Wednesday, April 13, 2016

Ang Guryon (Tula)

Tanggapin mo, Anak, itong munting guryon
Na yari sa patpat at “papel de hapon;”
Magandang laruang pula, puti, asul,
Na may pangalan mong sa gitna naroon.

Ang hiling ko lamang, bago paliparin
Ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
Ang solo’t paulo’y sukating magaling
Nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.

Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas
At sa papawiri’y bayaang lumipad;
Datapwat ang pisi’y tibayan mo anak,
At baka lagutin ng hanging malakas.

Ibigin ma’t hindi, balang araw ikaw
Ay mapapabuyong makipagdagitan;
Makipaglaban ka, subalit tandaan
Na ang magwawagi’y ang pusong marangal.

At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
Matangay ng iba o kaya’y mapatid;
Kung saka-sakaling di na mapabalik.
Maawaing kamay nawa ang magkamit!

Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
Dagiti’t dumagit saan man sumuot;
Oh, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,

Bago tuluyang sa lupa sumubsob!

1 comment: