala ang pinakamamahal niyang ibon at umalis siya ng bahay. Naiwan naman si Lokes a Mama at ipinagpatuloy lang ang kanyang pangangaso.

Samantala si Lokes a Babay ay bumili ng isang malawak na lupain at nagpatayo ng isang torogan o malapalasyong tahanan. Kumuha siya ng mga guwardiya at mga katulong na magsisilbi sa kanya. Naging maayos at masagana ang kanyang pamumuhay. Nabalitaan ni Lokes a Mama ang napakagangdang kalagayan sa buhay ng kanyang dating asawa kaya’t muli siyang nagplano.

“Babalikan ko si Lokes a Babay para makasalo rin ako sa kanyang kayamanan. Hindi ko alam kung saan niya kinuha ang kanyang kayamanan subalit dapat lang na makinabang din ako,” ang sabi sa sarili ng tusong lalaki.

Subalit napaghandaan na pala ito ni Lokes a Babay. Kilala niya kasi ang pagiging tuso at manloloko ng asawa kaya’t pinabilinan niya ang kanyang mga guwardiya na huwag na huwag itong palalapitin man lang sa kanyang magarang tahanan. Kahit anong gawin ni Lokes a Mama ay hindi na nagpaloko sa kanya ang asawa.


At magmula noon, namuhay sa bayan ng Agamaniyog si Lokes a Babay nang maligaya, masagana, at payapa.